Buhay Manggagawa

manggagawa

I

Nagising sa lagabog
Ang katawang binugbog
Sa pabrika’y napagod.

II

Ang ulo ay tinutop
Gusto na nyang iumpog
Kulang pa kanyang tulog.

III

Bumangong sumusukot
Tabo’y kanyang dinampot
At saka sya nagmumog.

IV

Kaldero’y walang mugmog
Dibdib ay kumakabog
Tiyan ay tutop tutop.

V

Oras na ng trabaho
Sa malupit nyang amo
Magbabanat ng buto.

VI

Titingin sa kawalan
Mga mata nyang lamlam
Na sa luha ay hilam.

VII

Dinampian ng halik
Anak niyang marungis
Mabilis ng umalis.

VIII

Kapa bulsa nyang bahaw
Utak nyang humihiyaw
Kailan matitighaw.

IX

Daraan sa kainan
Inggit ay kanyang tangan
Sa tuyong lalamunan.

X

Dumating sa destino
Sa pingkian ng buto
Durog na pagkatao.

XI

Katapusan na naman
Sasahod sa arawan
At sobreng walang laman

XII

Sahod kulang sa utang
Maiiling na lamang
Titingin sa kawalan.

XIII

Kailan matatapos
Ang sistemang baluktot
Kailan maaayos.

XIV

Uulit ang umaga
Sa parehong istorya
Hirap, pakikibaka.

Ang tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Award 7 (2015) at nagkamit ng Pangalawang Karangalan.

Saranggola 336x280

Ang larawang nakalakip ay hindi pag-aari ng otor at ito ay galing sa blog na ito.

Advertisements

Nang Gabing Makita Ko Si Santa Klaus

Taong 1997…

Nang Gabing Makita Ko Si Santa Klaus

Dati ay tuwang-tuwa ako sa kuwento ni tatay

Pasko na naman at darating si Santa Klaus

Magarang pulang damit, puting balbas

Na sakay ng karwaheng hila ng mga usa

May malaking sisidlan ng mga regalo

Para daw sa mga batang mababait.

Umaasam ako noon

Dahil di ba tatay mabait din ako

Sinusunod ko na ang gusto ninyo ni inay

Di ko inaaway ang aking mga kalaro

Pero bakit kahit minsan

Ay hindi ako nabigyan ng regalo.

Bakit ganoon tatay namimili ba si Santa Klaus

Nang bibigyn ng regalo o lugar na pupuntahan?

Dahil kaya sa iskwater tayo nakatira

At gula-gulanit ang aking damit

Hindi na siya tumuloy?

Pero tatay, di ba kagabi ay Noche Buena

Nakita ko rin si Santa Klaus

Hindi nga lang magara ang suot niyang damit

At puti na rin ang balbas sa katandaan

May talukbong na lumang sumbrerong sira

Tulak ang karitong tabingi ang gulong

Kasunod ang mga asong gala

Patungo sa tambakan ng basura.

(hindi inaari ng otor ang larawang nakalakip)

Ang Pasko at Kaunting Tutong sa Kaldero

Isang totoong larawan ng Paskong Pilipino…taong 1995.

Ang Pasko at Kaunting Tutong sa Kaldero

Hindi magkamayaw ang mga tao bangketa

Ang mga “supermall” ay nagsisikipan na

Naghihirap daw ang Pilipino sabi nila

Sa mga dakong iyon kayo ang humusga.

Nagkalat ang mga bata sa kung saan

Nakalahad ang maruruming kamay

Ang iba ay paos na sa pag-awit

Namamaltos na ang daliri sa paggigitara.

Butuhang tadyang naman ang tinitipa

Ng isang matandang dinadalahit ng ubo

Sumasabay sa putukan ang pag-iyak

Ng batang gabi na’y hindi pa nag-aalmusal.

Nanlilimahid ang mga kasuotan

Nanggigitata ang mga sahig na hinihigan

Sa tuluyang ang naroon lang ay bubong at dingding

Sapagka’t wala na silang tahanan.

Merry Christmas, Happy New Year

Santa Claus is coming to town, ho-ho-ho

Halina at ating pagsaluhan

Ang Pasko at kaunting tutong sa kaldero.

(hindi inaari ng otor ang larawang nakalakip)