Pagpawi sa pagod na mata

Eye tirednessSa ilang taon kong pagkababad sa computer lalo ngayong working at home online job ako, grabe ang pagod na nararamdaman ko sa aking mata. Walang araw na hindi ako nakaharap sa computer kahit pa nga day off ko.

Hindi mapigilan dala na din ni “Nathan” (nathanda na hahaha) e aabutin nating lumabo ang mata. Napansin ko ang mabilis ang paglabo at ngayon ay nangangailangan ng magsalamim sa pagharap sa computer.

Hala, awat na sa mahabang palabok. Sa madaling salita inaabot kong parang laging inaantok at kung pwede nga lang ay nakapikit ang mata kong nakikipag-usap o kumakain para mapahinga ito. Sa wakas naisipan kong magresearch kung paano maiibsan ang labis na pagkapagod ng mata at narito ang aking natuklasan.

Paalala nga lang na marami sa mga ito ay di ko pa nasubukan ang bisa, isa pa lang actually ang sinubok ko at mukhang satisfied ako sa resulta. Ibabahagi ko lang itong iba para maging opsiyon ng me katulad na problema sa akin.

Tips kapag mayroong eyebags

  • KutsaraPaggamit ng kutsara – walang kagastos-gastos dahil sinisiguro kong lahat tayo ay me kutsara sa bahay. Maglagay ng 2 kutsara sa freezer (o itubog sa tubig na me yelo kung walang ref) at kapag natantiya na malamig na ay kunin ito at ilagay sa ilalim ng mata para sa dagliang pagkawala ng eyebags. Huwag ipi-freeze ang kutsara.
  • Kumuha ng bulak at ilubog sa tinimplang tsaa. Ilagay ito sa mata ng ilang sandali.
  • Kumuha ng bulak at ilubog sa malamig na gatas. Ilagay ito sa mata ng ilang sandali.

Tips sa pagkapawi ng pagod ng mata

  • Makakatulong ang madalas na paghuhugas ng mata gamit ang malamig na tubig. Batid kong marami pa din ang mayroong agam-agam na gawin ito dahil sa takot nating “mapasma” ngunit ito ay subok na. Isipin na lang natin na ang mga player nga matapos ang nakakapagod na laro ay diretsong naliligo di ba?
  • Kung me lavender oil kayo ay patakan ang tubig ng ilang patak saka itubog ang bulak at ilagay sa ibabaw ng talukap ng mata.

strawberry

  • Kung me strawberry kayo sa bahay ay ilagay ito sa ref at kapag malamig na ay ilagay sa ibabaw ng talukap ng mata. Mainam ito sa pagod na mata.
  • Sa 2 tasang pinakuluang tubig ay maglagay ng kaunting boric acid. Kapag lumamig na ay gamitin itong panghugas ng mata para sa dagliang ginhawa.

cucumber

  • Ngunit sa lahat ng nabanggit, ang tanging sinubukan ko pa lang (at katatapos ko lang gawin bago isulat ito) ay ang pipino. Parang icon na ito noon pa man, dalawang hiwa sa magkabilang mata habang nagbibeauty rest ang mga artista. Pero di ko akalaing mapabilib ako.

Lagi akong me pipino (cucumber) sa ref dahil ginagawa kong alternative sa almusal o kaya ay dinner kapag nagugutom ako. Nang mabasa ko uli ang tungkol dito ay naisipan ko ngang subukan. Kanina ay parang gusto ko ng pumikit dahil sa pagod ng mata, alanganing oras nga lang at madami pang kailangang gawin. Humiwa ako ng 2 piraso at habang nakaupo dito ay inilagay sa ibabaw ng mata. Tinakpan ko din ng mejo dark na panyo para marelax lalo at di masilaw sa ilaw. Ramdam ko ang pagsingaw ng malamig na bagay galing sa malamig na pipino. Mahigit sampung minuto siguro sa ganoong posisyon, nakikinig lang ako ng TV.

Nang alisin ko ang pipino, medyo nagduda ako kasi malabo ang tingin ko. Kahit anong exercise ng mata ang gawin ko aba ayaw luminaw. Pero saglit lang pala yun. Nang magbalik ang linaw ng tingin ko ay refresh na refresh ang pakiramdam ko. Galing pala talaga!

Kaya sa lahat ng nabanggit ko , sa wonder pipino pa din ako J.

Subukan din ninyo.

Advertisements

Happy Birthday online job

praying hands

Hindi ko lang mapalampas na di magbigay pasasalamat ngayong araw na ito. Happy birthday kasi sa aking online job. Isang taon na akong binuhay ng gawaing ito na sa hinagap ay hindi ko naisip na kahahantungan.

