Sa Tuktok ng Pinatubo

Magmula ng manalasa ang Mt. Pinatubo noong July 1991 ay isa na ito sa naging sikat na tanawin sa Pilipinas. Nakilala din ito ng ibang bansa, aba, bakit nga ba hindi e ang abong ibinuga nito ng mag-alburoto ay natikman din ng ibang kalapit na bansa. Ang pinsalang idinulot nito ay talaga namang di matatawaran. Ilang lugar sa Tarlac at Pampanga maging sa Zambales ang binura nito sa kasaysayan.

Si Bryan, Frankie at Erine bago umakyat

Si Bryan, Frankie at Erine bago umakyat

Ngayon sa kanyang pananahimik, marami ang nagtatangkang ito ay kanilang maakyat at makita ang bunganga nitong nagbuga ng sandamukal na abo, lahar at pyroclastic materials. Hindi ko inakalang mabibilang ako sa isa sa mga nakaakyat ng bulkang ito.

mga dadaanan sa pag-akyat

mga dadaanan sa pag-akyat

Nagmula ang lahat sa simpleng blog ng kaibigan kong si Juliet. Dahil sa blog na iyon ay madami ang nagkainteres at nagtanong kung paano mararating ang Pinatubo. Dahil likas na utak negosyante, naisipan nitong magtayo ng isang magke- cater sa mga nagnanais umakyat. Mula sa sasakyang susundo sa airport hanggang sa paghahatid mismo sa Pinatubo at pag-aasikaso ng kakainin.

Nangyari ito noong Pebrero 6 taong kasalukuyan, pinuntahan ako at inalok na makisabit sa magiging lakad ng 3 nilang parukyano. Me susunduin kasi siya sa airport ng Clark para sa batch naman ng susunod na araw at mas marami ang mga iyon. Si Jessica, ang panganay nilang anak ang aking nakasama. at doon na nagsimula ang lahat…

simula ng lalakaran

simula ng lalakaran

Ako ang natoka sa pagluluto ng aming kakainin, gabi pa lang nang aking iluto ang porkchop na ibinabad ko sa tapa mix. Madaling araw naman ang kanin. Alas 6 ng umaga ang usapang magkikita sa Jollibee Capas at pagdating namin ay naroon na ang mga ito. Si Bryan, ang tanging pinoy at si Frankie naman ang British, si Erine ang Amerikana. Mahuhulaan na siguro ninyo na mejo inagasan ng dugo ang ilong ko sa 2 banyagang ito hahaha.

Magmula doon ay tumuloy kami ng Sta. Juliana sa Capas dahil kailangan naming irehistro ang mga ito at doon kami susunduin ng 4×4 na sasakyang siyang maghahatid sa paanan ng Mt. Pinatubo. Halos isang oras din ang nilakbay ng 4×4 at nalibang kami sa piktyur piktyur. Ang dinaanan namin ay yung tinatawag nilang ‘Skyway’, mas madali ng halos isang oras kaysa sa dating daan sa ibaba na umaabot ng 2 oras na lakaran. Di na kakayanin ng 4×4 na pumasok pa sa dakong iyon dahil sa masikip at sobrang mabatong daanan. Nanunton kami sa mga maliliit na sapa at mga batuhan. Sasabihin ko sa inyo na ang tanging nagpaakyat at kung bakit ko nagawang makababa sa Pinatubo ay dahil na lang sa kahihiyan hahaha.

Jessica at Bryan parang di napapagod hehe

Jessica at Bryan parang di napapagod hehe

mga batis na tinatawiran

mga batis na tinatawiran

parang walang katapusang lakaran

parang walang katapusang lakaran

Yung maliit na falls na me malamig na tubig, sarap

Yung maliit na falls na me malamig na tubig, sarap

Paano nga ba hindi magkakaganoon ay mula sa ilang buwang babad sa computer lang at walang excercise ay biglang masusubo ka sa ganoong lakaran, idagdag pa na hindi na din naman prime ang edad ko (aray!!). Pero ang isipin ko pa lang na sumuko at maging pabigat sa mga bisita at kung paano ako mababalik sa kabihasnan kapag ako ay nagkulaps ay di na makaya ng pride ko nyahaha! Yung aming local guide ay nuknukan ng bilis maglakad at ayaw tumigil man lamang kahit saglit. Pinakiusapan ko na lang ito ng marating namin ang munting falls na me tubong daluyan upang makainom ang mga nais uminom. Sabi ko “manong hinto po muna tayo saglit at ng makabawi naman kami.” mabuti at nakinig naman. Kumuha kami ng ilang litrato doon at muling nagpatuoy sa paglalakad.

