Araw ng Kababaihan

Muling pagbabahagi…..

women3

women1Hummmm dati kapag ganitong panahon ay kuntodo na ang paghahanda namin ng aking mga kasama sa kumite ng kababaihan para sa nalalapit na “Araw ng kababaihan” o International Women’s Day. Nag-iisip na kami ng mga pautot na maitatagos sa halos 3000 naming miyembro ng unyon. Nandiyan yung design na parang duster o kaya yung women symbol na bilog at me krus, kung saan ay may nakalagay na “Mabuhay ang Araw ng Kababaihan” Marso 8. At isang kulay lang ang aming ginagamit, ang kulay lila o violet na siyang kulay ng kababaihan. (hindi ko na ikukwento kung bakit lila ang kulay hehe medyo sensored e) Ilang taon ding umikot ang buhay ko sa ganoon maliban pa sa pagbibigay ng mga women orientation.

women2Pero ngayon ay isang babaunin ko na lang na alaala ang lahat. Kasabay ng pagreretired ko (early po at di optional hehe) ay kasama na din nitong isinuko ang pagsasaalang alang sa kumite ng kababaihang siya kong hawak noon sa aming unyon.

Madaming kalakip na nakakatuwa at higit sa lahat ay makasunog batok na karanasan ang bawat pagdiriwang namin sa araw na ito. Kung wala kami sa salakot sa Angeles ay nasa sentro kami mismo ng Angeles. At kung malawakan ang rali ay tiyak nasa Mendiola kami kahanay sina Liza Maza.

May masarap na alaala ako sa aleng iyon e, isang alaalang siyang nagpataas ng moral sa akin. Hindi pa siya kongresista nun, siya pa ang Secretary General ng Gabriela at naimbitahan kami sa isang seminar sa isang unibersidad sa QC. Kumbakit kapag naroroon ako sa ganoong pagtitipon, hindi uubrang di ako magsalita at maglahad ng kalagayan ng kababaihan sa aming lalawigan. Ang topic (tandang tanda ko pa) ay malawakang kontraktwalisasyon. Bawat isang representative ay binigyan ng pagkakataong maglahad ng kaugnay na kalagayan. E sa dami ng mga nauna sa akin halos lahat ay nasabi na yata.

women4Pakwela ng konti, hindi ko namamalayang lumalalim na pala ang aking reporting at natutumbok na nito ang maseselang isyung me kaugnayan sa topic. Nagulat na lang ako ng matapos akong magsalita ay isang malakas na palakpak ang aking narinig at binigyan ako ng standing ovation ng mga naroon sa pangunguna ni Ka Lisa. Ang sabi niya ‘Akala ko ba wala ka ng masasabi” sabay lapit at kamay ng mahigpit sa akin.

Wow! sarap ng pakiramdam. Iyon ang iilang pagkakataong mararamdaman mong tama ang iyong mga ginawa. Saan man kami magkasalubong nina Ka Lisa, kahit ngayong di na ako bahagi ng organisasyon ay nararamdaman ko pa din ang init ng kanyang pagbati.

women5Kilala ang aming komite noon, di lang sa central luzon kundi maging sa National. Walang rali na di kami nagtatanghal, aktibo ang lahat ng aking miyembro sa pangangalaga ko. Nasubukan ko maging singer, skit writer, direktor at tagatanghal ng panahong iyon. Malalim ang pagpapahalaga ko sa kababaihan, hindi lang dahil kabilang ako dito, kundi sa maraming mga karahasang buhay na dinaranas ng kababaihan sa buong mundo. Ang opresyon, incest, karahasang sexual, diskriminasyon ay ilan lamang sa mga ito.

Nawala man ako sa organisasyon, di man ako kabilang na sa mga rali, ang tinitiyak ko lang, hindi kailanman mapapagpag ng pananahimik ko ngayon ang lalim ng pagyakap sa simulaing inilaan ko sa kababaihan.

Mabuhay ang Araw ng Kababaihan, Mabuhay ang kababaihan. BOW!

Advertisements

Hacienda Luisita Massacre (12th year)

dsc06812

Hindi ko lubos maisip kung bakit ang simpleng manggagawang bukid
Kasama ng mga anak na kumakalam ang tiyan
Ay pakainin ng bala ng mga lapastangan.
Kailan pa naging sagot sa kagutuman ang tingga?
Kailan pa na ang paghahangad ng kaunting maayos na buhay
Ang kailangang maging kapalit ay pagpantay ng mga paa
At paghimlay sa isang mumurahing ataul?

