Disyembre 6, 2009
Si Kenzy ang isa sa pinakapaborito kong aso, dahil isa din siya sa pinakamatagal kong nakasama at madami kaming bonding moments.
Naaalala ko pa ng una siyang maconfine right after ipanganak niya ang unang batch ng kanyang mga puppies, mga 9 na taon na ang nakakaraan. Hindi siya kumain ng isang lingo at ng manganak siya ay kinailangan kong mamili kung sino ang bubuhayin dahil alam ko na kapag ipinaconfine ko siya, ang 7 anak niya ay mamamatay na. Siya ang pinili ko kaysa lahat sila ay mawala. Then October last year, muli na naman siyang napunta kay Doc Baculanta, ito ay upang ipaopera ang kanyang vaginal tumor. Tinapat na ko ni doc na mauulit pa uli ang pagtubo ng tumor na iyon at wala pa ngang isang taon, last August ay muli na naman siyang dumaan sa operasyon upang alisin ang katulad ding tumor.
Oktubre pagkagaling ko sa Calbayog, nagulat ako ng sa mahigit pa lang isang buwang pagkakaopera ay Makita kong me umuusli na naman sa kanyang ari. Doon na ko kinutuban na mula na sa loob ang tumutubong iyon sa kanya at maaaring kumakalat na sa loob ang kanyang cancer. Inihanda ko na ang aking sarili na di na magtatagal ang kanyang buhay.
Kahapon, ganap na ika-10 ng umaga, namaalam na nga siya. Matapos na mapansin kong di siya makatayo at dumadaing na noong una ay inakala ko lang na masakit ang paa, yun pala ay tuluyan na siyang iginupo ng sakit.
Ang ipinagpapasalamat ko na lang ay di siya pinahirapan ng matagal. Masigla pa siya ng sinundang araw maliban sa napansin naming umiika-ika ito. Nakakain pa ng maayos na hapunan at napainom ko pa ng 2 klase ng gamot bago siya namaalam.
Kakamiss ung pagkagat niya sa laylayan ng pantalon ko tuwing ako ay dumarating at ang pagboboxing naming dalawa.
Ngayon kasama na siya nina Koji at Negra na naghaharp sa heaven.
Posted in home | Tags: cancer, dog cancer, family, kenzy, pet, vaginal tumor |
Nobyembre 24, 2009
Nakapanlulumo at kasukdol-sukdol ang sinapit ng57 katao kahapon, Nobyembre 23 ng sila ay dukutin at patayin sa Brgy. Saniag, Ampatuan lalawigan ng Maguindano. Kalunos-lunos din ang sinapit ng mga kababaihang biktima ng sila ay gahasain pa bago pinatay. Ang mga ito ay kasama sa convoy ng magpafile lamang ng Certificate of Candidacy (COC) na si Vice Mayor Toto Mangudadatu. Ito na ang pinakamasahol na karahasang may kaugnayan sa eleksiyon.
Hindi lang mga supporters ng nasabing pulitiko ang mga biktima, kasama din dito ang hindi bababa sa 12 mediamen na naroon lamang upang icover ang nasabing aplikasyon. Wala ang Vice Mayor at ang asawa lamang nito ang naroon upang siyang magfile ng kandidatura. Maging ito ay kasama sa mga nasawi. Ganito na ba kasahol ang larong pulitika sa ating bansa? Oo nga at masasabing isolated case lamang ito, ngunit tama ban a humantong sa ganito ang agawan ng kapangyarihan sa pulitika?
Ilan sa mga larawan mula sa isang nagbahagi.
pakisundan ang link para sa ibang larawan

Kondenahin ang Maguindanao Massacre!
Posted in pulitikang pinoy | Tags: ampatuan, condemn media killings, Maguindanao, Maguindanao massacre, mangudadatu, political violence |
Nobyembre 23, 2009

