Araw ng Kababaihan

Muling pagbabahagi…..

women3

women1Hummmm dati kapag ganitong panahon ay kuntodo na ang paghahanda namin ng aking mga kasama sa kumite ng kababaihan para sa nalalapit na “Araw ng kababaihan” o International Women’s Day. Nag-iisip na kami ng mga pautot na maitatagos sa halos 3000 naming miyembro ng unyon. Nandiyan yung design na parang duster o kaya yung women symbol na bilog at me krus, kung saan ay may nakalagay na “Mabuhay ang Araw ng Kababaihan” Marso 8. At isang kulay lang ang aming ginagamit, ang kulay lila o violet na siyang kulay ng kababaihan. (hindi ko na ikukwento kung bakit lila ang kulay hehe medyo sensored e) Ilang taon ding umikot ang buhay ko sa ganoon maliban pa sa pagbibigay ng mga women orientation.

women2Pero ngayon ay isang babaunin ko na lang na alaala ang lahat. Kasabay ng pagreretired ko (early po at di optional hehe) ay kasama na din nitong isinuko ang pagsasaalang alang sa kumite ng kababaihang siya kong hawak noon sa aming unyon.

Madaming kalakip na nakakatuwa at higit sa lahat ay makasunog batok na karanasan ang bawat pagdiriwang namin sa araw na ito. Kung wala kami sa salakot sa Angeles ay nasa sentro kami mismo ng Angeles. At kung malawakan ang rali ay tiyak nasa Mendiola kami kahanay sina Liza Maza.

May masarap na alaala ako sa aleng iyon e, isang alaalang siyang nagpataas ng moral sa akin. Hindi pa siya kongresista nun, siya pa ang Secretary General ng Gabriela at naimbitahan kami sa isang seminar sa isang unibersidad sa QC. Kumbakit kapag naroroon ako sa ganoong pagtitipon, hindi uubrang di ako magsalita at maglahad ng kalagayan ng kababaihan sa aming lalawigan. Ang topic (tandang tanda ko pa) ay malawakang kontraktwalisasyon. Bawat isang representative ay binigyan ng pagkakataong maglahad ng kaugnay na kalagayan. E sa dami ng mga nauna sa akin halos lahat ay nasabi na yata.

women4Pakwela ng konti, hindi ko namamalayang lumalalim na pala ang aking reporting at natutumbok na nito ang maseselang isyung me kaugnayan sa topic. Nagulat na lang ako ng matapos akong magsalita ay isang malakas na palakpak ang aking narinig at binigyan ako ng standing ovation ng mga naroon sa pangunguna ni Ka Lisa. Ang sabi niya ‘Akala ko ba wala ka ng masasabi” sabay lapit at kamay ng mahigpit sa akin.

Wow! sarap ng pakiramdam. Iyon ang iilang pagkakataong mararamdaman mong tama ang iyong mga ginawa. Saan man kami magkasalubong nina Ka Lisa, kahit ngayong di na ako bahagi ng organisasyon ay nararamdaman ko pa din ang init ng kanyang pagbati.

women5Kilala ang aming komite noon, di lang sa central luzon kundi maging sa National. Walang rali na di kami nagtatanghal, aktibo ang lahat ng aking miyembro sa pangangalaga ko. Nasubukan ko maging singer, skit writer, direktor at tagatanghal ng panahong iyon. Malalim ang pagpapahalaga ko sa kababaihan, hindi lang dahil kabilang ako dito, kundi sa maraming mga karahasang buhay na dinaranas ng kababaihan sa buong mundo. Ang opresyon, incest, karahasang sexual, diskriminasyon ay ilan lamang sa mga ito.

Nawala man ako sa organisasyon, di man ako kabilang na sa mga rali, ang tinitiyak ko lang, hindi kailanman mapapagpag ng pananahimik ko ngayon ang lalim ng pagyakap sa simulaing inilaan ko sa kababaihan.

Mabuhay ang Araw ng Kababaihan, Mabuhay ang kababaihan. BOW!

Advertisements

Ang Debut Ni Inang

Sa wakas ang pinakamasayang birthday ni inang sa kanyang ika-75 kaarawan. Halikayo at samahan kami sa pagdiriwang. Ating silipin ang mga nakakatuwa, nakakainis at nakaka-anyayang mga larawan sa video format na.

Salamat sa Panginoon!!

One Nice Family

Sa wakas nakabalik din ako sa Batangas pagkalipas ng halos 3 taon sa pamilya ng aking kaibigang si Au. Natutuwa akong lagi sa pamilyang ito, kasama ang kanyang kabiyak na si Ino kasi ang babait nila. Di ako madalas makakita ng pamilyang masaya at positibo ang pananaw, nagtutulungan, nagkakasama sa hirap at saya.

Ngayon , doon ko ginugol ang Mahal na araw at kasama ako sa saya at lakaran nila. Ilan sa mga larawan ay ibabahagi ko sa pamamagitan ng video.

Maraming salamat sa masayang bakasyon!!! See you soon.

Laging napakabuti ni Bro

Pasalamatan natin ang Panginoon

Madalas nakakaalala lang ang tayo na lumapit kay Bro kung tayo ay masaya at pakiramdam natin ay napakalayo ng Panginoon kung tayo ay nasa madilim na bahagi ng ating buhay. Matatapos na naman ang taon at kundi tayo malilimutin tiyak na marami tayong maaalalang ipagpapasalamat kay Bro.

