Araw ng Kababaihan

Muling pagbabahagi…..

women3

women1Hummmm dati kapag ganitong panahon ay kuntodo na ang paghahanda namin ng aking mga kasama sa kumite ng kababaihan para sa nalalapit na “Araw ng kababaihan” o International Women’s Day. Nag-iisip na kami ng mga pautot na maitatagos sa halos 3000 naming miyembro ng unyon. Nandiyan yung design na parang duster o kaya yung women symbol na bilog at me krus, kung saan ay may nakalagay na “Mabuhay ang Araw ng Kababaihan” Marso 8. At isang kulay lang ang aming ginagamit, ang kulay lila o violet na siyang kulay ng kababaihan. (hindi ko na ikukwento kung bakit lila ang kulay hehe medyo sensored e) Ilang taon ding umikot ang buhay ko sa ganoon maliban pa sa pagbibigay ng mga women orientation.

women2Pero ngayon ay isang babaunin ko na lang na alaala ang lahat. Kasabay ng pagreretired ko (early po at di optional hehe) ay kasama na din nitong isinuko ang pagsasaalang alang sa kumite ng kababaihang siya kong hawak noon sa aming unyon.

Madaming kalakip na nakakatuwa at higit sa lahat ay makasunog batok na karanasan ang bawat pagdiriwang namin sa araw na ito. Kung wala kami sa salakot sa Angeles ay nasa sentro kami mismo ng Angeles. At kung malawakan ang rali ay tiyak nasa Mendiola kami kahanay sina Liza Maza.

May masarap na alaala ako sa aleng iyon e, isang alaalang siyang nagpataas ng moral sa akin. Hindi pa siya kongresista nun, siya pa ang Secretary General ng Gabriela at naimbitahan kami sa isang seminar sa isang unibersidad sa QC. Kumbakit kapag naroroon ako sa ganoong pagtitipon, hindi uubrang di ako magsalita at maglahad ng kalagayan ng kababaihan sa aming lalawigan. Ang topic (tandang tanda ko pa) ay malawakang kontraktwalisasyon. Bawat isang representative ay binigyan ng pagkakataong maglahad ng kaugnay na kalagayan. E sa dami ng mga nauna sa akin halos lahat ay nasabi na yata.

women4Pakwela ng konti, hindi ko namamalayang lumalalim na pala ang aking reporting at natutumbok na nito ang maseselang isyung me kaugnayan sa topic. Nagulat na lang ako ng matapos akong magsalita ay isang malakas na palakpak ang aking narinig at binigyan ako ng standing ovation ng mga naroon sa pangunguna ni Ka Lisa. Ang sabi niya ‘Akala ko ba wala ka ng masasabi” sabay lapit at kamay ng mahigpit sa akin.

Wow! sarap ng pakiramdam. Iyon ang iilang pagkakataong mararamdaman mong tama ang iyong mga ginawa. Saan man kami magkasalubong nina Ka Lisa, kahit ngayong di na ako bahagi ng organisasyon ay nararamdaman ko pa din ang init ng kanyang pagbati.

women5Kilala ang aming komite noon, di lang sa central luzon kundi maging sa National. Walang rali na di kami nagtatanghal, aktibo ang lahat ng aking miyembro sa pangangalaga ko. Nasubukan ko maging singer, skit writer, direktor at tagatanghal ng panahong iyon. Malalim ang pagpapahalaga ko sa kababaihan, hindi lang dahil kabilang ako dito, kundi sa maraming mga karahasang buhay na dinaranas ng kababaihan sa buong mundo. Ang opresyon, incest, karahasang sexual, diskriminasyon ay ilan lamang sa mga ito.

Nawala man ako sa organisasyon, di man ako kabilang na sa mga rali, ang tinitiyak ko lang, hindi kailanman mapapagpag ng pananahimik ko ngayon ang lalim ng pagyakap sa simulaing inilaan ko sa kababaihan.

Mabuhay ang Araw ng Kababaihan, Mabuhay ang kababaihan. BOW!

