Tinik sa Pagbabagong Nasa

Ngayong nagkakaroon ako ng oras para magblog (ibig sabihin ay konti ang trabaho huhu) naisip kong gawing imortal…(naks naman ha) yung aking mga naunang nailathalang mga kwento at tula ko. Ang papel kasi ay lumulutong na at naninilaw at sandaling panahon na lang at ang mga ito ay gutay-gutay na kasama ng mawawala noon ang aking mga likha.

Ang kwentong aking ibabahagi ngayon ay ang kaisa-isang kwentong nailathala sa Liwayway magazine…magkakaalaman sa edad kung sino ang me alam at nakakaalala sa sikat na magazine na ito. Nailathala ito noong ika 29 ng Pebrero taong 1990.

Tinik sa Pagbabagong Nasa

Liwayway Magazine
Ito ang orihinal na sipi

“Malayo yata ang nilalakbay ng isip mo?” napalingon siya at kanyang nakita ang nakangiting si Bert, kumpare at kasa-kasama niya sa mga lakaran.

“Ikaw pala, Pare, nalala ko lang ang napag-usapan namin ng isang dating kakilala kagabi. Mabuti pa ay pumunta ka na lang sa bahay mamaya at doon natin pag-usapan.” Ang tuloy-tuloy na sabi niya.

“tila mahalaga nga yata yan a. sige Pare at masama na nama ang tingin sa atin ni suso.”

Napalingonsi Gerry sa papalapit na si Mr. Canlas, ang tinutukoy ni Bert at ng iba pa nilang kasama na suso, linta, sipsip at kung ano pang salitang aankop dito.

“Ano ba yan at umagang-umaga ay nagwa-wasting time kayo. Baka gusto ninyong ipatawag sa office mamaya.” Pagalit na sabi ni Mr. Canlas sa kanila.

“Kinuha lang naman ni pareng Bert ang mga pinagtabasang goma sa gawi ko.” Ang sabi niyang hindi  tumitingin sa kausap. Ilag silang makipagsagutan dito dahil baka sila ay mapag-initan at tanggalin. Ilang beses na bang napatunayan ang pagiging sipsip at di makatwiran nito. Ilang kasamahan na nila ang natanggal basta napag-initan ni Mr. Canlas.

Pagsapit ng alas kwatro ay sabay ng umuwi ang magkumpare. Iisang lugar lang kasi ang kinaroroonan ng kanilang inuupahang bahay sa loobang iyon, na di kalayuan sa pabrikang kanilang pinapasukan.

Dumaan silang saglit sa inuupahang bahay ni Bert upag magpalit ito ng damit at sabay silang nagtungo sa kanila.

Sinalubong siya ng halik ng kanyang mag-ina, si Linda at isang batang lalaking nasa dalawang taong gulang at binuksan niya ang paksa sa harap ng tig-isang tasang kape at galyetas.

“Dumalaw dito kagabi ang isang dating kaibigan at marami akong natutunan sa kanya.” Sabi niyang sinabayan ng tikim ng kape.

“Napagkwentuhan namin ang kalagayan nating mga manggagawa at naihinga ko  ang ilan sa ating karaingang ‘di binibigyang panin ng management. Tulad ng wala man lang sa minimum wage ang sahod natin na matagal ko ng naririnig na sisenta’y kwatro pesos na, tayo’y ku-kwarenta’y otso pesos lang.  Wala tayong 13th month pay at di in tayo binibigyan ng gamit-proteksiyon sa katawan habang nagtatrabaho gaya ng mask at gwantes. Langhap na langhap natin ang masansang na amoy ng gomang tinutunaw.”

“Tama ka, Pare,” sagot ni Bert. “Di nga ba’t ilan na sa ating kasamahan ang hindi makapagtrabaho dahil sa sakit sa baga at alam nating epekto ng mga kemikal na nalalanghap natin? Ang masakit nito ay tinanggal silang wala man lang kahit na konting tulong mula sa kumpanya.”

