Tinik sa Pagbabagong Nasa

Ngayong nagkakaroon ako ng oras para magblog (ibig sabihin ay konti ang trabaho huhu) naisip kong gawing imortal…(naks naman ha) yung aking mga naunang nailathalang mga kwento at tula ko. Ang papel kasi ay lumulutong na at naninilaw at sandaling panahon na lang at ang mga ito ay gutay-gutay na kasama ng mawawala noon ang aking mga likha.

Ang kwentong aking ibabahagi ngayon ay ang kaisa-isang kwentong nailathala sa Liwayway magazine…magkakaalaman sa edad kung sino ang me alam at nakakaalala sa sikat na magazine na ito. Nailathala ito noong ika 29 ng Pebrero taong 1990.

Tinik sa Pagbabagong Nasa

Liwayway Magazine
Ito ang orihinal na sipi

“Malayo yata ang nilalakbay ng isip mo?” napalingon siya at kanyang nakita ang nakangiting si Bert, kumpare at kasa-kasama niya sa mga lakaran.

“Ikaw pala, Pare, nalala ko lang ang napag-usapan namin ng isang dating kakilala kagabi. Mabuti pa ay pumunta ka na lang sa bahay mamaya at doon natin pag-usapan.” Ang tuloy-tuloy na sabi niya.

“tila mahalaga nga yata yan a. sige Pare at masama na nama ang tingin sa atin ni suso.”

Napalingonsi Gerry sa papalapit na si Mr. Canlas, ang tinutukoy ni Bert at ng iba pa nilang kasama na suso, linta, sipsip at kung ano pang salitang aankop dito.

“Ano ba yan at umagang-umaga ay nagwa-wasting time kayo. Baka gusto ninyong ipatawag sa office mamaya.” Pagalit na sabi ni Mr. Canlas sa kanila.

“Kinuha lang naman ni pareng Bert ang mga pinagtabasang goma sa gawi ko.” Ang sabi niyang hindi  tumitingin sa kausap. Ilag silang makipagsagutan dito dahil baka sila ay mapag-initan at tanggalin. Ilang beses na bang napatunayan ang pagiging sipsip at di makatwiran nito. Ilang kasamahan na nila ang natanggal basta napag-initan ni Mr. Canlas.

Pagsapit ng alas kwatro ay sabay ng umuwi ang magkumpare. Iisang lugar lang kasi ang kinaroroonan ng kanilang inuupahang bahay sa loobang iyon, na di kalayuan sa pabrikang kanilang pinapasukan.

Dumaan silang saglit sa inuupahang bahay ni Bert upag magpalit ito ng damit at sabay silang nagtungo sa kanila.

Sinalubong siya ng halik ng kanyang mag-ina, si Linda at isang batang lalaking nasa dalawang taong gulang at binuksan niya ang paksa sa harap ng tig-isang tasang kape at galyetas.

“Dumalaw dito kagabi ang isang dating kaibigan at marami akong natutunan sa kanya.” Sabi niyang sinabayan ng tikim ng kape.

“Napagkwentuhan namin ang kalagayan nating mga manggagawa at naihinga ko  ang ilan sa ating karaingang ‘di binibigyang panin ng management. Tulad ng wala man lang sa minimum wage ang sahod natin na matagal ko ng naririnig na sisenta’y kwatro pesos na, tayo’y ku-kwarenta’y otso pesos lang.  Wala tayong 13th month pay at di in tayo binibigyan ng gamit-proteksiyon sa katawan habang nagtatrabaho gaya ng mask at gwantes. Langhap na langhap natin ang masansang na amoy ng gomang tinutunaw.”

“Tama ka, Pare,” sagot ni Bert. “Di nga ba’t ilan na sa ating kasamahan ang hindi makapagtrabaho dahil sa sakit sa baga at alam nating epekto ng mga kemikal na nalalanghap natin? Ang masakit nito ay tinanggal silang wala man lang kahit na konting tulong mula sa kumpanya.”

“Iyan na nga, di rin tayo kinakaltasan para sa SSS kesyo abala lang daw ito. Ngayon ay wala man lang tayong mahabol na benepisyo kahit konti.” Tuloy-tuloy na sabi niyang sinabayan ng dampot ng galyetas at isinubo.

“Idagdag mo pa, Pare.” Pakli ni Bert, “Ano mang oras na tayo ay tanggalin ay wala tayong kalaban-laban.  Oo nga’t nandito na tayo mula ng maitayo ang pabrikang ito may apat na taon na ang nakakaraan  subali’t hanggang ngayo’y kontraktwal pa din tayo.”

“Dahil sa wala pa tayong union upang protektahan tayo sa ‘di makatarungang pamamalakad ng namamahala. Kung makikiisa ang ating mga kasama ay nais kong tayo ang magsimula ng pagbabago.”