Wow nanindig ang balahibo ng batok ko at nanlaki ang tenga ko ng madinig sa balitang ang itinanghal na CNN Hero of the Year ay si Efren Penaflorida. Tagumpay!!
Hindi ako kailanman naging fan ng kung sinong celebrity lang. Ngayon ko lang ginawa sa tanang buhay ko ang mag- advocate para sa isang tao. Itinulak lang baga ng inspirasyon.
Salamat sa mga nahikayat kong bumoto para sa ating kababayang si Efren. Ang tagumpay niya ay isang tunay na inspirasyon.
Cheers!!
Posted in Human behavior, espesyal na pangyayari, opinion | Tags: efren penaflorida, CNN hero of the year, 2009 CNN hero of the year, CNN hero of the year award, pushcart educator, kariton eskwela, talambuhay ni efren penaflorida |
Nobyembre 16, 2009
Parang kalian lang ng umabot sa akin ang napakalaking dagok na inabot ng mga manggagawang nagwewelga sa Central Azucarera de Tarlac noon. Patungo sana kami ng aking mga kasama doon para makiisa sa ilang araw ng welga, kundi lang sa kinailangan kong pumunta sa bayan ng Tarlac para sa nasira kong cellphone dapat naroon ako sa mismong pangyayari.
Nobyembre 16, 2004 bandang alas 4:00 ng hapon ng matanggap ko ang balitang minasaker ang mga manggagawa ng Hacienda. Nanlaki ang ulo ko, walang makapagsabi ng laki ng damage, kung ilan ang nasawi at kung ano ang kwento. Hindi na kami pinayagang makapasok pa sa Hacienda. Ilang oras ang nakalipas bago nalaman na 7 ang nasawi. Marami sa kanila ay anak lamang ng mga manggagawang naroroon. Hindi ko na matingnan ang series ng mga larawang kuha ko pa sa 6600 kong cellphone, nakakadurog ng puso. Hanggang ngayon ay wala pang nananagot sa nangyari. Wala pang nagbabayad sa parang hayop na pagtratong pinalasap nila sa mga manggagawang ang tanging hangad lang ay ang maayos na kalagayan sa paggawa at kaunting umento mula sa kakarampot na kinikita nila. Kanina ay mahigit sa isang daang sasakyan ang nagconvoy upang makiisa sa paggunita ng anibersaryo. Ang mga sasakyang ito ay mula lang sa nasyunal at wala pa ang mga galing sa Central Luzon. Matapos ang ilang oras na pagtatanghal sa harap ng Azucarera ay nagtungo na sa Balete Covered court ang mga nagrally upang doon magpalipas ng gabi.
Kung hanggang kalian magkakaroon ng katarungan ang naganap na masaker ay tanging panahon na lang ang nakakaalam.
Posted in Human behavior, opinion, pulitikang pinoy | Tags: Central Azucarera de Tarlac, hacienda Luisita, Hacienda Luisita massacre, HLI, LIP, luisita industrial Park |
Nobyembre 9, 2009
Naagaw na naman ang atensiyon ko sa balita ng isang kabayanihan. Buhay na kabayanihan ng isang simpleng tao na me napakalaking adhikain. Nakakainspired lang.
Si Efren Penaflorida ang aking tinutukoy, ang Pilipinong bumabandila ngayon bilang isa sa Top Ten CNN Heroes. Mula sa ilang daang kalahok mula sa ibat-ibang bansa para sa kategoryang ito, nasala siya at pumasok sa mataas na posisyong ito upang pagbotohan at mapiling CNN Heroes. Sa kabila ng madungis na pulitika sa ating bansa, nakakatuwang me mga magsusulputang ganitong balita. Pagkakawang-gawa at selflessness para makapaglingkod lang sa kapwa.
Hindi ko pa kaya ang ganitong paghahandog ng sarili kaya pagsaludo na lang muna ang aking gagawin at kaunting adbokasya upang maiangat pa sa natatanging posisyon si Efren.
Si Efren ay lumaki sa Cavite City, kung saan nakaranas siya ng pambubully ng mga gang members. Ngunit sa kabila nito ay pinilit pa din niyang makapagtapos ng pag-aaral. Labing anim na taon pa lamang siya ng itatag ang Dynamic Teen Company (DTC) bunga ng labis na pagsasaalang-alang sa mga out of school youth. Sa pamamagitan ng karitong kanilang itinutulak ay tinuturuan nila ang mga batang lansangan sa Cavite tuwing araw ng Sabado. Sa loob lamang ng isang dekada ay umabot na sa 10,000 ang kanilang miyembro at nakapagturo sa humigit-kumulang 1,500.
Ngayon hingi lang sana ako ng kaunting oras upang maiboto natin si Efren. Isang napakalaking karangalan ito para sa ating bansa at tiyak na makakapag inspire ng maraming tao. Natutuwa din ako sa pagiging humble niya kasi hinihikayat niya tayo na silipin din ang profile ng iba pang kalahok dahil inspiring daw talaga.