Parang kailan lang at akin pang nauulinigan
Ang ratatat ng mga baril, mga panaghoy, mga hiyawan
Parang mga dagang binulabog sa tirahan
Kanya-kanyang takbo, kanya-kanyang pulasan
Kanya kanyang dampot sa mga anak
Kanya kanyang tago at lublob sa putikan
Makatakas lang sa nagngangalit na kamatayan.
Natapos ang alingawngaw ng mga sandata
Ang natira na lang sa lupa ay mga tsinelas at katawan
Katawang hinubdan na ng buhay, duguan, nakahandusay
Kasabay ng mga palahaw at umaalimpuyong galit
Mula sa mga magulang na inagawan ng mga anak…
Mula sa mga anak na inagawan ng mga magulang…

Mula sa mga kasamang nakikipaglaban
Laban sa panginoong maylupang ganid at gahaman.Walang nanagot sa katampalasanan
Ngayon pa kayang naluklok sa poder ang pangunahing angkan
Patuloy na lang ba tayong sisigaw ng katarungan
Kahit naghuhumiyaw ang mga salarin at patuloy sa pangangamkam
Lupa, kapirasong lupa lang ang kanilang isinisigaw
Lupang pagkukunan nila ng tiyak na ikabubuhay
Hindi lupang paghuhukayan ng kanilang libingan.Lupa hindi bala!
Katarungan sa Hacienda Luisita Massacre!

Isang pag-alaala sa ika-12 taon ng madugong Hacienda Luisita Massacre…para sa mga bayaning di nabigyan ng katarungan…

Nobyembre 16, 2004

Pagtatanghal na ginawa ng iba’t ibang grupo sa Tarlac Provincial Capitol Grounds.

This slideshow requires JavaScript.

Buhay Manggagawa

manggagawa

I

Nagising sa lagabog
Ang katawang binugbog
Sa pabrika’y napagod.

II

Ang ulo ay tinutop
Gusto na nyang iumpog
Kulang pa kanyang tulog.

III

Bumangong sumusukot
Tabo’y kanyang dinampot
At saka sya nagmumog.

IV

Kaldero’y walang mugmog
Dibdib ay kumakabog
Tiyan ay tutop tutop.

V

Oras na ng trabaho
Sa malupit nyang amo
Magbabanat ng buto.

VI

Titingin sa kawalan
Mga mata nyang lamlam
Na sa luha ay hilam.

VII

Dinampian ng halik
Anak niyang marungis
Mabilis ng umalis.

VIII

Kapa bulsa nyang bahaw
Utak nyang humihiyaw
Kailan matitighaw.

IX

Daraan sa kainan
Inggit ay kanyang tangan
Sa tuyong lalamunan.

X

Dumating sa destino
Sa pingkian ng buto
Durog na pagkatao.

XI

Katapusan na naman
Sasahod sa arawan
At sobreng walang laman

XII

Sahod kulang sa utang
Maiiling na lamang
Titingin sa kawalan.

XIII

Kailan matatapos
Ang sistemang baluktot
Kailan maaayos.

XIV

Uulit ang umaga
Sa parehong istorya
Hirap, pakikibaka.

Ang tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Award 7 (2015) at nagkamit ng Pangalawang Karangalan.

Saranggola 336x280

Ang larawang nakalakip ay hindi pag-aari ng otor at ito ay galing sa blog na ito.

Pira-pirasong Bantayog

Ang tulang ito ay nailathala sa Livewires na siyang quarterly magazine ng kumpanyang dati kong pinagtrabahuhan. Para sa siping Abril-Hulyo 1995.

Pira-pirasong Bantayog

Maputla na ang labing tigang na tigang
Pinagdamot pa ng umaga ang hamog
Tila burak na rin ang kulay ng ilog
Kahit ang kalabaw ay takot malublob.

Ayaw ng simsimin ng uod ang nektar
Dahil ang naroo’y kamandag ng buhay
Takot na ring manila ang mga buwaya
Baka mahulog sa sariling bitag nila.

Akala ko’y naitayo na ng EDSA
Ang bantayog na kaytagal ng nalugmok
Dagdag na pako pala sa ataul
Ang dulot ng panibagong paghuhunos.

Hindi nagawang takpan ng Monique at Lea
Ang mg katawang nahubdan ng dangal
Hi hindi maisalba ng talumpati
Ang mga tiyang nagdedeliryo sa gutom.