Yung akala kong walang katapusan ay natatapos din pala. Kahit na talagang hagok ako sa paglakad at panaka nakang pag-akyat ay sa wakas eto na ang Pinatubo. Bago mo marating ang pinakatuktok ay me dadaanan kayong mga hagdanan at sa mga taong pagod ang hagdanang iyon ay talagang parusa pero balewala na ang lahat kasi ay alam naming bunganga na ang kasunod.

Ang lawa sa tuktok ng Pinatubo, Yahoooo!

Ang lawa sa tuktok ng Pinatubo, Yahoooo!

At tunay nga namang napakaganda ng tanawin. Kulay berde ang tubig ngunit malamig. Me ibang lugar kang pupuntahan para sa hot spring. Pasado alas 9 lang ng umaga ay naroon na kami. Nagpahinga ng 2 oras, kumain ng tanghalian at yahooo lubluban na. Me ilang kasabay kaming mga turista, madami ay foreigner at ilan lang ang mga pinoy na nagsisiligo din. Malalakas ang loob ng 2 naming kasamang babae at ako, ano ba ang maaasahan kundi ang magmistulang suso sa gilid sa takot na mapalalim. Pero kapag di ka sanay sa lamig ng tubig, baka lublob pato lang ang mangyari at umahon ka na.

ng tumirik ang sinusundan naming 4x4

ng tumirik ang sinusundan naming 4x4

Nakisama ang araw sa aming pag-akyat, halos hindi ito sumilip at nang kami ay maligo saglit naman itong nagparamdam sa amin. At least yung takot sa sunburn ay hindi nangyari. Ang pag-uwi ang pinakamalupit sa lahat. Dahil sa pagod ay totoo ngang halos ayaw ng sumunod ng mga paa sa paglakad. Ang siste, nagsimulang manakit ang aking kaliwang tuhod na paminsan minsang nagpaparamdam na. Talagang humihiyaw ako ng tahimik sa mga pababang lugar na aming dinadaanan. Natatakot akong bumigay na lang ito at ako ay malinsaran ng buto o magtuloy tuloy na mahulog. Mas mainam sa aking kalagayan ang pag-akyat kaysa pagbaba. Lahat na ng klase ng lakad ay aking ginawa, patagilid, papiki, pasakang para lang maramdaman ang konting ginhawa. Alam kong lubhang napwersa ang ligament ng aking mga tuhod at wala man lang kasing warm up na nangyari. Iyon ang una kong pagkakamali.

Si Bryan at ako, kasuwerteng lalaki hehe

Si Bryan at ako, kasuwerteng lalaki hehe

Ang 3 bisita

Ang 3 bisita

Nang pauwi na ay di na nakakapagod, kundi lang sa sakit na nararamdaman ko ay tiyak na lalo akong mag-eenjoy. Ang nangyari kasi ay matinding will-power at kagustuhang maisalba ko ang karanasang iyon tanging nasa isip ko… at siyempre maisalba ko ang labis na kahihiyan. Ang sabi ko sa sarili ko, kapag nakita ko na yung 4×4 un na ang pinakamasayang bahagi ng aking inabot. Isang mahaba at malayong pag-akyat ang aming dinaanan na talaga namang susukat ng husto sa inyong resistensiya, as usual si manong di pa din humihinto o naghihinay-hinay man lang sa pag lakad kaya pagdating sa dulo ng mahabang paakyat na lakarang iyon ay sinabi ko uling ‘manong pagdating sa dulo hinto po tayo’. Ngunit di na pala kailangan, kasi nasa dulong iyon na ang 4×4. Yahoooo!