Good news kasi walang limit ang boto, kahit maghapon mong iclick ang VOTE ok lang make-credit lahat sa kanya iyon.
Bad News kasi hanggang November 19, 2009 na lang ang botohan kaya samantalahin na natin mga kapatid.
Isang pagsaludo sa buhay na bayaning Pilipino!
Vote here
Posted in Human behavior, opinion | Tags: cnn heroes, efren penaflorida, penaflorida, vote for efren penaflorida |
Oktubre 28, 2009

Bakit ba sukatan pa din ng katayuan sa buhay ang itsura ng mga nitso hayyyy,,, pantay na ang mga paa pero me diskriminasyon pa din. Kapag walang-wala talaga asahan mong kundi secondhand na puntod e ung nandun naman sa 4th o 5th floor na. Iyon bang halos hindi na maisuot ang ataul sa sobrang taas ng pinaglalagyan.
Pero nanlumo ako sa nangyari sa Zambales noong baha kung saan nawasak ang sanay huling mapayapang hantungan. Lumutang ang mga ataul, ang iba ay me laman at ang iba ay wala na. Nakikidalamhati din ako sa mga namayapang hindi na kailanman nakita ang mga katawan, iyon bang biktima ng karahasan at political assassination.
Daming nag-aari ng lupaing wala pa sila ay nandiyan na at wala na sila ay nandiyan pa, samantalang ang dulo lang naman ang ating kailangan ay isang dipang lupang me anim na talampakang lalim.
Naalala ko pa ang kanta ng lola ko nung bata pa ako na me kaugnayan sa undas.
Kami po ay kaluluwang tambing
Sa purgatory galling
Doon po ang gawa po naming
Araw gabi manalangin.
Kakamiss sila, sana totoong magkakakilala pa ang lahat kapag nasa kabilang buhay na….
Posted in holidays | Tags: all saints day, all souls day, araw ng mga patay, cemetery, puntod, sementeryo, undas |
Oktubre 28, 2009
Napalaking perwisyo na ang naidulot sa kabuhayan at mismong buhay nating mga Pilipino ang nagdaang 2 bagyo. Ang Ondoy at Pepeng. Ngayon ay may karugtong pa ito para sa mga biktima, ang epidemyang LEPTOSPIROSIS.

Ang leptospirosis ay isang delikadong sakit na nakukuha sa inpeksiyong dala ng ihi ng isang infected animal na gaya ng daga. Maaaring sa pagkalunok ng tubig na kontaminado ng impeksiyon o kahit ng pagpasok nito sa bukas na sugat.
Ilan sa mga simtomas ng sakit na ito ang lagnat, panghihina ng katawan, pananakit ng mga kalamnan at pantal. Kapag di naagapan, ito ay maaaring humantong sa kumplikasyon ng bato, atay at brain damage at maging sanhi ng kamatayan.
Sa Metro Manila lang ay may naiulat ng 2,158 na nahospital sa buwan lamang ng Oktubre at nasa 137 na rito ang namamatay. Mahigit sa isang daan na ang naitalang may ganitong sakit sa Ilocos region, at nasa 40 na ang namatay. Dahil dito ay idineklara na ang leptospirosis outbreak sa lalawigang ito.
Hindi pa tapos ang kalbaryo, patuloy pa ding nag-iiwan ng pangit na marka sa mga nasalanta.
Posted in Human behavior, kalusugan, opinion | Tags: ondoy, pepeng, leptospirosis, leptospira, epidemya, epidemic |
Oktubre 19, 2009