Manhid na ang mga kaluluwang gala
Na iminulat ng mga karahasan
Ni hindi na nila maunawaan
Ang kahulugan nitong kapayapaan.

Sinong hindi matatakot na tumuntong
Sa ating lupaing tahanan ng ulupong…

Tinik sa Pagbabagong Nasa

Ngayong nagkakaroon ako ng oras para magblog (ibig sabihin ay konti ang trabaho huhu) naisip kong gawing imortal…(naks naman ha) yung aking mga naunang nailathalang mga kwento at tula ko. Ang papel kasi ay lumulutong na at naninilaw at sandaling panahon na lang at ang mga ito ay gutay-gutay na kasama ng mawawala noon ang aking mga likha.

Ang kwentong aking ibabahagi ngayon ay ang kaisa-isang kwentong nailathala sa Liwayway magazine…magkakaalaman sa edad kung sino ang me alam at nakakaalala sa sikat na magazine na ito. Nailathala ito noong ika 29 ng Pebrero taong 1990.

Tinik sa Pagbabagong Nasa

Liwayway Magazine
Ito ang orihinal na sipi

“Malayo yata ang nilalakbay ng isip mo?” napalingon siya at kanyang nakita ang nakangiting si Bert, kumpare at kasa-kasama niya sa mga lakaran.

“Ikaw pala, Pare, nalala ko lang ang napag-usapan namin ng isang dating kakilala kagabi. Mabuti pa ay pumunta ka na lang sa bahay mamaya at doon natin pag-usapan.” Ang tuloy-tuloy na sabi niya.

“tila mahalaga nga yata yan a. sige Pare at masama na nama ang tingin sa atin ni suso.”

Napalingonsi Gerry sa papalapit na si Mr. Canlas, ang tinutukoy ni Bert at ng iba pa nilang kasama na suso, linta, sipsip at kung ano pang salitang aankop dito.

“Ano ba yan at umagang-umaga ay nagwa-wasting time kayo. Baka gusto ninyong ipatawag sa office mamaya.” Pagalit na sabi ni Mr. Canlas sa kanila.

“Kinuha lang naman ni pareng Bert ang mga pinagtabasang goma sa gawi ko.” Ang sabi niyang hindi  tumitingin sa kausap. Ilag silang makipagsagutan dito dahil baka sila ay mapag-initan at tanggalin. Ilang beses na bang napatunayan ang pagiging sipsip at di makatwiran nito. Ilang kasamahan na nila ang natanggal basta napag-initan ni Mr. Canlas.

Pagsapit ng alas kwatro ay sabay ng umuwi ang magkumpare. Iisang lugar lang kasi ang kinaroroonan ng kanilang inuupahang bahay sa loobang iyon, na di kalayuan sa pabrikang kanilang pinapasukan.

Dumaan silang saglit sa inuupahang bahay ni Bert upag magpalit ito ng damit at sabay silang nagtungo sa kanila.

Sinalubong siya ng halik ng kanyang mag-ina, si Linda at isang batang lalaking nasa dalawang taong gulang at binuksan niya ang paksa sa harap ng tig-isang tasang kape at galyetas.

“Dumalaw dito kagabi ang isang dating kaibigan at marami akong natutunan sa kanya.” Sabi niyang sinabayan ng tikim ng kape.

“Napagkwentuhan namin ang kalagayan nating mga manggagawa at naihinga ko  ang ilan sa ating karaingang ‘di binibigyang panin ng management. Tulad ng wala man lang sa minimum wage ang sahod natin na matagal ko ng naririnig na sisenta’y kwatro pesos na, tayo’y ku-kwarenta’y otso pesos lang.  Wala tayong 13th month pay at di in tayo binibigyan ng gamit-proteksiyon sa katawan habang nagtatrabaho gaya ng mask at gwantes. Langhap na langhap natin ang masansang na amoy ng gomang tinutunaw.”

“Tama ka, Pare,” sagot ni Bert. “Di nga ba’t ilan na sa ating kasamahan ang hindi makapagtrabaho dahil sa sakit sa baga at alam nating epekto ng mga kemikal na nalalanghap natin? Ang masakit nito ay tinanggal silang wala man lang kahit na konting tulong mula sa kumpanya.”

“Iyan na nga, di rin tayo kinakaltasan para sa SSS kesyo abala lang daw ito. Ngayon ay wala man lang tayong mahabol na benepisyo kahit konti.” Tuloy-tuloy na sabi niyang sinabayan ng dampot ng galyetas at isinubo.