Advertisements

Di Pala Ako Makatang Pulpol

Saranggola Blog Award 2015

Makatang pulpol o makatang sampay-bakod, iyan ang mga katagang maririnig mo sa mga sinaunang matatanda kapag sila ay nakakarinig ng mga bumibigkas ng tula na sa kanilang palagay ay hindi pa papasa sa kanilang panlasa.

Hindi ko naman naisip na ganito ako noon kasi may mga tula na din akong nalimbag sa Liwayway ng aking kabataan (aray!) at iyon ang mga unang-unang achievement ko kung pagtula ang pagbabatayan. Nang ako’y magtrabaho sa isang malaking pabrika dito sa Luzon ay naging regular naman akong tagapasupply ng tula sa aming quarterly livewires.

Hanggang naging aktibo ako sa pakikibaka at ang naging tema ng aking mga tula ay yung mga hindi na pangkaraniwan, na ultimong love story na nga lang e me “anubayan” twist pa. Ito ang isa sa aking outlet na di ko na mailalayo sa aking katawan at alam kong patuloy ko pang gagawin.

Hanggang dumating ang isang ironic na bahagi ng buhay ko…dahil sa operasyon ay nawala ang aking tinig (na sana ay pansamantala lang) at sa aking pagpapagaling ay lumahok ako sa isang patimpalak para sa mga bloggers na mahilig sa literatura…at siyempre tula pa din ang aking ibinahagi.

Na sa panahon ng aking pananahimik ay humihiyaw ako na pakinggan…panulat ang aking ginawang sandata para sa di maibulalas na nilalaman ng aking diwa…at ang hiyaw ko ay pinakinggan, nakamit ko ang pangalawang karangalan para sa kategoryang ito.

Nais ko pang basahin ang sarili kong tula…nais ko pang tinig ko mismo ang marinig at kundi man ito mangyari pa…maaari bang pakinggan ninyo pa rin ang aking panulat?

Kung Ang Pag-ibig Ay Hindi Pa Sapat

Ang tulang ito ay nailathala sa Livewires na siyang quarterly magazine ng kumpanyang dati kong pinagtrabahuhan. Para sa siping Enero-Marso 1995. Bahagi pa din ng “pag-iimortal” ng aking mga katha.

Pasok kasi sa Pebrero “Buwan ng mga Puso” ika nga kaya eto ang isang tula ng Pag-ibig…

 

Kung Ang Pag-ibig Ay Hindi Pa Sapat

Nanalig ako na tayo ay iisa

Sa lahi, sa prinsipyo

Sa dugo, sa tibok ng puso

Kaya iniluhog mo ay hindi binigo.

Hindi lingid sa akin ang sinasabi nila

Hindi raw tayo bagay na maging magkasama

Sa tingin ng lipunan kita ay magkaiba

(ngunit ano nga bang panuntunan meron sila?)

Ginawa nating ang landas ay mahawan

Sa tamis ng iyong salita ako’y nanghawakan

Tanging puso lang ang aking pinairal

Diyos na ang bahala sa ating pagmamahalan.

Bakit siphayo pa ang aking nakamtan?

Nang minsang matulog na ika’y kapisan

Ngunit ng magising sa kinabukasan

Isa ka na lang bahagi ng aking nakaraan.

Ano ang nangyari sa ating damdamin

Sa wagas na sumpaang sa aki’y itinanim

Dahil ba sa ang kulay ng dugo ko ay pula

At ang sa iyo ay bughaw naman pala?

Paano pa ang susunod na salinlahi

Kung sa lipunan natin ay may pagtatangi?

Pira-pirasong Bantayog

Ang tulang ito ay nailathala sa Livewires na siyang quarterly magazine ng kumpanyang dati kong pinagtrabahuhan. Para sa siping Abril-Hulyo 1995.

Pira-pirasong Bantayog

Maputla na ang labing tigang na tigang
Pinagdamot pa ng umaga ang hamog
Tila burak na rin ang kulay ng ilog
Kahit ang kalabaw ay takot malublob.

Ayaw ng simsimin ng uod ang nektar
Dahil ang naroo’y kamandag ng buhay
Takot na ring manila ang mga buwaya
Baka mahulog sa sariling bitag nila.