Nang ako ay magretired mahigit 2 taon na ang nakakaraan dahil sa matinding pagkabagot sa dating trabaho bilang isang pangkaraniwang manggagawa (pagkatapos na ialok sa akin ang promosyong aking tinanggihan dahil sa prinsipyo).  Ilang panahon din ng pangangapa at pamamahinga na din bago may nagbukas ng pinto para sa ganitong gawain. Challenging at talagang pigaan ng utak bilang isang quiz writer at ang akala kong di makakaya ay nagawa ko ng mahinusay at naging pinakamalakas na contributor ng Boredquiz.com. Nang magsimula na itong humina gawa ng krisis ay may panibagong offer na naman akong natanggap noong Enero 6 (Sto Nino Feast yata iyon) at nadagdagan pa pagkalipas ng isang buwan.

Ngayon ay 3 na ang aking boss. Kung sa iba ang idinadaing ay kawalan ng trabaho, ngayon ay mukhang aabutin kong idaing ang sobra namang trabaho haha. Pero sabi ko nga mas gugustuhin ko na ang ganito kaysa sa talagang walang trabaho. Compensated naman e napasubo lang talaga akong gawing 14 na oras sa isang araw ang work.

Kaya kapaga ang lola ninyo ay di nakakasilip sa inyong mga blogs at madalang na ding malamnan ang blog ko, marahil ay mauunawaan niyo nang gawa iyon ng kakulangan ng oras at pahinga.

Muli ang aking pasasalamat sa Maykapal para sa biyayang patuloy Niyang ibinabahagi sa akin at aking pamilya.

Salamat din mga kasama.

Wag matakot sa hamon ng pagbabago

May mga natutunan ako nitong mga huling araw na medyo nanahimik ako. Kahit na lagi kong sinasabing handa ako sa lahat ng darating pero me pagkakataong naduduwag din ako.

Subalit totoo talagang basta bukas ka lang sa lahat ng pagkakataon walang hindi kakayanin. Ang pagreretired ko ng maaga sa buhay industriya (industrial worker) ay isang malaking takot na aking sinuong.  Takot akong mawalan ng trabaho kasi mag isa lang akong namumuhay, pero ang matinding pagkabagot ang nagtulak sa akin para mag -iba ng landas.

Hindi ako nakapag-aral sa kolehiyo kaya sino ang mag-aakalang ganitong trabaho ang babagsakan ko. Ang home based job. Ni wala nga akong pormal na pag-aaral sa computer e puro turo lang nga mga kasama sa dati kong gawain.

Kaya ko sinasabi ito kasi me napatunayan na naman ako sa sarili ko nung isang gabi. Parang bata yung boss ko na ibinalita na yung article na ginawa ko in his behalf ay accepted ng Ezine Article. Hindi ko din sukat akalain yun kasi napakataas ng pamantayan ng Ezine at napaka istrikto nila.

Sa iba maaaring napaka OA ko naman para magkaganito sa isang artikulo, pero ang sarap lang sa pakiramdam na nalalampasan mo ang hamon kahit sa mumunting paraan. Nakakapag uplift ng moral at ang sarap ipagpatuloy ang pagsuong sa hamon.

Ngayon kapag talagang pinagbuhusan mo ng atensiyon ang isang bagay ay may mabuti talagang naidudulot. Di ako halos nakatulog sa katuwaan ng gabing iyon. Sayang at di ko maibigay ang link dito kasi para maproteksiyunan ko ang aking boss na isang kilalang tao sa US. May kaugnayan ito sa epekto ng steroids sa kabataan.

Ang kasunod nito, nakafocus ako sa ngayon na makapagpublish din ako ng article na papasa sa sarili kong pangalan sa Ezine. Nakapagsubmit na ako kahapon at naghihintay na lang ng resulta. Isang magandang portfolio din ito kung sakaling maghanap ako ng work in the near future.

Kasama ko po kayo sa kasiyahan. Salamat din sa pag-aantabay.

Bangon Pinoy!

Ito ay isang slogan ng isang party list kundi ako nagkakamali. Hihiramin ko lang upang magsilbing inspirasyon naman sa makatotohanang paraan.