“Iyan na nga, di rin tayo kinakaltasan para sa SSS kesyo abala lang daw ito. Ngayon ay wala man lang tayong mahabol na benepisyo kahit konti.” Tuloy-tuloy na sabi niyang sinabayan ng dampot ng galyetas at isinubo.

“Idagdag mo pa, Pare.” Pakli ni Bert, “Ano mang oras na tayo ay tanggalin ay wala tayong kalaban-laban.  Oo nga’t nandito na tayo mula ng maitayo ang pabrikang ito may apat na taon na ang nakakaraan  subali’t hanggang ngayo’y kontraktwal pa din tayo.”

“Dahil sa wala pa tayong union upang protektahan tayo sa ‘di makatarungang pamamalakad ng namamahala. Kung makikiisa ang ating mga kasama ay nais kong tayo ang magsimula ng pagbabago.”

“Alam natin kapwa na delikado ang tayo natin sakaling matunugan  ang ating binabalak. Pero alang-alag sa kinakailangan nating pagbabago, nasa likod mo ako Pareng Gerry.” Ani Bert habang hinahalo ang kapeng lumamig na.

Ilang araw lang ang nakalipas at dala na ni  Gerry ang mga papel na kailangang papirmahan. Ingat na ingat siya upang huwag itong matunugan. Kapag may oras ay pinupuntahan nila sa bahay ang kanilang mga kasama at pinagpapaliwanagan ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa at ang mga kasamang nais umanib ay kanilang pinapipirma.

Isang hapong papauwi na ang dalawa ay sinalubong sila ng isang kasama at humihingal na ibinalitang nabundol daw ang kanyang anak, matapos alamin kung saang hospital dinala ay nagmamadaling tumungo na sila doon.

Pinanlakihan ng ulo si Gerry at tila binuhusan ng malamig na tubig ang buo niyang katauhan..Patay na ag kanyang anak, at ayaw magbigay ng paliwanag ang ilang saksi dahil sa takot. May nabuong hinala sa isip niya. Iisa lang ang pinangingilagan ng ganoon sa lugar nila. Subali’t batid niyang ano man ang kanyang gawin ay di magsasalita ang mga iyon.

Dalawang araw pagkatapos mailibing ang anak ay pumasok na siya sa trabaho. Nadaanan pa niya ang bahay ng bungalow ni Mr. Canlas. Ilang bahay lang mula sa kantong papasok sa kanila,nang di kawasa’y lumapit ang isang kapitbahay nila at may sinabi na lalong nakapagpabilis sa kanyang hakbang.

“Sabi ko na nga ba.” Usal niya.

Tuloy-tuloy siya sa opisina ni Mr. Canlas. Ilang dadaanin ang inilapag nito sa ibabaw ng mesa. “Ito na ang huling araw mo sa kumpanyang ito.”

“Bakit, ano ang nagawa kong kasalanan?” ang tanong niyang nakakuyom ang palad.

“Hindi kami nag-aalaga ng ahas dito!”

“Pero linta ay oo! Ang tulad mo, ang sawang lumilingkis sa maliliit na manggagawang tulad naming. Linta kang sumisipsip sa bawat himaymay n gaming kalamnan,” sabi niyang nangggalaiti sag alit.

“Ang hayop na ito’t…”

“Hindi pa ako tapos. Baka akala mo ay di ko alam na ang durugista mong anak ang siyang nakabundol sa anak ko, kaiingat lang siya’t baka siya ang isunod na paglamayan!” at siya’y walang lingon-likod na lumabas ng opisinang iyon. Halos mawasak ang pintuan sa lakas ng kanyang pagkakasara.

Dakong hapon ay alumpihit siya. Kung ano ang binabalak niyang gawin ay tanging siya lang ang nakakaalam. Maya-maya’y nagtungo siya sa kusina at dagli ring lumabas.

