Buhay Manggagawa

manggagawa

I

Nagising sa lagabog
Ang katawang binugbog
Sa pabrika’y napagod.

II

Ang ulo ay tinutop
Gusto na nyang iumpog
Kulang pa kanyang tulog.

III

Bumangong sumusukot
Tabo’y kanyang dinampot
At saka sya nagmumog.

IV

Kaldero’y walang mugmog
Dibdib ay kumakabog
Tiyan ay tutop tutop.

V

Oras na ng trabaho
Sa malupit nyang amo
Magbabanat ng buto.

VI

Titingin sa kawalan
Mga mata nyang lamlam
Na sa luha ay hilam.

VII

Dinampian ng halik
Anak niyang marungis
Mabilis ng umalis.

VIII

Kapa bulsa nyang bahaw
Utak nyang humihiyaw
Kailan matitighaw.

IX

Daraan sa kainan
Inggit ay kanyang tangan
Sa tuyong lalamunan.

X

Dumating sa destino
Sa pingkian ng buto
Durog na pagkatao.

XI

Katapusan na naman
Sasahod sa arawan
At sobreng walang laman

XII

Sahod kulang sa utang
Maiiling na lamang
Titingin sa kawalan.

XIII

Kailan matatapos
Ang sistemang baluktot
Kailan maaayos.

XIV

Uulit ang umaga
Sa parehong istorya
Hirap, pakikibaka.

Ang tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Award 7 (2015) at nagkamit ng Pangalawang Karangalan.

Saranggola 336x280

Ang larawang nakalakip ay hindi pag-aari ng otor at ito ay galing sa blog na ito.

Advertisements

Sino si Pedro Calungsod?

Pedro Calungsod

Sa darating na ika-21 ng Oktubre taong kasalukuyan ay ang kanonisasyon ng ikalawang Pilipinong Santo, si Pedro Calungsod. Malapit na ito ngunit marami pa ring di nakakakilala sa kanya…hindi siya kasing popular ng naunang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz.

Nang ako’y magbakasyon sa Calbayog City lalawigan ng Samar ay may isang pagtatanghal sa plaza na nagsasadula ng buhay ni Pedro Calungsod…mula sa pagkukwento ng pari ay nabuhay ang aking interes sa palabas at mismong kay Pedro.

Taong 1655 ng isilang si Pedro Calungsod sa hindi pa matukoy na lugar sa Visayas at sa murang edad na 14 ay nakasama na ito ng pari o pinili ito ng paring si Diego Luis de San Vitores upang sumama sa Guam at magpalaganap ng salita ng Diyos.

Maraming mga na-convert sa Kristiyanismo sa lugar na iyon ngunit me isang nagpakalat ng balitang me lason ang tubig na ginagamit nila sa pagbibinyag at naging sanhi ng pagkamatay ng mga bata. Pinaniwalaan ito ng ilan at naging dahilan upang ang grupo nila ay tuligsain.

Noong ika-2 ng Abril taong 1672 ay naganap ang pagpaslang sa kanila. Tinamaan ng sibat si Pedro at napatay maging si Padre Diego de San Vitores. Hindi pa nasiyahan ang mga pumaslang at tinalian pa ng mabigat na bato ang kanilang mga leeg at itinapon sa dagat…hindi na nakita ang kanilang mga labi.

Nagsimula sa mga balita na may isang sacristan ang kasama ni Padre Diego na naging martir kaya gumawa ng grupong mananaliksik si Cardinal Vidal upang alamin ang naging kaganapan at ito na rin ang nagsulong upang maiakyat sa beatipikasyon at ngayon nga ay sa kanonisasyon si Pedro Calungsod.

Ilang libo ang nakahanay at naghihintay makanonisa ngunit 7 lamang sina Pedro sa panahong ito. Siya ang kinikilala ngayon bilang santo ng kabataan dahil sa edad na 17, ito ay magiging santo na sa susunod na linggo. Nakakataas ng loob na sa liit ng Pilipinas, heto at may 2 na tayong Santo.

Filipino Saints

Ang Pilipinas Pagkalipas ng 25 Taon – EDSA People Power

Pebrero 25, 1986 – Pebrero 25, 2011 (EDSA People Power)

Laban sign EDSA People Power

Sa mga nakasubaybay sa kasaysayan, parang kailan lang ng pag-alabin ang damdamin ng mga Pilipino at itulak ang mamamayan sa lansangan. Isang bahagi ng kasaysayang nagpabago sa pananaw nating mga Pilipino sa ating mga sarili gayundin sa kung paano tayo tiningnan ng mga mamamayan ng ibang bansa.

Sino nga ba ang makakalimot ng mapatay (sinadyang patayin) ang dating Senador Benigno Aquino Jr. Ito ang senador na pinakamahigpit na tumutuligsa sa rehimeng Ferdinand Marcos ng mga panahong iyon. Matapos ang ilang taong paninirahan sa ibang bansa ay pinili nitong bumalik kahit alam niyang maaaring doon na matapos ang kanyang buhay.