Sa tuwing ako ay manonood ng balita, para bang ako ay napapraning na (paranoid) gawa ba ng mula noong huling quarter ng nakaraang taon ay puro tanggalan na sa trabaho ang ibinabalita. Nakakaalarma sa isang punto na ang dating sulingan ng ating mga kababayang walang trabaho dito ay ang pagpunta sa ibang bansa, pero hindi ba’t pati sila ngayon ay di na din pinaligtas ng krisis pang-ekonomiya ng buong mundo. Di pa man nababawi ang perang ginastos at di pa natutubos ang pagkakasangla ng bukiring nagamit sa pag-alis ay eto at pauwi na sila. Ang iba pa nga ay di na nagawang sumahod at ilang buwang ginawang alipin na di sinasahuran.

iwsMahigit sa 20 taon din akong nagtrabaho sa pabrika, 3 kompanya na sa 2 ay tumagal ng mahigit sa 10 taon. Ang pagkakaalis ko sa una ay gawa ng krisis sa ‘Liberalisasyon’ kung saan nagdagsaan ang mga murang imported na tela at pinatay ang lokal na industriya. Sa huli naman ay ibinunga na lang ng pagkabagot. Ang IWS ay isa kundi man pinakamalaking kumpanyang dayuhan sa buong Central Luzon, ito ay makikita sa Luisita Industrial Park na ‘pag-aari’ ng mga Cojuangco. Noong bago ako umalis 2 taon na ang nakakaraan, ay larawan pa ito ng isang matikas at matatag na kumpanya. Mga wiring harness ng iba’t -ibang sasakyan ang produkto dito. Nasa 7 libo na ang manggagawa dun ng panahong iyon at halos kalahati ay mga kontraktuwal.

Ngayon ay hindi na maganda ang kundisyon dito, ang direktang pamumuno na ng mga hapon at hagupit ng krisis ay nagtulong upang ito ay halos malugmok. Me mga panahong 2 hanggang 3 araw na trabaho na lang ang naibibigay sa kanila maliban pa sa madalas na schedule leave ng 1 o 2 linggo.

Sa iba kung susuriin ay di praktikal ang ginawa ko, bakit nga ba at mataas na din ang sahod ko nun (wag lang titingnan ang neto), ngunit para sa mga taong ang mahalaga ay kasiyahan ng loob sa bawat ginagawa, alam kong naiintindihan ninyo ako. Ayokong abutin ng uugod-ugod na nakikipagpingkian pa din ng lakas sa mga bata. Ang trabaho doon ay puro manual kaya madami sa mga manggagawa ay me mga sakit na sa batang edad sa sobrang pagod.

At ang sabi sa akin ng mga dating kasamahan ay mapalad daw akong nauna na sa kanila dahil naiakma ko na ang buhay na wala ang IWS. Sila ngayon ay hirap humanap ng sideline dahil anumang oras ay maaaari silang ipatawag kapag may gawa. At totoo naman, higit akong mapalad sa kanila

Marahil ay itatanong ninyo ano ang aking naging fallback? Hindi ako nakatungtong ng kolehiyo, bago ako umalis sa IWS ay nag-aral ako ng Medical Transriptionist sa pag-aakalang ito ang magbibigay daan upang ako ay magkatrabaho sa bahay lang (homebase) iyan kasi ang pangako ng kursong iyon at kaming lahat ay naganyak. Napasok naman ako bilang MT sa isang pribadong doktor, ngunit 5 buwan lang ang aking itinagal dahil sa di magandang mood ng aking boss. Inenjoy ko muna ang sarili ko sa isang panahon ng pakikipag-chat at kung anu-ano lang na maaaring gawin sa internet. Hanggang isang araw ay nagkrus ang landas namin ni Lhony dahil sa isang seminar para sa homebase call center job. Natapos namin pareho ang online na orientation ngunit di namin itinuloy. Si Lhony ang nag-introduce sa akin ng oDesk, isang kumpanya ng online outsourcing at isa sa pinakamalaki sa buong mundo. Ipinasa ko ang mga kailangang exam at pagkatapos ng 2 linggo ay me kumuha na sa akin bilang quiz writer. Wala akong ideya sa ganitong trabaho, ni wala sa hinagap kong ang pagsusulat ang aking magiging hanapbuhay, ngunit dahil desidido, ako ang naging pinakamasugid na quizwriter sa boredquiz.com.

Ngunit kahit ito ay hinagupit din ng krisis, nagsimulang malimitahan ang mga ginagawa naming topic at ibinaba ang aking dating bayad. Walang magawa kundi kagatin pa din kesa wala. Dito ko nakilala si Tuesday na siya namang nag-introduce sa bestjobsph.com at dun ako nakita ng aking bagong boss.

Ano ang punto ko dito? alam ko na madaming nakatapos ang di makakita ng trabaho o ayaw sa trabahong iniaalok sa kanila. Pero sa krisis ngayon, ang outsourcing ang isa sa maaaring fallback. Huwag nating sabihing di natin linya ang pagsusulat, higit kaninuman, ang mga Pilipino pa din ang higit na me kakayahang gumawa nito kaysa sa ibang kanugnog nating bansa. Huwag nating sayangin ang pagkakataong maaari tayong kumita sa comfort ng ating bahay lang.

tatalakayin ko sa mga susunod na blog ang tungkol sa homebase job. Ayoko lang mabagot kayo sa haba ng kwento ko.