“Idagdag mo pa, Pare.” Pakli ni Bert, “Ano mang oras na tayo ay tanggalin ay wala tayong kalaban-laban.  Oo nga’t nandito na tayo mula ng maitayo ang pabrikang ito may apat na taon na ang nakakaraan  subali’t hanggang ngayo’y kontraktwal pa din tayo.”

“Dahil sa wala pa tayong union upang protektahan tayo sa ‘di makatarungang pamamalakad ng namamahala. Kung makikiisa ang ating mga kasama ay nais kong tayo ang magsimula ng pagbabago.”

“Alam natin kapwa na delikado ang tayo natin sakaling matunugan  ang ating binabalak. Pero alang-alag sa kinakailangan nating pagbabago, nasa likod mo ako Pareng Gerry.” Ani Bert habang hinahalo ang kapeng lumamig na.

Ilang araw lang ang nakalipas at dala na ni  Gerry ang mga papel na kailangang papirmahan. Ingat na ingat siya upang huwag itong matunugan. Kapag may oras ay pinupuntahan nila sa bahay ang kanilang mga kasama at pinagpapaliwanagan ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa at ang mga kasamang nais umanib ay kanilang pinapipirma.

Isang hapong papauwi na ang dalawa ay sinalubong sila ng isang kasama at humihingal na ibinalitang nabundol daw ang kanyang anak, matapos alamin kung saang hospital dinala ay nagmamadaling tumungo na sila doon.

Pinanlakihan ng ulo si Gerry at tila binuhusan ng malamig na tubig ang buo niyang katauhan..Patay na ag kanyang anak, at ayaw magbigay ng paliwanag ang ilang saksi dahil sa takot. May nabuong hinala sa isip niya. Iisa lang ang pinangingilagan ng ganoon sa lugar nila. Subali’t batid niyang ano man ang kanyang gawin ay di magsasalita ang mga iyon.

Dalawang araw pagkatapos mailibing ang anak ay pumasok na siya sa trabaho. Nadaanan pa niya ang bahay ng bungalow ni Mr. Canlas. Ilang bahay lang mula sa kantong papasok sa kanila,nang di kawasa’y lumapit ang isang kapitbahay nila at may sinabi na lalong nakapagpabilis sa kanyang hakbang.

“Sabi ko na nga ba.” Usal niya.

Tuloy-tuloy siya sa opisina ni Mr. Canlas. Ilang dadaanin ang inilapag nito sa ibabaw ng mesa. “Ito na ang huling araw mo sa kumpanyang ito.”

“Bakit, ano ang nagawa kong kasalanan?” ang tanong niyang nakakuyom ang palad.

“Hindi kami nag-aalaga ng ahas dito!”

“Pero linta ay oo! Ang tulad mo, ang sawang lumilingkis sa maliliit na manggagawang tulad naming. Linta kang sumisipsip sa bawat himaymay n gaming kalamnan,” sabi niyang nangggalaiti sag alit.

“Ang hayop na ito’t…”

“Hindi pa ako tapos. Baka akala mo ay di ko alam na ang durugista mong anak ang siyang nakabundol sa anak ko, kaiingat lang siya’t baka siya ang isunod na paglamayan!” at siya’y walang lingon-likod na lumabas ng opisinang iyon. Halos mawasak ang pintuan sa lakas ng kanyang pagkakasara.

Dakong hapon ay alumpihit siya. Kung ano ang binabalak niyang gawin ay tanging siya lang ang nakakaalam. Maya-maya’y nagtungo siya sa kusina at dagli ring lumabas.

“Ako pa ang tatakutin ng gagong Guzman na iyon. Di yata niya alam na malakas ang kapit ko sa mga pulis dito.” Usal sa sarili ni Mr. Canlas. Naglalakad lamang siyang pauwi sapagkat nasa talyer ang kotse niya. Nang sa pagliko sa kanto’y salubungin siya ng sunod sunod na saksak…anim, pito, walo, kayrami pang sumunod  at sa nanlalabong paningin ang tanging nasambit niya ay “Guzman….?”

Tiyak ng lalaking iyon na dili iba’t si Gerry ang patutunguhan…sa presinto. Kusa niyang isinuko ang sarili.

Sa madilim na seldang iyon ay nagbalik sa kanyang gunita ang naging usapan nila ng kanyang asawang si Linda.

“Wala akong nadama ni konting pagsisisi. Hindi dapat pinagtatagal ang buhay ng ganoong klaseng tao.” Aniya sa humahagulgol na asawa. At muli ay naalala niya ang nasimulang layunin sa kompanyang iyon. Sayang kung ito ay mawawalan ng saysay.