Akala ko’y naitayo na ng EDSA
Ang bantayog na kaytagal ng nalugmok
Dagdag na pako pala sa ataul
Ang dulot ng panibagong paghuhunos.

Hindi nagawang takpan ng Monique at Lea
Ang mg katawang nahubdan ng dangal
Hi hindi maisalba ng talumpati
Ang mga tiyang nagdedeliryo sa gutom.

Manhid na ang mga kaluluwang gala
Na iminulat ng mga karahasan
Ni hindi na nila maunawaan
Ang kahulugan nitong kapayapaan.

Sinong hindi matatakot na tumuntong
Sa ating lupaing tahanan ng ulupong…

Find Courage to Love

“It’s always better to have found the courage to love even if you lose it in the end rather than never have found love because you were too afraid of the challenge.”

 

Marami sa atin ang nagiging paranoid pagdating sa pag-ibig at pagkabigo. Sino nga naman ba ang may gusto ng kabiguan…magkakaiba kasi tayo ng tolerance sa sakit e, me mga taong kayang tiisin ang hapdi ng pagkabigo at merong nawiwindang sa kaunting haplit lang.

Sa aking pananaw ay mas gusto ko ang laman ng quotation na nabanggit. Kumbaga nga sa digmaan masasabi ko na din sigurong batikan na ko sa pakikidigma sa larangan ng pakikipagrelasyon. Ang pagiging matagumpay kasi ng relasyon ay hindi lang sa tagal ng pagsasama nasusukat kundi sa kalidad ng pagsasama? Sa mga nagkasama ng matagal siyempre sasabihin na naging matagumpay sila dahil napanatili ang pagsasama ng matagal. Kung ang pagsasamang iyon ay makikitang maayos at matiwasay naman…tama ngang sabihing ganun…pero kung miserable ito at wag lang masabing hindi nagsasama…wala din itong saysay.

Napakasarap maranasan ang magmahal at mahalin…gaya ng lahat ng bagay maging ang pag-ibig ay pakikipagsugal din at kasamang paghahandaan niyon ang hindi lang magagandang pangyayari kundi maging ng mga pagsubok na pagdaraanan…maaaring manalo,  maaari ding matalo. Pero ang bottomline ay naranasan natin ang magmahal at ang lahat ng elementong kaugnay nito.

Hala sulong, sabi nga lahat ng palayok ay may katapat na tungtong…halina’t hanapin natin ang tungtong na iyon.

 

 

Eco-Friendly Gadgets

solar charger phils

Marami nang naglalabasang mga computer gadgets ngayon, pahaytekan pa nga e pero ang mas nakaagaw ng atensiyon ko habang nag-iinternet ay ang solar charger. Hindi sa lahat ng oras ay nasa lugar tayo na me kuryente idagdag pa ang pagiging natural nito at yung tinatawag bang eco-friendly gadgets.

Dahil sa tumataas na carbon footprint ng bawat produkto ay napakahalagang maging aware at magkaroon tayo ng malasakit sa mga bagay na may kaugnayan sa kapaligiran. Kundi nga lang mahal magpakabit ng solar power baka isa na ko sa mayroon nito.

Nakita ko ang solar charger na ito sa richupongroupphil.com at mula rito ay naisipan kong magtanong sa mga tindahan ng mga gadgets at cellphone. Kaso dito sa lugar namin ay wala pang available. Hindi ito gaanong mahal, kayang kaya ng ating bulsa na bukod sa haytek na ay eco-friendly pa. Halikayo at makisilip sa iba pa nilang mga produkto, lalo kung nais niyong magsimula ng negosyo tiyak na magkakasundo kayo sa presyo dahil napakababa ng kanilang bigay. Bumabatay ito sa dami ng order kaya nangangailangang kontakin ninyo ang kanilang mga staff para alamin ang bawat halaga ng produktong nais ninyong ibenta.


USB Pen Drive

USB Pen Drive

Android tablets
Tablets Android

 

Blutooth Headset

Blutooth Headset

Vizconde Massacre Supreme Court Decision

Vizconde Massacre

Makatarungan ba ang hatol ng Korte Suprema sa kaso ng Vizconde Massacre?