sa piling ng mga aetas (katutubo)

sa piling ng mga aetas (katutubo)

ibalandra ba pagmumukha hahaha

ibalandra ba pagmumukha hahaha

Nagrequest ang aming mga bisita na bisitahin ang lugar ng mga aeta o tinatawag na aeta village. Idinaan naman kami ng aming driver at sa isang medyo mataas at tagong lugar ay may ilang pamilya kaming inabutan. Sa dadalawang pinagtagni-tagning bubong at dingding na dahon ng saging (pasintabi po pero mas mainam pa ang kulungan ng mga baboy) ay naroon ang humigit kumulang na 20 aeta, madami ay mga bata. Iniimagine ko lang kung paano sila nagkakasya sa gabewang na taas ng kanilang ‘bahay’ at paano sila sa panahon ng ulan. Kasama nila sa lugar ang isang buntis na baboy na kulay itim at ilang manok.

Totoong napakamiserable at di maiwasang di kumirot ng puso ko sa nakikitang kahabag-habag na kalagayan nila. Lahat ng kung anu-anong lamang pwedeng makain sa aking bag ay isinentro ko sa kanila. Nanghihinayang na kahit ilang balot ng biskwit man lang ay hindi ako nakabili, di ko kasi alam na dadaan kami sa kanila. Kaunting usap at hingi ng permisong sila ay makunan, buong galak naman nila kaming pinaunlakan. Nangako ako sa sarili kong sa susunod na pag-akyat doon ay magdadala ako ng mabibitbit para sa kanila.

si Mr Monkey sa Spa Town

si Mr Monkey sa Spa Town

Maaga kaming nakarating sa Sta. Juliana, kung saan ay naroon din ang spa town. Naka-skedyul ang mga bisita na magpa-ash spa o yung pagtatabon ng mainit na buhangin sa kanila sa loob ng kalahating oras. Sarap na sarap ang mga bisita sa relaxationg naramdaman. Kasunod niyon ay ang paliligo ng malinis na tubig.

Mga ilang tips sa pag-akyat sa Pinatubo:

1. Wag magdadala ng mabigat, limitahan lang ang dadalhin para di mahirapan sa pag-akyat.

2. Mag warm up ng ilang araw para di mapwersa ang mga ligaments at muscles at maiwasan ang anumang sakunang kaugnay nito.

3. Wag puputulin ng sagad ang mga kuko sa paa. Makakatulong ang mga ito na hindi gaanong masaktan ang paa niyo.

4. Magsuot ng rubber shoes o anumang kumportableng sapin sa paa para maiwasang di mamaltos at maging kumportable ang paglakad.

5. Wag na kayong tumuloy kung me nararamdaman o kaya ay sakit sa puso. Walang signal doon at mahirap ang pagtawag ng emergency sa ganoong lugar.

6. Siyempre magdala ng camera para sa picture taking ng inyong karanasan.

Maligayang paglalakbay!

Kung nais ninyo ng detalye sa pag-akyat sa pinatubo, maaaring kontakin lamang si Juliet sa: Pinatubotrek

Silipin din Ang Ulo ng Leon, Bow!

Advertisements

Advantage and Disadvantage of Homebased Jobs

Habang dumarami ang tanggalan ay lalo namang tumitindi ang pangangailangan sa homebased jobs o outsourcing. Ito ang mga trabahong kinukuha sa ibang bansa para tugunan ang pangangailangan ng mga empleyado sa pamamagitan ng online jobs (virtual jobs).

Kanino beneficial ang iskemang ito?

Sa panig ng mga naghahanap ng empleyado o tawagin nating mga ‘boss’, ito ay benepisyal sa kanila dahil sa mga sumusunod na punto:

1. HIndi na nila kailangang mag-expand ng opisina o magrenta ng isang mas malaking lugar para maaccomodate yung mga dagdag na taong kailangan nila.