Dalawang linggo ang lumipas at  pamuli’y ang pananariwa ng mga katagang sinabi ng kanyang Pareng Bert.

Nagawa na raw nitong mapapirma ang mahigit sa sitenta’y singko porsyento sa kanilang mga kasama at naisubmit na nito sa DOLE ang tala ng kanilang kaisahan. Humingi na sila ng pakikipag-usap sa management at nangakong gagawin ng kanilang bagong manedyer ang lahat sa ikabubuti ng sistema sa paggawa.

At ang huli’y ang pagbanggit nitong nakakulong na rin ngayon ang anak ni Mr. Canlas dahil may tumestigo na laban dito.

Ngayon, sa kabila ng mabaho, madilim, malamok at mainit na seldang iyon ay may naramdaman siyang kasiyahang unti-unting lumalaki hanggang sa hindi na niya mapigilang mapahalakhak.

kitang kita ang haba ng panahong lumipas sa kwentong ito …sumasalamin kung gaano na katanda ang otor…

Mendiola

Parang kailan lang ng aking tahakin paroo’t pabalik ang Mendiola

Suot ng luma kong sapatos at dala ang isang bag sa likod

Kasama ng mga manggagawa, magbubukid at mga dalita

Na sumisigaw sa nagbibingi bingihang mga panginoon

Nagbabakasakaling may makarinig kahit suntok sa buwan

Ang mahalaga ay iisang tinig at himig sa pagsigaw ng nais.

Nararamdaman ko pa ang init ng singaw ng higaang semento

Sa gitna ng isinarang kalsada sa ilalim ng bubong na ulap

Mga nananakit na lamang iniuunat gawa ng maghapong  paglalakad

At mga butong nananakit sa pakikipaggiitan at pukpok ng mga militar

Nanunuot pa sa aking ilong ang alimuom

Mula sa ilang oras na pag-ulan at pag-ambon.

Sa tindi ng init ng panahon ay kay sarap maligo

Ang masakit nga lang ay sa buga ng bumbero galing ang tubig

Habol ang hiningang pilit tumatalikod

Para hindi malunod at paglamayan

Mas mainam na ito kesa isalbeyds na lang

O dukutin at di na makita kailanman.

Parang kalian lang ng aking kalakasan

At ito ay ginugol sa pagtakbo sa lansangan

Sa paglusong sa pilapil at bukiring putikan

Upang pag-isahin ang bawat kaisipan

Tanikala’y kalagin sa kamay ng dayuhan

Sa mga mapagsamantala, mga ganid at gahaman.

Ilang panahon na nga palang ang sapatos ko ay di nagagamit

Di na rin ginagasgas ng pagal na paa ang lugar ng Mendiola

Tanging sa mga balita ko na lang nalalaman at nakikita

Sa text ng mga dating kasama na ang iba ay wala na

Ahhh Mendiola…Mendiola bahagi ka ng aking katauhan

Magagawa pa bang kita ay balikan?

(ang larawang nakalakip ay hindi ko inaari)

Ang tulang ito ay aking lahok para sa Saranggola blog awards 4.

Ang Saranggola Blog Awards 2012

ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng

Maraming Salamat sa ating mga sponsors :

Pagpupugay sa iyo …Ka Fidel Castro

 

 

Paano pa naming malilimutan ang nakakaigaya mong ngiti

Ang simple mong pagtango bilang pagbati

Nakapagkit na sa aming alaala ang kulay mong humawa

Sa kulay ng mga pilapil na iyong tinatapakan at sinunog ng araw.

Ilang magsasaka na ba ang inalalayan at tinulungan

Hindi na mabilang…katulad din pananagasa sa ulan

Sa tuwing may rally at naroon ka sa harapan.

Hindi ko alam kung ikaw ay tagasaan

Ang alam ko lang ay bahay mo ang buong gitnang Luzon

Lupain mo ang mga pinitak ng mga magbubukid

Pamilya mo ang bawat isang nagpapala ng lupa

Paminggalan mo ang kanilang paminggalan

Hinga mo ang bawat nilang hinga.

Isa ka sa mga taong lubos naming iginagalang

Pangalan mo pa lang di na malilimutan

Fidel Castro …di ka nga taga Cuba

Dahil anak ka at ama ng lupang sinilangan

Na iyong pinagpala at pinaglingkuran

Hanggang sa huling higit mo ng hininga.