Fight for Gender Equality
Iba-iba ang reaksiyon ng bawat tao maging babae man o lalaki kapag naririnig ang mga salitang “gender equality.” Depende sa pananaw, pagkamulat at pagtanggap ang mga reaksiyon. Merong konserbatibo na namamayani pa din ang patriyarkal na pananaw, kung saan ang lalaki ang higit na malakas, makapangyarihan at me boses at ang mga babae e ipinanganak para maging tagasunod lang. Pikit-matang tinanggap ang akala nila ay siyang kaloob ng Maykapal. Ang masakit, mismong sa hanay kababaihan ay hindi pa din mabaklas ang ganitong kultura hanggang sa ngayon.
Meron namang nagtataas lang ng balikat, “Gender equality? ano yan!!” o siya pabayaan na natin sila at malamang busy lang sila sa kanilang pang-araw araw na buhay at ayaw lang dagdagan ang sandamukal na stress na nasa katawan na nila.
Makakatagpo ka din na magsasabing ang isyung ito ay mahalaga. Wow, kapag ganun alam mo na na medyo progresibo na silang mag-isip. At gilingin natin ng konti ang mga nasa hanay na ito.
SIngtanda na nga ng panahon ang isyung ito ngunit di pa din matapos-tapos. Isa-isahin nga natin sandali.
- Malaking bilang pa din ng kababaihan ang hindi pinag-aral ng kanilang magulang dahil dahil sa sila ay mag-aasawa lang din at matatali lang sa bahay, bakit pa daw pag-aaralin.
- Diskriminasyon sa paghahanap ng mapapasukan. Mas mababa ang edad na kailangan sa pag-aapply sa mga trabaho kesa kalalakihan.
- Malaking bilang ng kababaihan ang inaabuso maging sa loob ng kanilang tahanan. Domestic violence o incest (pagsasamantala ng kadugo sa isang babae).
- Hindi pantay na katayuang moralidad o double standard of morality. Okay lang kapag ang lalaki ang nangaliwa, putong pa nga ito sa ego nila e, pero kapag babae ang gumawa ng ganoon, kasuklam-suklam at karima-rimarim.
- Ang gawaing bahay ay para lang sa kababaihan kahit pa nga sila ay nagtatatrabaho din sa labas. Suma total ay higit na pagod ng katawan na nagiging sanhi ng maagang kamatayan.
- Madalang sa mag-asawa na parehong nagdedesisyon sa malalaking usaping sangkot ang kabuhayan ng pamilya. Kadalasan ay ang padre de pamilya lang ang may say.
- Kapag ang lalaking nagtatrabaho sa opisina ay nag-asawa, tinitingnan ito na siya ay magiging responsableng tao lalo, pero kapag ang babae ang nag-asawa , tinitingnan ito na magiging dahilan na ng madalas na pag-aabsent dahil siya ang mag-aasikaso sa pamilya.
Sige, dito na lang muna tayo sa mga halimbawang ito at baka malula tayong lahat. Napakapalad kung hindi natin napagdaanan ang mga nabanggit, ngunit napakarami pa ding dumaranas ng ganito. Salamat na din at nagiging aktibo na ang mga progresibong samahang nagtutulak ng pagbabago. Isa na dito ang GABRIELA at iba pang organisasyon. Maaaring matagal pa talagang makuha ang equality na ideal pero kung patuloy tayong mananahimik at hindi uunti-untiin ang pagbabagong panlipunang ito, ano pa ang maipamamana nating dignidad sa susunod na lahi?
Saan kaya kayo nakatayo sa usaping ito?
Siyanga pala FYI August 26 is Women’s Equality Day. At least kahit isang araw me inilaan para sa usaping ito hehe.