Unang-una sa akin ay ang pagbibigay ng maayos na bosing na mag-iisang taon na din ako sa kanila. Naging maayos ang daloy ng pinansiya at kalusugan sa aming pamilya. Bagamat hindi ko iniisip na ako ay magkakasakit ako at maconfine dahil sa pneumonia, kagabi lang ako pinalaya ng doctor hahaha. Bagama’t starting to zero na naman sa kaunting naipon ngunit hindi ko malilimutan ang pasalamatan siya dahil nadetect agad ang sakit ko bago ito lumala.

Salamat sa buhay din ninyo na nakasama ko at naging community sa aking blog. Hindi ko na kayang isa-isahin pero naging bahagi na din kayo ng buhay ko. Salamat sa pagbisita sa bawat isinusulat ko at sa pagbabahagi din ninyo ng mga kaganapan sa inyong buhay at pamilya.

Sa pagsisimula ng taon, isang maaliwalas at mapayapang taon sa ating lahat!

Mabuhay tayo sa patnubay ni Bro.

Si Kenzy kasama na sina Koji sa heaven

KenzySi Kenzy ang isa sa pinakapaborito kong aso, dahil isa din siya sa pinakamatagal kong nakasama at madami kaming bonding moments.

Naaalala ko pa ng una siyang maconfine right after ipanganak niya ang unang batch ng kanyang mga puppies, mga 9 na taon na ang nakakaraan. Hindi siya kumain ng isang lingo at ng manganak siya ay kinailangan kong mamili kung sino ang bubuhayin dahil alam ko na kapag ipinaconfine ko siya, ang 7 anak niya ay mamamatay na. Siya ang pinili ko kaysa lahat sila ay mawala. Then October last year, muli na naman siyang napunta kay Doc Baculanta, ito ay upang ipaopera ang kanyang vaginal tumor. Tinapat na ko ni doc na mauulit pa uli ang pagtubo ng tumor na iyon at wala pa ngang isang taon, last August ay muli na naman siyang dumaan sa operasyon upang alisin ang katulad ding tumor.

Oktubre pagkagaling ko sa Calbayog, nagulat ako ng sa mahigit pa lang isang buwang pagkakaopera ay Makita kong me umuusli na naman sa kanyang ari. Doon na ko kinutuban na mula na sa loob ang tumutubong iyon sa kanya at maaaring kumakalat na sa loob ang kanyang cancer. Inihanda ko na ang aking sarili na di na magtatagal ang kanyang buhay.

Kahapon, ganap na ika-10 ng umaga, namaalam na nga siya. Matapos na mapansin kong di siya makatayo at dumadaing na noong una ay inakala ko lang na masakit ang paa, yun pala ay tuluyan na siyang iginupo ng sakit.

Ang ipinagpapasalamat ko na lang ay di siya pinahirapan ng matagal. Masigla pa siya ng sinundang araw maliban sa napansin naming umiika-ika ito. Nakakain pa ng maayos na hapunan at napainom ko pa ng 2 klase ng gamot bago siya namaalam.

Kakamiss ung pagkagat niya sa laylayan ng pantalon ko tuwing ako ay dumarating at ang pagboboxing naming dalawa.

Ngayon kasama na siya nina Koji at Negra na naghaharp sa heaven.

Lupit ng hagupit ni Ondoy

halos hanggang ibabaw ng posteng baha

halos hanggang ibabaw ng posteng baha

Nakamamangha ang laki ng pinsalang idinulot ng bagyong si Ondoy sa ating bansa. Hindi nasukat ninuman maging ng PAGASA ang lupit ng hagupit at dami ng ulang ibubuhos ng nagngingitngit na bagyong ito.

ang lawak ng pinsala ni Ondoy

ang lawak ng pinsala ni Ondoy

Maraming nasukol sa bubong ng kani -kanilang bahay, mapapalad pa ang ibang mayroong 2nd floor. Tumataas na din ang bilang ng mga nasawi, mahigit 300 na at marami pang mga nawawala. Asahan na ito dahil sa hanggang ngayon ay marami pa din ang lubog na mga lugar at ang nagsisiksikan ng evacuation center. Bilyong halagang ari-ariang nasira.

mga casualties

mga casualties

baha

Napakalawak ng pinsala, napakaraming naging biktima, at magtatagal pa ito ng ilang panahon. Mga kagamitang nasira, mga bahay na natabunan at buhay na nasawi. Pinakamalupit na mula ng taong 1967. Sa iba ito marahil ay gamit lang ngunit sa marami ito na ang kanilang buong kabuhayan. Nakalulunos makita ang kalagayan ng mga biktima, hindi nawawala ang sakit ng loob ko habang nanonood ng mga balita. Isang kalagayang hindi lang panandalian dahil marami ang magsisimula uli sa wala. Mapapalad ang hindi gaanong nasalanta at buo ang pamilya. Totoong mapapalitan pa ang mga nawalang gamit ngunit hindi ang buhay.

relief operation

Sana ay hindi tayo magdamot ng tulong sa pagkakataong ito. Materyal man o pisikal at moral. Sama-sama nating ibangon muli at isalba ang ating mga kapatid.