Sa isang bansang isinusuka na ang pasistang pamamahala, isang maliit na ningas lang ay maaaring sumambulat sa nagngangalit na damdamin ng mamamayang malaon ng binusalan ang mga bibig sa pagpapahayag ng katotohanan at saloobin. Ang pagkamatay ni Ninoy ay nagsilbing mitsa upang ang kinikimkim na pagrerebelde ay sumambulat.

Nagkaroon ng snap election dahil na din sa di mapigil na hiyaw ng pagbabago, walang nagawa ang Pasistang rehimeng Marcos kundi patulan ang eleksiyong iyon upang kahit paano ay mapayapa ang lumalakas ng pag-aalsang bayan. Kalakip ang pagluluto ng madayang resulta ng halalan na di niya sukat akalaing siya din palang magiging dahilan ng tuluyan niyang pagbagsak.

Ideneklara siyang panalo sa katunggaling biyuda ni Ninoy na si Corazon “Cory” Aquino, samantalang malinaw sa resulta ng NAMFREL (National Citizen’s Movement for Free Elections) na si Cory ang nanalo. Sinundan iyon ng pagtiwalag sa pamumuno ni Marcos sina Juan Ponce Enrile at si Fidel Ramos. Hindi na mapahupa ang mamamayan, kumakalat ng parang virus ang napipintong kudeta at ang naging dahilan ng sama-samang paglabas sa lansangan ng daang libong mamamayan ay ang panawagan ni Cardinal Jaime Sin na tutulan na at pababain sa pwesto ang diktaduryang Pangulo ng bansa.

EDSA People Power

Sa 4 na araw ng mapayapang rebolusyon ay hindi mabilang na kwento ng kabayanihan ang naitala. Sa bawat nakasaksi at dumalo sa makasaysayang pangyayaring iyon, isa itong hindi malilimutan at napakasarap ng karanasang iuulat sa mga susunod na salinlahi.

Ngayon, pagkalipas ng 25 taon tuluyan na bang nakamit ang demokrasyang ating hinahangad? Nakapanlulumo mang tanggapin ngunit ang isa lang makabuluhang naibigay nito sa atin ay ang malayang pamamahayag. Nang mabuwag ang Martial Law ay nagsibuka na ang ating mga bibig. Subalit ang katotohanang talamak pa din ang korupsiyong atin ng tinutulan ngayon, heto at patuloy pa ding namamayani. Ang kalagayan ng mamamayan sa usaping kabuhayan ay halos bahagya lang umunlad. Ang talamak na patayan, karahasan, krimen ay naririyan pa rin at ang masakit marami sa mga ito ay sangkot ang militar at may mga katungkulan sa gobyerno.

Isang kahinaan ay ang katotohanang hindi na-sustain ng mga sumunod na namuno ng bansa ang diwa ng tunay na demokrasya. Naroon pa rin ang pagproteksiyon sa mga pansariling interes, naroon pa rin ang matinding tawag ng 3G o Gun, gold and goons. Ang pamumuno sa bayan ay hindi para maglingkod kundi makinabang.

Ngayon, sa gitnang silangan naman nagkakaroon ng mga pag-aaklas. Sila naman ang tumututol sa di makatarungang pamumuno. Nawa nga lamang ay matulad sila sa kasaysayan ng Pilipino na natapos ito sa mapayapang paraan.

Subali’t hindi maikakaila, nakakapaglubag ng loob at nagiging proud tayo bilang Pilipino sa diwa ng 1986 EDSA Revolution.

Ang galing mo Nonito Donaire!

Ibang klase talaga ang fighter na Pinoy, sabi ko na at hindi nakakapanghinayang na panoorin ang laban na ito e. Buti na lang at hindi ko pinalampas ang 2nd round kahit na nga nasa banyo na ko at handang maligo. Nang marinig ko na naglalaban na sila ay nagtapi na lang ako ng tuwalya at pinanood ang laban, kung hindi laking panghihinayang ko sana hehe.

Ngayon si Nonito na ang mayhawak ng titulong WBC/WBO bantamweight champion. At sa hanay ng magagaling ay sumusunod na siya sa tayo ni Manny Pacquiao.

Kilalanin natin si Nonito “The Filipino Flash” Donaire  Jr. Siya ay ipinanganak noong Nobyembre 16, 1982 at ang kanyang mga magulang ay isang Filipino at American. Pangatlo na niyang World Title ang titulong nakuha. Bagamat sa Talibon, Bohol siya ipinanganak ngunit sa General Santos City naman siya lumaki.

Isa sa kanyang katangian ay ang kakayahang maglaro gamit ang kanan at kaliwang kamay ng halos pantay na lakas kaya nahihirapan ang kanyang mga kalaban na hulihin ang kanyang galaw.

Isa na namang karangalan para sa mga Pilipino ang dalang panalo nito ngayon.

Mabuhay ka Nonito at sa lahat ng ating mga manlalarong Pilipino!

 

Narito ang kanyang laban sa buong 2nd round ng laro at ang makasaysayan niyang knockout punch.