“Ako pa ang tatakutin ng gagong Guzman na iyon. Di yata niya alam na malakas ang kapit ko sa mga pulis dito.” Usal sa sarili ni Mr. Canlas. Naglalakad lamang siyang pauwi sapagkat nasa talyer ang kotse niya. Nang sa pagliko sa kanto’y salubungin siya ng sunod sunod na saksak…anim, pito, walo, kayrami pang sumunod  at sa nanlalabong paningin ang tanging nasambit niya ay “Guzman….?”

Tiyak ng lalaking iyon na dili iba’t si Gerry ang patutunguhan…sa presinto. Kusa niyang isinuko ang sarili.

Sa madilim na seldang iyon ay nagbalik sa kanyang gunita ang naging usapan nila ng kanyang asawang si Linda.

“Wala akong nadama ni konting pagsisisi. Hindi dapat pinagtatagal ang buhay ng ganoong klaseng tao.” Aniya sa humahagulgol na asawa. At muli ay naalala niya ang nasimulang layunin sa kompanyang iyon. Sayang kung ito ay mawawalan ng saysay.

Dalawang linggo ang lumipas at  pamuli’y ang pananariwa ng mga katagang sinabi ng kanyang Pareng Bert.

Nagawa na raw nitong mapapirma ang mahigit sa sitenta’y singko porsyento sa kanilang mga kasama at naisubmit na nito sa DOLE ang tala ng kanilang kaisahan. Humingi na sila ng pakikipag-usap sa management at nangakong gagawin ng kanilang bagong manedyer ang lahat sa ikabubuti ng sistema sa paggawa.

At ang huli’y ang pagbanggit nitong nakakulong na rin ngayon ang anak ni Mr. Canlas dahil may tumestigo na laban dito.

Ngayon, sa kabila ng mabaho, madilim, malamok at mainit na seldang iyon ay may naramdaman siyang kasiyahang unti-unting lumalaki hanggang sa hindi na niya mapigilang mapahalakhak.

kitang kita ang haba ng panahong lumipas sa kwentong ito …sumasalamin kung gaano na katanda ang otor…

Advertisements

Happy Birthday online job

praying hands

Hindi ko lang mapalampas na di magbigay pasasalamat ngayong araw na ito. Happy birthday kasi sa aking online job. Isang taon na akong binuhay ng gawaing ito na sa hinagap ay hindi ko naisip na kahahantungan.

Nang ako ay magretired mahigit 2 taon na ang nakakaraan dahil sa matinding pagkabagot sa dating trabaho bilang isang pangkaraniwang manggagawa (pagkatapos na ialok sa akin ang promosyong aking tinanggihan dahil sa prinsipyo).  Ilang panahon din ng pangangapa at pamamahinga na din bago may nagbukas ng pinto para sa ganitong gawain. Challenging at talagang pigaan ng utak bilang isang quiz writer at ang akala kong di makakaya ay nagawa ko ng mahinusay at naging pinakamalakas na contributor ng Boredquiz.com. Nang magsimula na itong humina gawa ng krisis ay may panibagong offer na naman akong natanggap noong Enero 6 (Sto Nino Feast yata iyon) at nadagdagan pa pagkalipas ng isang buwan.

Ngayon ay 3 na ang aking boss. Kung sa iba ang idinadaing ay kawalan ng trabaho, ngayon ay mukhang aabutin kong idaing ang sobra namang trabaho haha. Pero sabi ko nga mas gugustuhin ko na ang ganito kaysa sa talagang walang trabaho. Compensated naman e napasubo lang talaga akong gawing 14 na oras sa isang araw ang work.

Kaya kapaga ang lola ninyo ay di nakakasilip sa inyong mga blogs at madalang na ding malamnan ang blog ko, marahil ay mauunawaan niyo nang gawa iyon ng kakulangan ng oras at pahinga.

Muli ang aking pasasalamat sa Maykapal para sa biyayang patuloy Niyang ibinabahagi sa akin at aking pamilya.

Salamat din mga kasama.