2. Hindi na kailangang bumili ng mga gamit gaya ng computer, mesa at iba pa at magbayad ng extra para sa kuryente etc.

3. Magbayad para sa benepisyong gaya ng mga vacation leaves, sick leaves, faternity at maternity leaves at kung anu-ano pang leaves ng isang aktuwal na manggagawa.

4. Wala silang imemaintain at tatapatang Social Security System at mga retirement o resignation benefit.

5. Kaya nilang baratin yung mga kukuning virtual na manggagawa. Halimbawa ay $10 per hour sa bansa nila ang bayaran, dito sa outsourcing ay maaaring makuha sa $3 o mas mababa pa sa parehong output o mas mataas pa.

Sa panig naman ng mga naghahanap ng homebased jobs o tatawagin nating provider, ito ang mga beneficial sa outsourcing:

1. Malaya kang magtrabaho sa comfort ng bahay mo. Sabi ko nga kahit na kagigising mo pa lang at dehins ka na naggoli at nagtutbras e pede ka ng magwork (pero di po ito base sa experience ko ha wahhhh). Di mo na iisipin yung susuutin mo sa opisina at paano ka mag aayos o magpapaganda pa.

2. Di ka na gigising ng maaga para mag-ayos ng sarili at makipagsiksikan sa mga taong kasabay mong sasakay ng bus araw-araw at sisinghot ng polusyong mula sa mga tambutso at yosi ng mga walang disiplinang kasabay mo sa bus.

3. Saan ka makakakita ng trabaho na pwede mong itaas ang mga paa mo habang nagwowork o kaya e non-stop kang kumain o di kaya naman e maghapon kang nasa harap ng TV but you are still working hehe.

4. Tanggapin na nating kahit pa binabarat tayo ng mga ‘boss’, pero dahil sa dollar ang bayad e mas okay pa din at higit na malaki kesa sa minimum natin dito. Halimbawa sa akin ngayon, binabayaran ako ng boss ko ng $225 sa 30 hours per week na work. Ibig sabihin e 6 na oras sa limang araw lang na trabaho me di bababa sa P10 thou na ako. Magkano ang minimum natin ngayon sa Pilipinas? P7 thou isang buwan sa 8 oras na work at 6 na araw sa isang linggo. Ibabawas pa natin ang gastos sa pamasahe, at pagkain. Siyempre sa bahay kahit ano lang jan pwedeng kainin na di iintindihin kung sisinuhin ka ba ng kasama mo kahit tinapa lang ang ulam. Magkano na lang ang matitira? E kung babae ka at sa department store pa, additional na gastos din ung makeup at stockings ba, siyempre pati cologne.

5. Eto pa ang maganda, sa trabaho dito sa opisina o pabrika, bago mo maiuwi ang iyong kinita e halos kalahati nakuha na ng tax at iba’t-ibang bayarin. Dito sa homebased e neto un, ang tanging maaalis lang e ung processing fee sa dadaanan ng bayad like Paypal o Payoneer o Moneybooker kaya. Maximum of $5 lang un. So okay di ba, tax free hahaha. At malabo pa itong makita ng ating gobyerno para tax-an dahil di niya kayang imonitor ang mga ganitong uri ng work. Di gaya ng nasa call center na  me office kasi.

6. Dito pa sa homebase, maaari kang kumuha ng kahit ilang work hanggang kaya mo (siyempre part time na iba) o kaya e me ibang gagawa para sa iyo. Para bang subcontractual  na ikaw naman ang amo. Pero wag naman niyong gaanong baratin ung makukuha niyo ha, tutal sila naman ang maghihirap sa paggawa.

7. Wala kang boss na laging nasa likuran mo para bantayan ang iyong mga ginagawa. Di ka na maasar sa sipsip mong katrabaho. Hindi ba at ang gaan at masarap ang ganitong working condition?

O ngayon sabihin niyo, aayaw pa ba kayo sa ganitong work? sabi nga sa kapampangan e “seselan na ka mu?” hahaha.

