Teka Muna

Nagsimula tayong pagbuklurin ng mga tanong at sagot
Sa isang panahon ng iyong pagkalito
At di natin namalayang may dalas na ang usapan
May lalim, may diin , may tempo
May kakaibang ligayang ibinibigay sa pagkatao.

Mga impit na tawanang nagpapasakit ng ating mga panga
E bakit nga ba hindi ang oras ay mag uumaga na
Narinig na rin nating lumuha ang bawat isa
Mula sa mga bagay na kay tagal nating iningatan
Selyadong itinago sa lumang baul ni inang
Ngayon sa isang iglap sa iyo ay nabuksan.

Teka muna, hinto, para
Kailangan nating maghinay-hinay huminga
Natatangay tayo sa masarap na kawalan
Nakakalimot tayo sa totoong kasalukuyan
Nahuhubad na ang kalasag kapalit ng saya
Natatangay tayo ng yakap ng usapan
Napapasok ang kaluluwa ng bawat isa.

Teka muna, hinto, para
Ayokong maging bahagi ka lang ng akng pantasya
Nais kong ikaw ang maging destinasyon
Sa napakahaba kong paglalakbay.

Teka muna, hinto, para
Nais ko munang magpahinga
Pangako, babalik ako at muling magpapakilala.

Ako nga pala si Eliza….

BEcause I love You That Much

intimacy icon

***PAUNAWA: may permiso ang pagbabahagi ko sa kwentong ito mula sa may tunay na karanasan…sa kanya galing ang pamagat.

Gusto ko lang ibahagi ang isang kwento ng relasyon mula sa isang bagong kaibigan… di ko lang mapayagang makaalpas ito na di makakapagbigay ng inspirasyon sa iba.

Ang pagpapailalim ng babae sa kagustuhan ng lalaki

Galing si Shera sa isang 13 tatlong taong pakikipagrelasyon sa lalaki (typical heterosexual relationship) at sa buong panahong iyon ay dumanas siya ng pang-aabusong sikolohikal….mga salitang paulit-ulit na lumalatay sa kanyang pagkatao at halos nagpapagupo sa kanyang katatagan. Bilang isa sa mga tradisyunal na pamilyang naniniwalang ang babae ay dapat laging submissive sa karelasyong lalaki…tiniis niya ang naging buhay.

At dahil nga sa mga pangyayari…ang respeto at pagmamahal ay nalusaw.

Ang pagdating ng isang pag-ibig

Hanggang sa dumating ang isang taong pinag-ukulan niya ng pagmamahal..isang relasyong sa tingin ng iba ay hindi normal….nagmahal siya sa kapwa babae at pilit na sinalansang ang puna ng iba para sa relasyong labis niyang pinahalagahan.

Magkasundo sa maraming bagay….mga usapang di na kailangan ng mga salita at sa pagtatama pa lang ng tingin ay nagkakaintindihan na…pagtuklas ng mga bagay sa pagitan nilang dalawa…pagsasalo sa panahong tanging kanila lang.

Pero pareho silang hindi pa hantad ang mga itinatagong pagkatao..parehong nangangamba na may makaalam sa kanilang pamilya dahil di nila matatangap ang isang “abnormal” at “makasalanang” relasyon. Tipikal na pakiramdam dahil sa takot sa mapanghusgang lipunan.

Naging napakaganda ng kanilang chemistry…nagiging dahilan sila para ang isa’t isa ay maging lalo pang mabuting tao…nagbubuhatan….nagbu-boost ng moral at sumusuporta sa anumang naisin ng bawat isa.

Ang pagtutol

Dito nagsimula ang conflict dahil hindi gusto ng kanyang karelasyon ang kursong kinuha…isa itong registered nurse na nangyari lang dahil sa pikit matang pagsunod sa kagustuhan ng magulang…ang tunay nitong hilig ay mag-imprenta….lumikha ng sining at ilagay ito sa mga t-shirt…ito lang ang tangi nitong gusto ngunit walang lakas ng loob na umalis sa pinapasukan..di alam kung paano magsisimula.

Ginawa ni Shera ang lahat upang magkaroon ito ng katuparan…moral support at halos sa lahat ng aspeto ng pagsisimula ay di niya ito iniwan…umalis sa trabaho ang karelasyon at ipinagpatuloy ang hilig na larangan.

Ito ang hindi matanggap ng magulang ng kanyang karelasyon…nagkaalaman sa kanilang relasyon at labis itong tinutulan …ang higit na masakit sinabihan pa siyang bad influence para sa kanilang anak.

Pinili ng karelasyon ang mga magulang at sa kabila ng pakikiusap ni Shera na huwag siyang iwanan…nangyari ang paghihiwalay.

Ang pagtupad sa pangako

Sa kabila nito…hindi bumitaw si Shera sa pangakong tulong sa dating karelasyon…nagsimula ang bago nitong negosyo at sa sandaling panahon ay lumaki…nagkaroon ng isang maayos na pwesto ng pag-iimprentahan at inimbita siyang dumalo sa opening at ribbon cutting na noong una ay kanyang tinanggihan….ngunit dahil sa matinding pakikiusap kalaunan ay kanya na din itong pinagbigyan.

Pagtuntong ni Shera sa lugar ng kaganapan ay ibang pakiramdam ang sumalubong sa kanya..nakita niya ang karatulang nakasulat doon ang pangalan ng imprentahan na kung saan ay siya mismo ang nag-isip. Nakadama siya ng labis na katuwaan dahil alam niyang sa mga sandaling ito ….wala na siyang dapat na patunayan pa sa mga magulang ng dating karelasyon…hindi siya kailanman naging bad influence sa anak nila at ito ang naghuhumiyaw na katotohanan.

Naramdaman naman niya ang pagbabalik ng dating pakikitungo ng pamilya ng dati niyang karelasyon….ngunit wala na itong saysay…nangyari na ang dapat mangyari.

Isang mahigpit na yakap ang isinukli sa kanya ng dating karelasyon at sa gumagaralgal nitong tinig namutawi ang salitang pasasalamat.

Sapat na iyon para kay Shera…alam niyang nagawa niya ang kanyang bahagi at dahil sa kanya may isang buhay na umalpas sa nakapiit nitong kalagayan at ngayon ay patungo na sa pag-unlad.

Sapat na iyon….

 ***ang larawang inilakip ay hindi galing sa otor at ito ay nakuha lamang sa net.