Si tatang

25 taon na namin siyang hindi kasama, nauna na siyang nakipagkita kay “Boss” kasunod ng lola ganda ko na namatay bago magpasko at si tatang naman ay bisperas ng bagong taon, taong 1983 iyon. Nakakabaliw, sarap humiyaw ng walang katapusan, pero isa man dun ay  hindi nangyari sa akin.

Maalala ko lang uli, kasi sa tagal ng panahon wala akong naisulat na kahit ano sa tatang ko. Kahit pa nga puro itong intsik, nakasanayan na naming inang at tatang ang tawag sa kanila. Larawan ng kahirapan ang aking nakamulatan, o kami palang mga huling naging anak. Hindi ko na maimagine yung sinasabi ng inang ko na kaalwanan nila ng bago pa lang silang nagpapamilya. Noong bago pa masunog yung restoran sa La Union at ma bankrupt naman ang kasunod gawa ng Martial Law.

Nainspired lang akong isulat si tatang dahil na-touch ako kay Lapu Lapu at kay Blu. Yung paghihiwalay ng pakiramdam nila bilang mag-ama dahil sa halos di niya nakasama ito dahil madalas nasa barko. At least maiintindihan pa kasi wala sila dun physically kaya naging awkward ang sitwasyon. E ang tatang ko, dito lang siya pero parang OFW din kasi noong kalakasan pa niya ay minsan isang taon lang din naming makasama. naroon lang ito sa maynila at nagtatrabaho bilang cook. Ang inang lang ang kumukuha ng sustento namin kada buwan. Siguro malaking factor na foreigner siya o siguro sadyang di lang siya makibo. Lalo na nga ng ma-stroke siya at maparalitiko. Kasama namin siya sa bahay pero di siya kumikibo, kapag nag-uutos lang. Hindi ko naranasang maupo at makinig ng kwentuhan nila ng inang ko. O kaya ay magkwento o magtanong sa amin ng kahit ano. Alam lang namin na ama namin siya pero parang wala siya sa amin. Graduating ako ng High school ng mamatay siya. Marami akong pinanghihinayangan sa relasyon naming mag-ama. Pero dahil bata pa lang din ako nun, di ko pa alam ang aking gagawin.

Sana man lang nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang tatang ko, makakwentuhan, mayakap, masabihan ng “mahal kita”. Ikaw ba naman ang magmula sa isang angkan na parang taboo yata ang magpahayag ng passionate na damdamin, ng caring. Iyong tipong kapag ikaw ay nadapa ay malamang sa hindi, ikaw ang pagagalitan sa katangahan mo bago itanong kung nasaktan ka ba sa pagbagsak. Katagal kong pinilit baklasin ang ganung nakasanayang attitude. Para kang sumasagupa sa agos. Bagama’t marahil ay di pa din ako 100% na tagumpay pero alam kong malaki na ang naging pagbabago. Hindi ko kinikimkim kapag gusto kong mag-appreciate o feel kong sabihin na mahal ko sila. Ako pa lang sa amin ngayon ang humahalik, yumayakap at paminsan-minsan ay naglalambing sa inang ko. At least nakikita ko ang positibo dito. Ngayon hinahanap-hanap na ko kapag napapatagal ang bakasyon ko sa ibang lugar. Sinasabi na din niya na gusto niya akong lagi na narito lang kahit na hiwalay pa kami ng bahay. At higit sa lahat, pinipilit kong ibigay sa inang ko ngayon yung alam kong ikatutuwa niya.

Yes, sa wakas me nasulat na ko sa tatang ko kahit pa nga ang dulo ay sa inang ko pa din bumagsak hahaha. Ang ironic nga lang, dati tuwing bisperas lang ng bagong taon dumarating ang tatang ko sa amin para makasama kami, pero ang pag-alis niya ay naganap ng kapareho ding araw.

Maligayang araw ng mga ama!

Advertisements