Pero ang gaganda ng patotoo ko no, it is too good to be true. Wala bang negative working homebased? Sa totoo lang e meron din naman pero mas marami ung beneficial talaga. Narito ang ilan:

1. Mag-ingat sa mga among ang daming pangako. Natural na umasa tayo at matuwa sa magandang offer pero maging maingat lang. Laging maliwanag kung paano ang bayaran. Dapat malinaw sa pag-uusap yun at kung paano ba, weeky, bimonthly o monthly. Karapatan nating alamin lahat ng ito kasi dito tayo maniniguro.

2. Me mga ‘boss’ na me kalokohan, baka monthly ang usapan niyong bayaran at tuwang tuwa tayo kasi malaki pero fly by night pala. after a month of hardworking, suma total di ka binayaran. kaya mainam pa din ang weekly, magkalokohan man e isang linggo lang ang iiyakan mong nawalang trabaho.

3. Me mga ‘boss’ na mahigpit masyado, me mga software na ipapagamit to strictly monitor you. Walang problema kung nakaset naman tayo sa ganun. Pero me mga boss na nagbibigay ng flexible time. Basta mabuo lang ung pinag-usapang oras sa isang linggo e okay na at di na need monitoring. Salamat at ang boss ko ngayon ay ganun kaya ganado akong magwork sa kanya.

4. Sa mga sobrang istrikto naman at parang buong kaluluwa na niyo ang binabayaran e nasa atin na lang kung kakayanin pa natin ang ganitong pressure. Mahirap ang buhay sa Pinas pero wag naman sana natin maramdamang para na tayong alipin sa pagwowork.

5. Ito ang pinakamatinding negatibo dito, ang kasiguruhan sa trabaho. Napakadalang kang makakita ng work na magtatagal ng taon, usually mga weeks o months lang at di mo na alam kung saan manggagaling ang susunod mong sweldo. Humihigpit na din ang kompetisyon at marami ng nakakatuklas na handang makipagbaratan ng sahod makuha lang ang work.

6. Hindi gaya ng mga karaniwang empleyado, sa work at home jobs ay walang mga benepisyong gaya ng paid holidays, bonuses, 13th month at hospitalization. Iilan lang ang employer na nag-aalok ng 13th month o paid holidays at kadalasan ay nasa pag-uusap na ninyong dalawa iyon.

Me isang suppose to be employer akong pinrangka the other day e. Nag-email ba naman at ang sabi e bibigyan ako ng $250 a month at dapat e di na ako hahanap iba work sa kanya lang. At me time monitoring pa. Sabi ko, mahirap ang buhay sa Pinas pero di din ako mabubuhay sa ipapasahod mo lalo at di ako hahanap ng part time, akin pa ang computer, internet at kuryente. I decline your offer sir. Yun ang sagot ko. At least maramdaman naman nila ang sentiments ng gaya natin na parang ginagawa naman tayong parang mga aliping sahuran lang. Buti kung makakabuhay ung offer, e hindi naman.

7. Kailangang madisiplina natin ang sarili sa pagwowork homebased.  Kasi magiging subsob na tayo sa harap ng computer at ung galaw ng katawan natin ay limitado na. Maaring maging obese tayo o abutin paglalock ng mga joints. We need to maintain a regular excercise habit. Pilitin natin kundi gustong tamaan agad ng arthritis at iba pang related na sakit and of course to stay our body fit.

8. Hindi gaya ng sa opisina sa labas, mas madami ang abala at interruption sa homebased job. Nanjan si bunso na mangungulit at need palitan ng diaper. Lunch time na at kailangang pakainin ang mga bata, gumawa ng house chores at iba pa.

9. Lastly, kung sanay tayo sa manual na work at kahalubilo ang madami at iba’t-ibang klase ng tao e maninibago tayo dito. Maaring maging monotonous at mainip tayo sa maghapong computer lang ang kaulayaw. So, take a walk and  wag kalimutan ang social life para di mabagot.

Me pahabol ang kaibigan kong si Tuesday. Galing sa kanya ang tips na ito.

