Hubad na pagkatao

Kahalagahan


Hindi ko kasalanang maglakad sa gabi
At sipulan ng mga lalaki
Hindi ko kasalanang ako ay mahipuan
At sabihin mo lang na ika’y nagagandahan.

Hindi ko kasalanang malaki ang aking dibdib
At pag-isipan mong ako ay isang puta
Hindi ko kasalanang sa aking paglalakad
Ikaw ay nakatitig sa pagitan ng aking mga hita.

Hindi ko kasalanang madumi ang iyong isip
At pagnanasa mo ay iyong ipilit
Hindi ko kasalanang gawin mong libangan
At pagkababae ko ay hindi pahalagahan.

Hindi ko kasalanang ako ay maisilang
Sa isang patriyarkal na lipunan
Hindi ko rin kasalanang aking maranasan
Diskriminasyong hindi kagustuhan

Ngunit kasalanan ko ang manatiling tahimik
At kimkimin ang poot sa akin lang dibdib
Kasalanan ko ang payagan kang ako ay tapakan
At walang gawing kahit anuman

Ang aking katawan ay isang templo
Ngunit hindi nang kung sino-sino
Babae ako at isang mapagpasya
Babae ako…isang mahalaga.

————————

Kasalanan mo

 

Kasalanan mo ang hindi pagkibo
Habang ang marumi niyang kamay ay humahaplos
At hinahayaan siyang galugarin ang iyong katawan
Na siyang templo ng iyong pagkatao
At tahanan ng iyong dangal
Kapalit ng kaunting pabor na hindi mo naman hiningi
Kapalit ng iyong pilit na pagbali
Sa katwiran at katotohanang nakakasulasok
Kapalit ng iyong pagpikit.

Kasalanan mo ang hind pagtutol
Habang naririnig mo ang mga sipol
At tawanang sa iyo patungkol
Hindi iyan paghanga kundi ng pagnanasa
Matinding paghahangad sa pagitan ng iyong mga hita
Habang ang tingin sa sarili mo ay ganggabuhangin
Subalit tikom ang iyong mga labi
At kagat kagat, tumutulo ang mga luha
Ngunit patuloy na tahimik ang iyong dila.

Hindi iyan nararapat at hindi lalong tama
Hindi ka naririto upang magbigay lamang ng tuwa
Hindi ka isinilang upang lunukin ang kanilang pagdura
At pagdungis sa iyong banal na dangal
Hindi ka pangalawang klase lang sa lipunan
Ikaw ang tatag na nagluwal sa sangkatauhan
Nagbigay ng buhay mula sa mga dibdib mong mayaman
Kaya nararapat lang na di ka gawing kasangkapan
Ng “libido” nilang marungis, walang galang.

Huwag mong ipinid ang iyong pandinig
Sa panawagan ng pagputol sa pananahimik
Isa kang mabisang instrumento ng pagbabago
Isa kang sandigan ng kapwa mo kabaro
Tinatawagan ka ng ating panahon
Upang tumindig at siyang mamuno
Para bigyang tuldok ang sekswal na karahasan
Na iniluwal ng patriyarkal na lipunan
Nang pag-aakalang ito ang katotohanan.

Makikinig kami sa iyong pagsasalita
Pakikinggan ng mundo ang mariin mong pagtutol
Uunawain ng sangkatauhan ang iyong kalungkutan
Yayakapin ka at patuloy na ititindig
Humayo ka at iyong pakawalan
Ang lakas mong sinusupil, umigkas ka at lumaban
Liparin ang isang malayang lipunang hindi ka sisinuhin
Hindi na titingnang dibdib lang na lumalakad
Hindi na matatakot sa dilim ng gabi.

Hindi ka na matatakot.

———————–

#MeToo

Bakit may mga araw na ginigising ako ng isang bangungot
Ng isang panahon ng pagkabata, inosente, walang bahid
Habang hinahaplos ng isang prinsipal ang murang pagkababae
At pinagkukunwang pinupunasan ang kanyang mesa.

Hindi ako kumikibo, hindi makakibo
Pilit inuunawa ang mga nagaganap
Nakatingin sa kanyang mata at mukhang nakangisi
Habang may hinahagod sa loob ng kanyang pantalon.

Anim na taon, ano aking muwang
Bakit ang kamusmusan iyo nang pinagsamantalahan
Kapalit ng piso at apatnapung sentimo
Na pilit inilagay sa aking mga kamay.

Bakit mayroon akong hindi magagap
Paglabas ko ng iyong tanggapan
Isang hapong wala ng mga tao
Kundi tayong dalawa na lamang.

Bakit habang tinitingnan ko ang mga barya
May nararamdaman akong hindi tama
May naramdaman na akong pagkahiya
May lungkot na, may malisya.

Nagagalit ako bakit mo inagaw
Ang kainosentihan ng isang batang walang muwang
Bakit kailangang gawin mo iyon
Bakit kailangang buntunan mo ng pagnanasa.

Hinding hindi ko malilimutan
Nang mabalitaan kong ikaw ay pumanaw
Ilang taon lang ang nagdaan
Matapos ang iyong kahalayan.

