Ang Pilipinas Pagkalipas ng 25 Taon – EDSA People Power

Pebrero 25, 1986 – Pebrero 25, 2011 (EDSA People Power)

Laban sign EDSA People Power

Sa mga nakasubaybay sa kasaysayan, parang kailan lang ng pag-alabin ang damdamin ng mga Pilipino at itulak ang mamamayan sa lansangan. Isang bahagi ng kasaysayang nagpabago sa pananaw nating mga Pilipino sa ating mga sarili gayundin sa kung paano tayo tiningnan ng mga mamamayan ng ibang bansa.

Sino nga ba ang makakalimot ng mapatay (sinadyang patayin) ang dating Senador Benigno Aquino Jr. Ito ang senador na pinakamahigpit na tumutuligsa sa rehimeng Ferdinand Marcos ng mga panahong iyon. Matapos ang ilang taong paninirahan sa ibang bansa ay pinili nitong bumalik kahit alam niyang maaaring doon na matapos ang kanyang buhay.

Sa isang bansang isinusuka na ang pasistang pamamahala, isang maliit na ningas lang ay maaaring sumambulat sa nagngangalit na damdamin ng mamamayang malaon ng binusalan ang mga bibig sa pagpapahayag ng katotohanan at saloobin. Ang pagkamatay ni Ninoy ay nagsilbing mitsa upang ang kinikimkim na pagrerebelde ay sumambulat.

Nagkaroon ng snap election dahil na din sa di mapigil na hiyaw ng pagbabago, walang nagawa ang Pasistang rehimeng Marcos kundi patulan ang eleksiyong iyon upang kahit paano ay mapayapa ang lumalakas ng pag-aalsang bayan. Kalakip ang pagluluto ng madayang resulta ng halalan na di niya sukat akalaing siya din palang magiging dahilan ng tuluyan niyang pagbagsak.

Ideneklara siyang panalo sa katunggaling biyuda ni Ninoy na si Corazon “Cory” Aquino, samantalang malinaw sa resulta ng NAMFREL (National Citizen’s Movement for Free Elections) na si Cory ang nanalo. Sinundan iyon ng pagtiwalag sa pamumuno ni Marcos sina Juan Ponce Enrile at si Fidel Ramos. Hindi na mapahupa ang mamamayan, kumakalat ng parang virus ang napipintong kudeta at ang naging dahilan ng sama-samang paglabas sa lansangan ng daang libong mamamayan ay ang panawagan ni Cardinal Jaime Sin na tutulan na at pababain sa pwesto ang diktaduryang Pangulo ng bansa.

EDSA People Power

Sa 4 na araw ng mapayapang rebolusyon ay hindi mabilang na kwento ng kabayanihan ang naitala. Sa bawat nakasaksi at dumalo sa makasaysayang pangyayaring iyon, isa itong hindi malilimutan at napakasarap ng karanasang iuulat sa mga susunod na salinlahi.

Ngayon, pagkalipas ng 25 taon tuluyan na bang nakamit ang demokrasyang ating hinahangad? Nakapanlulumo mang tanggapin ngunit ang isa lang makabuluhang naibigay nito sa atin ay ang malayang pamamahayag. Nang mabuwag ang Martial Law ay nagsibuka na ang ating mga bibig. Subalit ang katotohanang talamak pa din ang korupsiyong atin ng tinutulan ngayon, heto at patuloy pa ding namamayani. Ang kalagayan ng mamamayan sa usaping kabuhayan ay halos bahagya lang umunlad. Ang talamak na patayan, karahasan, krimen ay naririyan pa rin at ang masakit marami sa mga ito ay sangkot ang militar at may mga katungkulan sa gobyerno.

Isang kahinaan ay ang katotohanang hindi na-sustain ng mga sumunod na namuno ng bansa ang diwa ng tunay na demokrasya. Naroon pa rin ang pagproteksiyon sa mga pansariling interes, naroon pa rin ang matinding tawag ng 3G o Gun, gold and goons. Ang pamumuno sa bayan ay hindi para maglingkod kundi makinabang.

Ngayon, sa gitnang silangan naman nagkakaroon ng mga pag-aaklas. Sila naman ang tumututol sa di makatarungang pamumuno. Nawa nga lamang ay matulad sila sa kasaysayan ng Pilipino na natapos ito sa mapayapang paraan.

Subali’t hindi maikakaila, nakakapaglubag ng loob at nagiging proud tayo bilang Pilipino sa diwa ng 1986 EDSA Revolution.

Si Tita Cory sa imahe ng isang “Santa”

cory a

Magmula ng mapabalitang may malubhang karamdaman ang dating Pangulong Cory Aquino ay mababakas na ang kalungkutan sa mga taong malalapit at tagasuporta niya. Mas tumindi ang pamimighati ng sambayanang ng tuluyan na itong sumakabilang buhay noong Agosto 1 taong kasalukuyan.