Hanapbuhay para sa mga inang nasa bahay

workathomemomMarami sa mga inang naghahanapbuhay sa labas ng tahanan ay nakakaranas ng tinatawag na “guilt of a working mom.” Iyon bang nasa trabaho ka na pero ang isip mo ay nakatuon pa din sa iniwanang mga anak. Kung nakakakain ba ang mga ito sa ayos, nasa ligtas bang kalagayan at marami pang kaugnay na mga alalahanin lalo na kung maysakit ang anak na naiwan.

Kaugnay sa mga ganitong kalagayan, marami sa mga ina ang nangangarap na sila ay makapaghanapbuhay sa bahay, upang sa ganoon ay patuloy na masubaybayan ang mga anak at pamilya. Ngunit iilan lang ang nagkakapalad na matuklasan kung paano sila makakapaghanapbuhay ng nasa bahay lang.

Marami sa mga work at home mom (WAHM) ay nagiging produktibo sa pagtatrabaho sa bahay habang nakikita at nakakasama nila ang kanilang mga anak at alam nilang nasa ligtas na kapaligiran ang mga ito. Kapag sa bahay ka lang naghahanapbuhay ay nasusubaybayan mo ang iyong pamilya at nagagawa mo ang mga gawain na may kapayapaan ang isip.

Maraming magagandang bagay ang mararanasan ng mga inang sa bahay lang naghahanapbuhay:

  1. Hindi na kailangang gumising ng maaga para ayusin lang ang sarili pagpasok sa trabaho.
  2. Hindi na kailangang mahati ng malaki ang oras sa pag aasikaso sa sarili at mga anak.
  3. Hindi na kailangang makipagsiksikan sa mga bus, jeep o maging sa MRT para lang makarating sa lugar ng hanapbuhay.
  4. Walang gaanong pressure sa mahigpit na boss na lagi ng nasa likuran mo at nagmamasid.
  5. Ayon sa pag-aaral, napatunayang ang mga batang nakakasama ang magulang sa tahanan ay nagiging mas maayos ang kalagayang, emosyonal, sosyal, at maging sa akademya.

Ito naman ang mga dahilan kung bakit marami ang nagnanais na sila ay maging work at home mom:

  1. Nais nilang magkaroon ng mas malaking oras  at quality  time para sa kanilang mga anak.
  2. Nagsasawa na sila sa walang katapusang pagbibiyahe at pagsinghot ng todo-todong polusyon na hatid ng mga sasakyan at pabrika.
  3. Nababawasan ang pakiramdam ng guilt na kaugnay ng paghahanapbuhay malayo sa tahanan.
  4. Mas umiigting ang kanilang konsentrasyon at dedikasyon dahil sa pamilya.

Malaking bentahe talaga kapag may sariling computer at internet sa bahay, idagdag pa ang ilang teknikal na kaalaman at hilig sa mga gawaing kaugnay ng computer.

Tandaan na napakalaki ng posibilidad na makapaghanapbuhay sa loob ng tahanan basta wag lang tayong matatakot sa hamon ng bagong kaalaman. Wala namang hindi natututunan basta bukas lang tayo sa lahat ng pagbabago. At habang ikaw ay kumikita, nadadagdagan din ang ating kaalaman at lumalaki ang tiwala sa sariling kakayanan.

Para sa mga kaugnay na usapin basahin lamang ang mga sumusunod:

Advantage and Disadvantage of Homebased Jobs

Ano ang Magandang Paraan sa Pagkuha ng Bayad sa Employer

Finding Homebased Jobs through oDesk

Verification sa Paypal gamit ang oDesk card

Ano ang Magandang Paraan sa Pagkuha ng Bayad sa Employer

Ang isa sa unang nagiging tanong ng mga baguhan ay ano ba ang paano ba ang bayaran sa homebased jobs at ano ang magandang pamamaraan?

Isa sa pinakapopular ay ang Paypal. Maraming transaksiyon ang maaaring magawa dito at ating pag-usapan.