Hindi ko malilimutang hindi ako nalungkot
Habang ang buong eskuwelahan ay nagluluksa
Bakit may saya sa aking puso
Nang mabalitaan ang iyong pagyao.

At may mga gabing dinadalaw pa din ako ng bangungot.

——————

Ang 3 tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 10

Advertisements

Di Pala Ako Makatang Pulpol

Saranggola Blog Award 2015

Makatang pulpol o makatang sampay-bakod, iyan ang mga katagang maririnig mo sa mga sinaunang matatanda kapag sila ay nakakarinig ng mga bumibigkas ng tula na sa kanilang palagay ay hindi pa papasa sa kanilang panlasa.

Hindi ko naman naisip na ganito ako noon kasi may mga tula na din akong nalimbag sa Liwayway ng aking kabataan (aray!) at iyon ang mga unang-unang achievement ko kung pagtula ang pagbabatayan. Nang ako’y magtrabaho sa isang malaking pabrika dito sa Luzon ay naging regular naman akong tagapasupply ng tula sa aming quarterly livewires.

Hanggang naging aktibo ako sa pakikibaka at ang naging tema ng aking mga tula ay yung mga hindi na pangkaraniwan, na ultimong love story na nga lang e me “anubayan” twist pa. Ito ang isa sa aking outlet na di ko na mailalayo sa aking katawan at alam kong patuloy ko pang gagawin.

Hanggang dumating ang isang ironic na bahagi ng buhay ko…dahil sa operasyon ay nawala ang aking tinig (na sana ay pansamantala lang) at sa aking pagpapagaling ay lumahok ako sa isang patimpalak para sa mga bloggers na mahilig sa literatura…at siyempre tula pa din ang aking ibinahagi.

Na sa panahon ng aking pananahimik ay humihiyaw ako na pakinggan…panulat ang aking ginawang sandata para sa di maibulalas na nilalaman ng aking diwa…at ang hiyaw ko ay pinakinggan, nakamit ko ang pangalawang karangalan para sa kategoryang ito.

Nais ko pang basahin ang sarili kong tula…nais ko pang tinig ko mismo ang marinig at kundi man ito mangyari pa…maaari bang pakinggan ninyo pa rin ang aking panulat?

Buhay Manggagawa

manggagawa

I

Nagising sa lagabog
Ang katawang binugbog
Sa pabrika’y napagod.

II

Ang ulo ay tinutop
Gusto na nyang iumpog
Kulang pa kanyang tulog.

III

Bumangong sumusukot
Tabo’y kanyang dinampot
At saka sya nagmumog.

IV

Kaldero’y walang mugmog
Dibdib ay kumakabog
Tiyan ay tutop tutop.

V

Oras na ng trabaho
Sa malupit nyang amo
Magbabanat ng buto.

VI

Titingin sa kawalan
Mga mata nyang lamlam
Na sa luha ay hilam.

VII

Dinampian ng halik
Anak niyang marungis
Mabilis ng umalis.

VIII

Kapa bulsa nyang bahaw
Utak nyang humihiyaw
Kailan matitighaw.

IX

Daraan sa kainan
Inggit ay kanyang tangan
Sa tuyong lalamunan.

X

Dumating sa destino
Sa pingkian ng buto
Durog na pagkatao.

XI

Katapusan na naman
Sasahod sa arawan
At sobreng walang laman

XII

Sahod kulang sa utang
Maiiling na lamang
Titingin sa kawalan.

XIII

Kailan matatapos
Ang sistemang baluktot
Kailan maaayos.

XIV

Uulit ang umaga
Sa parehong istorya
Hirap, pakikibaka.

Ang tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Award 7 (2015) at nagkamit ng Pangalawang Karangalan.

Saranggola 336x280

Ang larawang nakalakip ay hindi pag-aari ng otor at ito ay galing sa blog na ito.

Teka Muna

Nagsimula tayong pagbuklurin ng mga tanong at sagot
Sa isang panahon ng iyong pagkalito
At di natin namalayang may dalas na ang usapan
May lalim, may diin , may tempo
May kakaibang ligayang ibinibigay sa pagkatao.

Mga impit na tawanang nagpapasakit ng ating mga panga
E bakit nga ba hindi ang oras ay mag uumaga na
Narinig na rin nating lumuha ang bawat isa
Mula sa mga bagay na kay tagal nating iningatan
Selyadong itinago sa lumang baul ni inang
Ngayon sa isang iglap sa iyo ay nabuksan.

Teka muna, hinto, para
Kailangan nating maghinay-hinay huminga
Natatangay tayo sa masarap na kawalan
Nakakalimot tayo sa totoong kasalukuyan
Nahuhubad na ang kalasag kapalit ng saya
Natatangay tayo ng yakap ng usapan
Napapasok ang kaluluwa ng bawat isa.

Teka muna, hinto, para
Ayokong maging bahagi ka lang ng akng pantasya
Nais kong ikaw ang maging destinasyon
Sa napakahaba kong paglalakbay.

Teka muna, hinto, para
Nais ko munang magpahinga
Pangako, babalik ako at muling magpapakilala.

Ako nga pala si Eliza….