Popularidad ni Cory

Naging popular si Cory magmula ng maging biyuda ito sa pinaslang na dating senador Benigno “Ninoy” Aquino at mula sa pagiging simpleng maybahay at ina sa kanyang pamilya ay pinasok nito ang mundo ng pulitika upang hawakan ang pinakamataas na posisyon sa ating bansa, ang pagkapangulo.

Spontaneous, iyan ang kasikatang nakamit ni Cory mula sa kulay dilaw na kasuotan hanggang sa Laban “L” signs na naging popular sa kanyang kapanahunan. Tinangkilik siya at iniluklok ng sambayanan kahit pa nga hilaw sa karanasang pulitika dahil sa kanyang “kawalang kaalaman”. Na pinanghawakan ng sambayanan bilang “walang kaalaman” sa korupsiyon at paniniil sa maliliit na sambayanan. Pinanghawakan ang simpleng pangako ng pagbabago at imaheng “santa”.

Mga kahinaan ng kanyang administrasyon

mendiola1Ngunit hindi maikakailang sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ay marami ring kasalatan at kahinaang lumabas. Ilan na rito ang Mendiola Massacre na nangyari ilang buwan ng kanyang panunungkulan (Enero 22, 1987), kung saan marahas na dinispers ng mga sundalo ang ilang daang magsasakang nagmartsa upang makarating sa Malacanang. Labingtatlo (13) ang namatay at maraming magsasaka ang nasugatan ng walang habas na magpaputok ng baril ang mga sundalong naroroon.

lipAng bantilawang “Agrarian Reform” na hindi napakinabangan ng mga tunay na magsasakang naging kabahagi sa lupa. Ito ay dahil sa butas ng “Land Conversion” na nagbibigay pahintulot sa mga may- aring gawing subdibisyon, golf course at industrial area ang kanilang  lupain, na siya niya ring ginawa sa Hacienda Luisita kaya natatag ang Luisita Industrial Park (LIP) na ngayon ay kinatitirikan ng ilang korporasyong banyaga at nasyunal. Paano pa hahabulin ng mga magsasaka ang pag-arian ang lupaing nakasemento na? Binigyan lang niya ng papel na shares ang mga magsasaka imbes na lupa. Napakaganda nga namang pakinggan na sila (mga magsasaka) ay shareholder din ng Hacienda Luisita. Kapalit nito ang mahigit isang daang pisong (kakarampot) ibinabalik sa mga magsasaka bawat taon kapalit ng share na iyon.

wage price hikeSa panahon din ni Cory naipatupad ang “Wage regionalization law” kung saan ang dating “across the board” increase na nakukuha ng manggagawa buong bansa sa bawat pagtaas ng sahod ay naging hurisdiksiyon na lang ng mga “Regional Wage Board” kung magkano ang dapat na itaas. Dito pumapasok ang pagkakaiba-iba ng umento at kung bakit ang NCR ay mas mataas kaysa sa ibang lugar sa ating bansa kung minimum wage (di living wage) ang pinag-uusapan. Dahil sa aktibong pakikilahok ng kilusang paggawa sa mga usaping pang-ekonomya at pulitika at ang pagdadala ng usapin sa lansangan (rally) ay nagsulong sa kanilang sahod. Sa mga lugar na kulelat ay malalaman niyo ring walang maingay na pagtutol ang naiparinig upang ang kanilang daing ay mapakinggan ng Regional Wage Board.

Pitong kudeta ang inabot ng rehimeng Aquino dahil sa matinding pagtutol ng mamamayan sa kanyang mga polisiya. Subalit naging tapat lang ang malaking bulto ng militar upang hindi napagtagumpayan ang pagpapababa sa pwesto ni Cory.

Ako man partikular ay muli lang nabalik ang tiwala sa kanya ng siya ay naging ordinaryong mamamayan na lang. Doon ko nakita ang pagtutol niya sa mga di maayos na programang ipinatupad at tinangkang ipatupad ng mga pangulong sumunod sa kanya. Wala na ding batikos para sa kanya at makikita naman ang effort niya na mapaganda ang pamamalakad, danga’t di nangyari iyon ng siya ay nakaluklok pa sa pwesto.

Sa pagkamatay ni Cory ngayon, ang tangi na lang naiwan ay magagandang alaala ng pagkatao niya at nagkaroon na ng malawakang amnesia sa naging kahinaan ng kanyang pamumuno. Siguro ay sadyang ganyan ang mga Pilipino, likas na mapagpatawad at madaling mapaghilom ang sugat.

Isang positibo lang na aking natatandaan ay walang direktang korupsiyon ang naikulapol sa panahon kanyang pamumuno at two thumbs up ako doon.

Ngayon ay wala na si Tita Cory, magkasama na sila ni Ninoy sa pagharap sa Maykapal. Baunin mo sa pagkakataong ito ang pasasalamat ng sambayanan at ang taos pusong pamamaalam.

Paalam Tita Cory.