“Alam natin kapwa na delikado ang tayo natin sakaling matunugan  ang ating binabalak. Pero alang-alag sa kinakailangan nating pagbabago, nasa likod mo ako Pareng Gerry.” Ani Bert habang hinahalo ang kapeng lumamig na.

Ilang araw lang ang nakalipas at dala na ni  Gerry ang mga papel na kailangang papirmahan. Ingat na ingat siya upang huwag itong matunugan. Kapag may oras ay pinupuntahan nila sa bahay ang kanilang mga kasama at pinagpapaliwanagan ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa at ang mga kasamang nais umanib ay kanilang pinapipirma.

Isang hapong papauwi na ang dalawa ay sinalubong sila ng isang kasama at humihingal na ibinalitang nabundol daw ang kanyang anak, matapos alamin kung saang hospital dinala ay nagmamadaling tumungo na sila doon.

Pinanlakihan ng ulo si Gerry at tila binuhusan ng malamig na tubig ang buo niyang katauhan..Patay na ag kanyang anak, at ayaw magbigay ng paliwanag ang ilang saksi dahil sa takot. May nabuong hinala sa isip niya. Iisa lang ang pinangingilagan ng ganoon sa lugar nila. Subali’t batid niyang ano man ang kanyang gawin ay di magsasalita ang mga iyon.

Dalawang araw pagkatapos mailibing ang anak ay pumasok na siya sa trabaho. Nadaanan pa niya ang bahay ng bungalow ni Mr. Canlas. Ilang bahay lang mula sa kantong papasok sa kanila,nang di kawasa’y lumapit ang isang kapitbahay nila at may sinabi na lalong nakapagpabilis sa kanyang hakbang.

“Sabi ko na nga ba.” Usal niya.

Tuloy-tuloy siya sa opisina ni Mr. Canlas. Ilang dadaanin ang inilapag nito sa ibabaw ng mesa. “Ito na ang huling araw mo sa kumpanyang ito.”

“Bakit, ano ang nagawa kong kasalanan?” ang tanong niyang nakakuyom ang palad.

“Hindi kami nag-aalaga ng ahas dito!”

“Pero linta ay oo! Ang tulad mo, ang sawang lumilingkis sa maliliit na manggagawang tulad naming. Linta kang sumisipsip sa bawat himaymay n gaming kalamnan,” sabi niyang nangggalaiti sag alit.

“Ang hayop na ito’t…”

“Hindi pa ako tapos. Baka akala mo ay di ko alam na ang durugista mong anak ang siyang nakabundol sa anak ko, kaiingat lang siya’t baka siya ang isunod na paglamayan!” at siya’y walang lingon-likod na lumabas ng opisinang iyon. Halos mawasak ang pintuan sa lakas ng kanyang pagkakasara.

Dakong hapon ay alumpihit siya. Kung ano ang binabalak niyang gawin ay tanging siya lang ang nakakaalam. Maya-maya’y nagtungo siya sa kusina at dagli ring lumabas.

“Ako pa ang tatakutin ng gagong Guzman na iyon. Di yata niya alam na malakas ang kapit ko sa mga pulis dito.” Usal sa sarili ni Mr. Canlas. Naglalakad lamang siyang pauwi sapagkat nasa talyer ang kotse niya. Nang sa pagliko sa kanto’y salubungin siya ng sunod sunod na saksak…anim, pito, walo, kayrami pang sumunod  at sa nanlalabong paningin ang tanging nasambit niya ay “Guzman….?”

Tiyak ng lalaking iyon na dili iba’t si Gerry ang patutunguhan…sa presinto. Kusa niyang isinuko ang sarili.

Sa madilim na seldang iyon ay nagbalik sa kanyang gunita ang naging usapan nila ng kanyang asawang si Linda.

“Wala akong nadama ni konting pagsisisi. Hindi dapat pinagtatagal ang buhay ng ganoong klaseng tao.” Aniya sa humahagulgol na asawa. At muli ay naalala niya ang nasimulang layunin sa kompanyang iyon. Sayang kung ito ay mawawalan ng saysay.

Dalawang linggo ang lumipas at  pamuli’y ang pananariwa ng mga katagang sinabi ng kanyang Pareng Bert.

Nagawa na raw nitong mapapirma ang mahigit sa sitenta’y singko porsyento sa kanilang mga kasama at naisubmit na nito sa DOLE ang tala ng kanilang kaisahan. Humingi na sila ng pakikipag-usap sa management at nangakong gagawin ng kanilang bagong manedyer ang lahat sa ikabubuti ng sistema sa paggawa.

At ang huli’y ang pagbanggit nitong nakakulong na rin ngayon ang anak ni Mr. Canlas dahil may tumestigo na laban dito.

Ngayon, sa kabila ng mabaho, madilim, malamok at mainit na seldang iyon ay may naramdaman siyang kasiyahang unti-unting lumalaki hanggang sa hindi na niya mapigilang mapahalakhak.

kitang kita ang haba ng panahong lumipas sa kwentong ito …sumasalamin kung gaano na katanda ang otor…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s