Ang tanong na ito ay laging may dalawang panig, ang panig ng mga biktima at panig ng mga akusado at alam nating kapwa saliwa ang desisyong nais ng bawat panig.

Halos dalawang dekada na ang lumipas ng maganap ang tinatawag na krimen ng dekada, ang Vizconde Massacre at para sa mga kabataang hindi na pamilyar sa pangyayari, hayaan ninyong ito ay aking ibahagi.

Hunyo 30, 1991 ng walang awang paslangin ang mag-iinang Estrellita (edad 47) Jennifer (edad 7) at Carmela (edad 18) na ginahasa pa bago pinatay.  Lahat ng saksak na tinamo ng bawat isa ay hindi bumababa sa 13 at naganap ito sa bahay ng mga Vizconde sa BF Homes, Paranaque. Ang ama ng pamilya ay nasa Estados Unidos ng panahong iyon at naghahanapbuhay. Ngayon ay tagapangulo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Ginoong Vizconde.

Naging tampok na kaso ang nangyari dahil ang halos lahat ng mga akusado ay mula sa kinikilala at mayayamang pamilya gaya nina Hubert Webb anak ng dating basketbolista at senador Freddie Webb Antonio Lejano II na anak ng aktres na si Pinky de Leon at pamangkin naman ng kilalang aktor na si Christopher de Leon;  Hospicio “Pyke” Fernandez na anak ng isang retired na commodore; Michae Gatchalian at Miguel Rodriguez na kapwa anak ng mga kilalang abogado, si Peter Estrada na anak ng mayamang negosyante at ang dalawang di na nahuling suspek na sina Joey Filart na pinaniniwalaang kamag-anak ng dating NCP commander chief na si Marino Filart at Artemio Ventura na anak naman ng isang kilala ding negosyante. Nasabit naman sa kaso si Gerardo Biong  dahil sa pagsira sa mga ebidensiya ng krimen.

May mga lumutang na testigo para idiin ang grupo ng mga nabanggit na tao at ito ay sina Jessica Alfaro (star witness ng mga biktima), ang guwardiya ng subdibisyon na sina Justo Cabanacan at Normal White. Maging ang dalawang katulong ng mga Vizconde at isang enhinyero na nagngangalang Manciano Gatmaitan.

Samantalang 147 na pahina ng ebidensiya naman ang iniharap ng mga akusado partikular sa panig ni Hubert Webb na nagpapatunay na siya ay nasa America ng mga panahong iyon at nagbabakasyon.

Sa kainitan ng kaso ay naisapelikula pa nga ang pangyayaring ito noong taong 1993 sa pagganap ni Kris Aquino bilang Carmela Vizconde at ito ay pinamagatang “The Vizconde Massacre (God Help Us)”.  Noong taong 1995 naman ay ang buhay ng star witness na si Jessica Alfaro ang isinapelikula na pinagbidahan ni Alice Dixon, ang “Jessica Alfaro Story”

Bago nahatulan ang mga akusado noong taong Enero 6 taong 2000 ay 5 taon ng nakakulong ang mga akusado. Ngayon ay ibinaba na ang pinal na desisyong mula sa Korte Suprema (Supreme Court) at nagpapawalang sala sa mga akusado at hindi na ito maaaring iapila pa.

Sa panig ng mga Vizconde, ito ay isang napakasakit na desisyon at tuluyang pumatay sa kanilang pag-asang makamit ang hustisya. Ang hinihiling na lang ni Lauro Vizconde, kundi ang mga nasangkot ang may kasalanan sa pagkawala ng kanyang pamilya ay tulungan na lang siyang hanapin ang tunay na maysala.

Sa panig ng mga pinawalang-sala, makikita mo ang saya ng bawat isa kasama ang kanilang pamilya. Kung tunay na hindi sila ang may kasalanan, napakalaking indulto ang inabot nila mula sa simula hanggang sa 15 taon nilang pagkakabilanggo at hindi na yun kailanman maibabalik.

 

Kung makatarungan ang naging desisyon ng Korte Suprema, kayo na ang humusga.

.