Mga advantage ng Paypal

1. Ito ay kilala sa maraming bansa at maging sa mga employer.

2. Maaaring magamit sa maraming transaksiyon ang paypal lalo na sa pagbili ng mga online goods o services.

Mga Disadvantage ng Paypal

1. Medyo may kahirapan ang pagpapaverify. Mangangailangan ito credit card o kaya ay Eon card ng Union Bank. Hindi lahat ng tao ay me credit card kaya ang pinakamadali ay ang Eon card pa din. Dapat ay may kaunti na itong laman upang magamit sa pagpapaverify ng iyong Paypal account.

2. Nagbabayad na ang nagpadala sa Paypal ngunit mababawasan pa ang tumanggap kapag ito ay pumasok na sa iyong bank account. Nasa mahigit P250 ang nawawala sa bawat transaksiyon. Nito lamang nakaraang linggo ay may bagong polisiya ang Paypal, ang kabuuang bayad ng employer ay nabawasan pa ngayon ng $4.20. Sa pera natin, ito ay ilang kilong bigas na.

3. Dahil sa bank account ito isinasalin ay naglalaro sa 4 hanggang 6 na working days bago mo makuha ang pera. Di maaasahan sa emergency. Kung gugustuhin mong mapadali ay magagastusan ka pa din ng hiwalay. kung gusto ninyong mapadali ang pagkuha ng inyong pera, ang Paymanila ang maaaring makatulong sa bagay na iyan.

Ang ikalawang paraang subok ko na ay ang Xoom.com.

Advantage ng Xoom

1. Madaling makuha, kapag naipadala na sa iyo ang pera ay makukuha ito sa loob lamang ng ilang minuto.

2. Walang babayaran sa mga outlet ang kumukuha ng pera kaya neto ang kita mo.

3. Maraming mga accredited affiliates ang Xoom na nakakalat sa Pilipinas gaya ng Cebuana Lhuiller, M Lhuiller, BPI, SM, BDO, Metrobank, PNB, at Gcash remit.

Disadvantage ng Xoom

1. Dapat ay tama lahat ang detalye maging ang password ng ibinigay ng sender kundi ay di niyo makukuha ang hard-earned money niyo. Tandaan na ipaconvert na agad sa peso ang bayad niyo kasi ay sa bangko niyo makukuha yung pera kapag dollar ang ipinadala.

2. Sa US ito ay madali pero sa Canada ay hindi ito popular.

Yun lang, wala na kong makitang negatibo.

Marami pang alternatibong paraan gaya ng bank to bank pero di gaanong kinakagat ito ng mga employer. Kaya kung kayo ang tatanungin ng inyong employer ay ang Xoom ang aking inererekomenda. Kundi man at nasa US din lang ang employer niyo ay ipakiusap na lang niyo na sa Xoom magpadala. Sa Canada kasi ay di available ang Xoom o di gaanong popular.

Sana ay may napulot kayo sa isyung ito ngayon.

Para sa mga kaugnay na usapin basahin lamang ang mga sumusunod:

Advantage and Disadvantage of Homebased Jobs

Finding Homebased Jobs through oDesk

Verification sa Paypal gamit ang oDesk card

Hanapbuhay para sa mga inang nasa bahay

Finding Homebased Jobs through oDesk

Paano nga ba malalaman kung tunay at hindi nanggogoyo lang ang aaplayang homebased job?

Unang una ay hindi kayo hihingan ni kusing para sa pagiging miyembro niyo at sa pangakong bibigyan agad kayo ng employer. Walang ipinangangakong suntok sa buwan at very tempting na offer. Bagkus ay realistic ang approach.

Pag-usapan natin ang oDesk..

