Parang kailan lang ng aking tahakin paroo’t pabalik ang Mendiola
Suot ng luma kong sapatos at dala ang isang bag sa likod
Kasama ng mga manggagawa, magbubukid at mga dalita
Na sumisigaw sa nagbibingi bingihang mga panginoon
Nagbabakasakaling may makarinig kahit suntok sa buwan
Ang mahalaga ay iisang tinig at himig sa pagsigaw ng nais.
Nararamdaman ko pa ang init ng singaw ng higaang semento
Sa gitna ng isinarang kalsada sa ilalim ng bubong na ulap
Mga nananakit na lamang iniuunat gawa ng maghapong paglalakad
At mga butong nananakit sa pakikipaggiitan at pukpok ng mga militar
Nanunuot pa sa aking ilong ang alimuom
Mula sa ilang oras na pag-ulan at pag-ambon.
Sa tindi ng init ng panahon ay kay sarap maligo
Ang masakit nga lang ay sa buga ng bumbero galing ang tubig
Habol ang hiningang pilit tumatalikod
Para hindi malunod at paglamayan
Mas mainam na ito kesa isalbeyds na lang
O dukutin at di na makita kailanman.
Parang kalian lang ng aking kalakasan
At ito ay ginugol sa pagtakbo sa lansangan
Sa paglusong sa pilapil at bukiring putikan
Upang pag-isahin ang bawat kaisipan
Tanikala’y kalagin sa kamay ng dayuhan
Sa mga mapagsamantala, mga ganid at gahaman.
Ilang panahon na nga palang ang sapatos ko ay di nagagamit
Di na rin ginagasgas ng pagal na paa ang lugar ng Mendiola
Tanging sa mga balita ko na lang nalalaman at nakikita
Sa text ng mga dating kasama na ang iba ay wala na
Ahhh Mendiola…Mendiola bahagi ka ng aking katauhan
Magagawa pa bang kita ay balikan?
(ang larawang nakalakip ay hindi ko inaari)
Ang tulang ito ay aking lahok para sa Saranggola blog awards 4.
Ang Saranggola Blog Awards 2012
ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng
Maraming Salamat sa ating mga sponsors :
pakilagay ang badge ng mga sponsors
Pwede bang malaman kung okay itong pagkakalagay ko ng mga sponsors or me need pa ba akong gawin?
Thanks