MEN OF QUALITY RESPECT WOMEN'S EQUALITY
Posted in opinion, pulitikang pinoy | Tags: incest, VAW, women's equality, gender equality, women equality, equal rights, women oppression |
Oktubre 12, 2009
Nitong mga huling araw napapansin ko lang
Lagi ng tumutulo ang aking luha
Hindi ako dating ganito
Astig nga daw ako e
Siguro me problema na ang lacrimal glands ko.
Bakit ba nanonood lang ako ng balita ngayon
Tumutulo na ang aking luha
Para nakita ko lang naman ang hagupit ni Ondoy
At ang pananalasa ni Pepeng
At maraming nakalulunos na tanawin
Tumulo na ang aking luha.
Aba e hindi naman dapat a 
Di naman kami apektado
Kahit mga kaibigan ko at pamilya ligtas
Ibang tao naman sila
Oo nga at kababayan
Pero bakit kailangan kong iyakan.
Para lang naman itong pelikula
Me malungkot, me Masaya di ba?
Hanggang di naman tayo apektado
Bakit ba natin pag-aaksayahan ng panahon
Ibang tao naman sila
Di naman kapamilya.
E ano kung madaming nasalanta
E ano kung madaming namatay
Lumubog na ari-arian
Kabuhayang napinsala
Bahay at buhay na natabunan ng lupa
Ibang tao naman sila.
Siguro nga ay may problema na ang tuluan ko ng luha
Madali na itong bumalong ngayon e
Tuwing magbabasa ako ng diyaryo
Makikinig ng radyo at manonood ng TV
Daming kalunos-lunos nababagbag ako
Ayan tumutulo na naman luha ko…
*** photos from Google
Posted in Awtlet ni Redtot, Human behavior, espesyal na pangyayari, opinion | Tags: ondoy, pepeng, typhoon, disasters, typhoon in the Philippines, red cross, dswd, relief, relief operation |
Setyembre 28, 2009

halos hanggang ibabaw ng posteng baha
Nakamamangha ang laki ng pinsalang idinulot ng bagyong si Ondoy sa ating bansa. Hindi nasukat ninuman maging ng PAGASA ang lupit ng hagupit at dami ng ulang ibubuhos ng nagngingitngit na bagyong ito.

ang lawak ng pinsala ni Ondoy
Maraming nasukol sa bubong ng kani -kanilang bahay, mapapalad pa ang ibang mayroong 2nd floor. Tumataas na din ang bilang ng mga nasawi, mahigit 300 na at marami pang mga nawawala. Asahan na ito dahil sa hanggang ngayon ay marami pa din ang lubog na mga lugar at ang nagsisiksikan ng evacuation center. Bilyong halagang ari-ariang nasira.

mga casualties

Napakalawak ng pinsala, napakaraming naging biktima, at magtatagal pa ito ng ilang panahon. Mga kagamitang nasira, mga bahay na natabunan at buhay na nasawi. Pinakamalupit na mula ng taong 1967. Sa iba ito marahil ay gamit lang ngunit sa marami ito na ang kanilang buong kabuhayan. Nakalulunos makita ang kalagayan ng mga biktima, hindi nawawala ang sakit ng loob ko habang nanonood ng mga balita. Isang kalagayang hindi lang panandalian dahil marami ang magsisimula uli sa wala. Mapapalad ang hindi gaanong nasalanta at buo ang pamilya. Totoong mapapalitan pa ang mga nawalang gamit ngunit hindi ang buhay.

Sana ay hindi tayo magdamot ng tulong sa pagkakataong ito. Materyal man o pisikal at moral. Sama-sama nating ibangon muli at isalba ang ating mga kapatid.
Posted in home, opinion, tanawing pinoy | Tags: ondoy, typhoon ondoy, bagyong ondoy, andoy, baha |