Ang unang legitimate na site na alam kong seryoso at totoo (doon ako unang nakakuha ng homebased job) ay ang oDesk.. Dito bumabagsak ang libo libong naghahanap ng magiging tauhan at dito rin naghahanap ang libo-libong nangangailangan ng homebased job. Di lang nakatali sa writing ang mga trabaho dito, bagkus ay kahit na anong technical at computer related jobs ay patok. Kung magaling ka sa photoshop, web designs at pagbuo ng website, tinitiyak ko sa inyong para kayong hotcake at maganda ang rate. Hindi bababa sa $10 per hour. Ang inyong magiging kita ay kayo ang magtatakda, kayo ang magsasabi kung magkano rate ang gusto niyo. Ang disadvantage lang dito ay pababaan kayo sa bid. Halimbawang ang budget ay $100 tiyak na ibababa pa niyo un kung gusto niyong mapansin at makuha agad. Kayo ang nakakaalam sa kakayanan niyo at sa makatotohanang bayad.

Tanong uli, magkano naman ang pinaka-kickback ng oDesk.? Sa itinakda niyong rate ay hindi kayo babawasan ng oDesk.. Ito ay magpapatong ng 10% na siyang ibebenta sa mga employer. Kaya sa panig niyo ay malinis lahat. Maging ang pagpoprovide nila ng  oDesk. card (debit card by Payoneer) ay wla kayong ilalabas na pera, ipaprocess lahat nila ito at sa loob ng isang buwan ay darating ang card ninyo na siyang babagsakan ng inyong magiging kita. Yung unang kaltas nga lang sa card ang medyo malaki, halos P1000 din pero one time lang. Dun nila kukunin ung processing fee ng card. Ang itinakda ninyong rate ay mababago pa depende sa mapag-uusapan ninyo ng ‘boss’. Araw-araw ay padadalhan kayo ng possible job offer at me allocation kayong 20 application sa isang linggo. Meaning, kapag nasagad ninyo ung pag-aapply ng 20 next week ay me 20 uli kayong available. Sa mga hourly jobs ay me monitoring ang  oDesk sa kanilang provider. Ito ay para masiguro sa employer na nakalog at gumawa kayo sa itinakdang oras. At para maging kasiguruhan naman sa panig ng provider na kapag di sila binayaran ng employer ay ang oDesk ang mamamagitan gamit ang  oDesk monitoring system na tinatawag na odesk team. Beneficial sa bawat panig.

Ngunit kapag fix ang usapan ninyo ng employer, halimbawa ay per article ang bayad. Ang oDesk ay nagpapaalala na di sila makakapamagitan sapagkat wala silang control dito. Yun ang risk na maaaring abutin ng provider.

Paano ba at ano ang kailangang gawin para makapasok dito?

1. Gumawa ng account sa oDesk (create profile) makikita ito sa kanang itaaas na bahagi ng  oDesk home.

2. Piliin ang ‘FREELANCE PROVIDER’ kung ikaw ay naghahanap ng trabaho at ‘BUYER’ kung ikaw naman ay naghahanap ng empleyado. O kaya ay ‘PROVIDER COMPANY’ kung ikaw ay me isang team ng mga manggagawang hinahanapan mo ng trabaho.

3. Pagkatapos ay sundin at fill upan ang mga kailangang data.

4. Bumuo ng profile (parang resume) at ilagay ang mga link ng iyong mga nagawa, halimbawa ay ang site ng blog mo o web na nagawa mo para maging portfolio.

Tip: kung wala ka mang mailagay agad ay gumawa ka na para maging portfolio sa susunod na panahon.

5. Kumuha ng mga free exam doon na angkop sa iyong sinabing kakayanan. Kung ikaw ay data encoder ay marapat na maipasa mo yung Office 2003 o 2007 at Excel 2003 o 2007 exams at pati ung Sentence Structure nila. Madalas na hinahanap at pinagbabatayan ito ng  mga ‘Buyer’.

6. Ang pinakamahalaga sa lahat para maging kuwalipikado ay maipasa ang “ODESK READINESS’ exam. Bibigyan ka ng 2 linggo para pumasok at pag-aralan ang odesk team at mabasa ang policies at agreement ng oDesk at iba pang me kaugnayan sa  oDesk I am proud to say na ako ang number One sa oDesk readiness at that time. Ewan kung me nakabeat na ng record ko na perfect score for 4 mins. (konting yabang lang po). Bibigyan kasi kayo ng ribbon dun sa score kapag pumasok kayo sa Top 20 ng alinman sa mga exam nila at makikita ninyo yung ranking doon.