Add ko lang na sa bestjobs you also have to be selective when choosing an employer. Any offer that sounds too good to be true (”Earn 1000 dollars/wk”), or asks for a joining fee is a scam.

1. check their email address (google it)
2. check their postal address as well.
3. don’t accept jobs with too little pay.
A $1/hr rate is really not fair anymore in this economy.
4. employers that are too ’strict’ and ask you to
NOT work for anybody else. Kaya nga freelancer walang boss!

Thanks for the wonderful tips Tues.

Next topic po e kung paano mag-apply sa homebased job.

Para sa mga kaugnay na usapin basahin lamang ang mga sumusunod:

Ano ang Magandang Paraan sa Pagkuha ng Bayad sa Employer

Hanapbuhay para sa mga inang nasa bahay

Verification sa Paypal gamit ang oDesk card

Bangon Pinoy!

Ito ay isang slogan ng isang party list kundi ako nagkakamali. Hihiramin ko lang upang magsilbing inspirasyon naman sa makatotohanang paraan.

Sa tuwing ako ay manonood ng balita, para bang ako ay napapraning na (paranoid) gawa ba ng mula noong huling quarter ng nakaraang taon ay puro tanggalan na sa trabaho ang ibinabalita. Nakakaalarma sa isang punto na ang dating sulingan ng ating mga kababayang walang trabaho dito ay ang pagpunta sa ibang bansa, pero hindi ba’t pati sila ngayon ay di na din pinaligtas ng krisis pang-ekonomiya ng buong mundo. Di pa man nababawi ang perang ginastos at di pa natutubos ang pagkakasangla ng bukiring nagamit sa pag-alis ay eto at pauwi na sila. Ang iba pa nga ay di na nagawang sumahod at ilang buwang ginawang alipin na di sinasahuran.

iwsMahigit sa 20 taon din akong nagtrabaho sa pabrika, 3 kompanya na sa 2 ay tumagal ng mahigit sa 10 taon. Ang pagkakaalis ko sa una ay gawa ng krisis sa ‘Liberalisasyon’ kung saan nagdagsaan ang mga murang imported na tela at pinatay ang lokal na industriya. Sa huli naman ay ibinunga na lang ng pagkabagot. Ang IWS ay isa kundi man pinakamalaking kumpanyang dayuhan sa buong Central Luzon, ito ay makikita sa Luisita Industrial Park na ‘pag-aari’ ng mga Cojuangco. Noong bago ako umalis 2 taon na ang nakakaraan, ay larawan pa ito ng isang matikas at matatag na kumpanya. Mga wiring harness ng iba’t -ibang sasakyan ang produkto dito. Nasa 7 libo na ang manggagawa dun ng panahong iyon at halos kalahati ay mga kontraktuwal.

Ngayon ay hindi na maganda ang kundisyon dito, ang direktang pamumuno na ng mga hapon at hagupit ng krisis ay nagtulong upang ito ay halos malugmok. Me mga panahong 2 hanggang 3 araw na trabaho na lang ang naibibigay sa kanila maliban pa sa madalas na schedule leave ng 1 o 2 linggo.

Sa iba kung susuriin ay di praktikal ang ginawa ko, bakit nga ba at mataas na din ang sahod ko nun (wag lang titingnan ang neto), ngunit para sa mga taong ang mahalaga ay kasiyahan ng loob sa bawat ginagawa, alam kong naiintindihan ninyo ako. Ayokong abutin ng uugod-ugod na nakikipagpingkian pa din ng lakas sa mga bata. Ang trabaho doon ay puro manual kaya madami sa mga manggagawa ay me mga sakit na sa batang edad sa sobrang pagod.

