Ang tulang ito ay nailathala sa Livewires na siyang quarterly magazine ng kumpanyang dati kong pinagtrabahuhan. Para sa siping Enero-Marso 1995. Bahagi pa din ng “pag-iimortal” ng aking mga katha.
Pasok kasi sa Pebrero “Buwan ng mga Puso” ika nga kaya eto ang isang tula ng Pag-ibig…
Kung Ang Pag-ibig Ay Hindi Pa Sapat
Nanalig ako na tayo ay iisa
Sa lahi, sa prinsipyo
Sa dugo, sa tibok ng puso
Kaya iniluhog mo ay hindi binigo.
Hindi lingid sa akin ang sinasabi nila
Hindi raw tayo bagay na maging magkasama
Sa tingin ng lipunan kita ay magkaiba
(ngunit ano nga bang panuntunan meron sila?)
Ginawa nating ang landas ay mahawan
Sa tamis ng iyong salita ako’y nanghawakan
Tanging puso lang ang aking pinairal
Diyos na ang bahala sa ating pagmamahalan.
Bakit siphayo pa ang aking nakamtan?
Nang minsang matulog na ika’y kapisan
Ngunit ng magising sa kinabukasan
Isa ka na lang bahagi ng aking nakaraan.
Ano ang nangyari sa ating damdamin
Sa wagas na sumpaang sa aki’y itinanim
Dahil ba sa ang kulay ng dugo ko ay pula
At ang sa iyo ay bughaw naman pala?
Paano pa ang susunod na salinlahi
Kung sa lipunan natin ay may pagtatangi?