7. After that ay araw-araw na kayong me matatanggap na job offer at bahala ka ng tingnan kung ano ang tingin mo ay kuwalipikado ka.

Ano ang disadvantage ng oDesk.?

Kapag isa ka na sa provider ng oDesk ay you really feel proud of it (sumang-ayon naman kayo o) kasi ay kabilang kayo sa isa sa pinakamalaking outsourcing company sa buong mundo. Nang magjoin ako by July last year ay around 70,000 na ang miyembro pero bago natapos ang taon ay pumalo na ito sa 120,000.

Ito ang lumalabas na pangit naman, kasi ang dami na ng nag-aagawan sa mga available na trabaho kaya ang competition ay tight and stiff na ngayon. Parang mga prutas na napapanahon at sangkatutak sa palengke kaya mababa ang demand. Marami kasing pagpipilian ang mga buyers at ang masakit, para makakuha lang ng trabaho ay marami ang nagbababa ng sobra ang hourly rate o maging sa fix rate.

Huwag nating hayaang bumagsak ang value natin, dapat ay mag bid ng tingin natin ay worth talaga natin.

But it still worth a try.

Para sa mga kaugnay na usapin basahin lamang ang mga sumusunod:

Advantage and Disadvantage of Homebased Jobs

Ano ang Magandang Paraan sa Pagkuha ng Bayad sa Employer

Hanapbuhay para sa mga inang nasa bahay

Verification sa Paypal gamit ang oDesk card

Wag matakot sa hamon ng pagbabago

May mga natutunan ako nitong mga huling araw na medyo nanahimik ako. Kahit na lagi kong sinasabing handa ako sa lahat ng darating pero me pagkakataong naduduwag din ako.

Subalit totoo talagang basta bukas ka lang sa lahat ng pagkakataon walang hindi kakayanin. Ang pagreretired ko ng maaga sa buhay industriya (industrial worker) ay isang malaking takot na aking sinuong.  Takot akong mawalan ng trabaho kasi mag isa lang akong namumuhay, pero ang matinding pagkabagot ang nagtulak sa akin para mag -iba ng landas.

Hindi ako nakapag-aral sa kolehiyo kaya sino ang mag-aakalang ganitong trabaho ang babagsakan ko. Ang home based job. Ni wala nga akong pormal na pag-aaral sa computer e puro turo lang nga mga kasama sa dati kong gawain.

Kaya ko sinasabi ito kasi me napatunayan na naman ako sa sarili ko nung isang gabi. Parang bata yung boss ko na ibinalita na yung article na ginawa ko in his behalf ay accepted ng Ezine Article. Hindi ko din sukat akalain yun kasi napakataas ng pamantayan ng Ezine at napaka istrikto nila.

Sa iba maaaring napaka OA ko naman para magkaganito sa isang artikulo, pero ang sarap lang sa pakiramdam na nalalampasan mo ang hamon kahit sa mumunting paraan. Nakakapag uplift ng moral at ang sarap ipagpatuloy ang pagsuong sa hamon.

Ngayon kapag talagang pinagbuhusan mo ng atensiyon ang isang bagay ay may mabuti talagang naidudulot. Di ako halos nakatulog sa katuwaan ng gabing iyon. Sayang at di ko maibigay ang link dito kasi para maproteksiyunan ko ang aking boss na isang kilalang tao sa US. May kaugnayan ito sa epekto ng steroids sa kabataan.

Ang kasunod nito, nakafocus ako sa ngayon na makapagpublish din ako ng article na papasa sa sarili kong pangalan sa Ezine. Nakapagsubmit na ako kahapon at naghihintay na lang ng resulta. Isang magandang portfolio din ito kung sakaling maghanap ako ng work in the near future.

Kasama ko po kayo sa kasiyahan. Salamat din sa pag-aantabay.