Si Tita Cory sa imahe ng isang “Santa”

cory a

Magmula ng mapabalitang may malubhang karamdaman ang dating Pangulong Cory Aquino ay mababakas na ang kalungkutan sa mga taong malalapit at tagasuporta niya. Mas tumindi ang pamimighati ng sambayanang ng tuluyan na itong sumakabilang buhay noong Agosto 1 taong kasalukuyan.

Popularidad ni Cory

Naging popular si Cory magmula ng maging biyuda ito sa pinaslang na dating senador Benigno “Ninoy” Aquino at mula sa pagiging simpleng maybahay at ina sa kanyang pamilya ay pinasok nito ang mundo ng pulitika upang hawakan ang pinakamataas na posisyon sa ating bansa, ang pagkapangulo.

Spontaneous, iyan ang kasikatang nakamit ni Cory mula sa kulay dilaw na kasuotan hanggang sa Laban “L” signs na naging popular sa kanyang kapanahunan. Tinangkilik siya at iniluklok ng sambayanan kahit pa nga hilaw sa karanasang pulitika dahil sa kanyang “kawalang kaalaman”. Na pinanghawakan ng sambayanan bilang “walang kaalaman” sa korupsiyon at paniniil sa maliliit na sambayanan. Pinanghawakan ang simpleng pangako ng pagbabago at imaheng “santa”.

Mga kahinaan ng kanyang administrasyon

mendiola1Ngunit hindi maikakailang sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ay marami ring kasalatan at kahinaang lumabas. Ilan na rito ang Mendiola Massacre na nangyari ilang buwan ng kanyang panunungkulan (Enero 22, 1987), kung saan marahas na dinispers ng mga sundalo ang ilang daang magsasakang nagmartsa upang makarating sa Malacanang. Labingtatlo (13) ang namatay at maraming magsasaka ang nasugatan ng walang habas na magpaputok ng baril ang mga sundalong naroroon.

lipAng bantilawang “Agrarian Reform” na hindi napakinabangan ng mga tunay na magsasakang naging kabahagi sa lupa. Ito ay dahil sa butas ng “Land Conversion” na nagbibigay pahintulot sa mga may- aring gawing subdibisyon, golf course at industrial area ang kanilang  lupain, na siya niya ring ginawa sa Hacienda Luisita kaya natatag ang Luisita Industrial Park (LIP) na ngayon ay kinatitirikan ng ilang korporasyong banyaga at nasyunal. Paano pa hahabulin ng mga magsasaka ang pag-arian ang lupaing nakasemento na? Binigyan lang niya ng papel na shares ang mga magsasaka imbes na lupa. Napakaganda nga namang pakinggan na sila (mga magsasaka) ay shareholder din ng Hacienda Luisita. Kapalit nito ang mahigit isang daang pisong (kakarampot) ibinabalik sa mga magsasaka bawat taon kapalit ng share na iyon.

wage price hikeSa panahon din ni Cory naipatupad ang “Wage regionalization law” kung saan ang dating “across the board” increase na nakukuha ng manggagawa buong bansa sa bawat pagtaas ng sahod ay naging hurisdiksiyon na lang ng mga “Regional Wage Board” kung magkano ang dapat na itaas. Dito pumapasok ang pagkakaiba-iba ng umento at kung bakit ang NCR ay mas mataas kaysa sa ibang lugar sa ating bansa kung minimum wage (di living wage) ang pinag-uusapan. Dahil sa aktibong pakikilahok ng kilusang paggawa sa mga usaping pang-ekonomya at pulitika at ang pagdadala ng usapin sa lansangan (rally) ay nagsulong sa kanilang sahod. Sa mga lugar na kulelat ay malalaman niyo ring walang maingay na pagtutol ang naiparinig upang ang kanilang daing ay mapakinggan ng Regional Wage Board.

Pitong kudeta ang inabot ng rehimeng Aquino dahil sa matinding pagtutol ng mamamayan sa kanyang mga polisiya. Subalit naging tapat lang ang malaking bulto ng militar upang hindi napagtagumpayan ang pagpapababa sa pwesto ni Cory.

Ako man partikular ay muli lang nabalik ang tiwala sa kanya ng siya ay naging ordinaryong mamamayan na lang. Doon ko nakita ang pagtutol niya sa mga di maayos na programang ipinatupad at tinangkang ipatupad ng mga pangulong sumunod sa kanya. Wala na ding batikos para sa kanya at makikita naman ang effort niya na mapaganda ang pamamalakad, danga’t di nangyari iyon ng siya ay nakaluklok pa sa pwesto.

Sa pagkamatay ni Cory ngayon, ang tangi na lang naiwan ay magagandang alaala ng pagkatao niya at nagkaroon na ng malawakang amnesia sa naging kahinaan ng kanyang pamumuno. Siguro ay sadyang ganyan ang mga Pilipino, likas na mapagpatawad at madaling mapaghilom ang sugat.

Isang positibo lang na aking natatandaan ay walang direktang korupsiyon ang naikulapol sa panahon kanyang pamumuno at two thumbs up ako doon.

Ngayon ay wala na si Tita Cory, magkasama na sila ni Ninoy sa pagharap sa Maykapal. Baunin mo sa pagkakataong ito ang pasasalamat ng sambayanan at ang taos pusong pamamaalam.

Paalam Tita Cory.

Pumanaw na si Cory

PRESIDENT CORY AQUINO- DSR pix

Sa ilang panahong paglaban niya sa sakit na colon cancer, pumanaw na ang dating pangulong Corazon Aquino. Sa edad na 76, si Cory aypumanaw sa ganap na 3:18 ng madaling araw, Sabado (August 1, 2009) . Si Cory ay higit na nakilala bilang pangulong humalili sa diktaduryang Marcos. Si Gng. Aquino ang kinikilalang ina ng demokrasya sa pamumuno nito sa mapayapang EDSA Revolution noong 1986.

Sino ang hindi makakakilala sa kanyang pamosong dilaw na kasuotang nakita sa kanya sa buong panahong siya ay nakilala. Mula sa isang payak na maybahay ng namayapang dating Senador Ninoy Aquino hanggang sa paghawak niya sa pinakamataas na posisyong pampulitika ng ating bansa at maging kauna-unahang babaeng pangulo ng Asya.

cory1Noong 1986, siya ay itinanghal na “Woman of the Year” ng Time Magazine, Agosto 1999, Si Cory ay pinarangalan bilang isa sa “Most influential Asian of the 20th Century” ng Times Magazine at muli noong Nobyembre 2006 na kabilang sa “65 Great Asian Heroes” kasama nina Mahatma Gandhi, Deng Xiaoping, Lee Kuan Yew at marami pang iba.

Sa kanyang pagbaba sa katungkulan sa pagtatapos ng kanyang termino noong 1992, Si Cory ay nanatiling aktibo sa mga pampulitikang usapin at patuloy sa kanyang adbokasya.

Sa pagkakaalam sa kanyang sakit, ang mayorya ng sambayanan ay nalungkot at nakiisa sa panalangin nang kanyang paggaling. Ngunit ang dating pangulo ay namayapa na din. Ngayon ay ang pagluluksa ng sambayanang Pilipino sa pagyao ng isang haligi ng institusyon.