At ang sabi sa akin ng mga dating kasamahan ay mapalad daw akong nauna na sa kanila dahil naiakma ko na ang buhay na wala ang IWS. Sila ngayon ay hirap humanap ng sideline dahil anumang oras ay maaaari silang ipatawag kapag may gawa. At totoo naman, higit akong mapalad sa kanila

Marahil ay itatanong ninyo ano ang aking naging fallback? Hindi ako nakatungtong ng kolehiyo, bago ako umalis sa IWS ay nag-aral ako ng Medical Transriptionist sa pag-aakalang ito ang magbibigay daan upang ako ay magkatrabaho sa bahay lang (homebase) iyan kasi ang pangako ng kursong iyon at kaming lahat ay naganyak. Napasok naman ako bilang MT sa isang pribadong doktor, ngunit 5 buwan lang ang aking itinagal dahil sa di magandang mood ng aking boss. Inenjoy ko muna ang sarili ko sa isang panahon ng pakikipag-chat at kung anu-ano lang na maaaring gawin sa internet. Hanggang isang araw ay nagkrus ang landas namin ni Lhony dahil sa isang seminar para sa homebase call center job. Natapos namin pareho ang online na orientation ngunit di namin itinuloy. Si Lhony ang nag-introduce sa akin ng oDesk, isang kumpanya ng online outsourcing at isa sa pinakamalaki sa buong mundo. Ipinasa ko ang mga kailangang exam at pagkatapos ng 2 linggo ay me kumuha na sa akin bilang quiz writer. Wala akong ideya sa ganitong trabaho, ni wala sa hinagap kong ang pagsusulat ang aking magiging hanapbuhay, ngunit dahil desidido, ako ang naging pinakamasugid na quizwriter sa boredquiz.com.

Ngunit kahit ito ay hinagupit din ng krisis, nagsimulang malimitahan ang mga ginagawa naming topic at ibinaba ang aking dating bayad. Walang magawa kundi kagatin pa din kesa wala. Dito ko nakilala si Tuesday na siya namang nag-introduce sa bestjobsph.com at dun ako nakita ng aking bagong boss.

Ano ang punto ko dito? alam ko na madaming nakatapos ang di makakita ng trabaho o ayaw sa trabahong iniaalok sa kanila. Pero sa krisis ngayon, ang outsourcing ang isa sa maaaring fallback. Huwag nating sabihing di natin linya ang pagsusulat, higit kaninuman, ang mga Pilipino pa din ang higit na me kakayahang gumawa nito kaysa sa ibang kanugnog nating bansa. Huwag nating sayangin ang pagkakataong maaari tayong kumita sa comfort ng ating bahay lang.

tatalakayin ko sa mga susunod na blog ang tungkol sa homebase job. Ayoko lang mabagot kayo sa haba ng kwento ko.

Unang Paghamon sa mga kalahi ni Juan

Kailan lang nang maisip ko na bakit di ako gumawa ng isang blogsite na sa sarili nating wika. Meron akong minemaintain na English blogsite pero iba pa din talaga na malaya kang nasasabi yung mga bagay na gusto mong sabihin na di mag iintindi kung tama ba o hindi yung grammar. O di ba bongga!

At least dito kahit taglish okay lang at siguro di naman ako pagtataasan ng kilay ng mga kritikal sa bahagi na ito.

Ang buhay pinoy ay punong-puno ng iba’t-ibang uri ng karanasan, may nakakaasar, nakakabaliw, nakakabato, nakakagigil, nakakatuwa at madalas ay hinagpis. Ang layunin ko sa pakikibahagi ng aking pananaw ay para bigyang aliw kahit paano ang ‘masaklap’ nating kapalaran. Kung makikita man ninyo akong pumipitik ay dahil siguro sa kailangan naman. Ating pagsaluhan ang iba’t-ibang karanasang ito na kasama kayo. Sa pagpapakita ng kung ano nga ba ang ‘BUHAY PENOY”.

Sa mga Penoy este Pinoy sa ibat ibang dako ng mundo sana matuklasan niyo at magustuhan ang mga nilalaman at lalamnin ng blog na ito. Maging bahaginan din sana ito at daluyan ng mga impormasyong maaaring makatulong sa bawat isa sa atin. Ang lahat ay malaya sa pagbibigay ng komento negatibo man o hindi ay magiging constructive pa din ang ating pagtingin. Bahagi ito ng patuloy na pag-unlad.

Maligayang pagbasa po at pagpalain nawa kayo ng ating Poong Maykapal.