Ang inagurasyon ni P-Noy

P-Noy

Bukas sabi nga nila ay isang bagong kabanata ng ating bansa dahil bukas ay ang inagurasyon at pormal na pag-upo ni P-Noy, ng presidenteng si Benigno C. Aquino III.

Kanya-kanyang opinyon, kanya-kanyang ispekulasyon at ekspektasyon ng sambayanang Pilipino. Marami siyang ipinangakong pagbabago na panghahawakan ng mga maralita, ang hamon sa kanyang kakayanang maipatupad ito at maging iba sa mga nagdaang Pangulo ay napakalaki.

Gaya ng dati, naroon ang mga kapanalig at ang pagbabantay naman ng mga nasa kabilang panig sa lahat ng kanyang mga desisyon at gagawin. Ang paghahalintulad sa track record ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory sa kalinisan sa korupsiyon ang isa sa pamantayang dapat niyang tularan.

Bubot pa siya sa aking pananaw at isa iyon sa kanyang kahinaan dahil napapaligiran siya ng mga trapong hanggang ngayon ay palipat-lipat lang ng  panig. Hindi magandang isiping maiimpluwensiyahan siya ng mga ito pero di malayong mangyari.

We will give him the benefit of the doubt ‘
ika nga ng marami, panahon niya ito at sana ay maging matatag siyang pamunuan ng maayos at matuwid ang ating bansa.

Sa bagong pangulo ng Pilipinas, P-Noy nasa iyo ang bangka upang itimon ang ating bansa ngayon. Nawa ay maayos mo itong maisagawa. At para sa ating pangkaraniwang mamamayan naman, ang patuloy na pagbabantay at pagiging mulat sa lahat ng mga isyu lalo na ng katiwalian at kawalang hustisya.

Mabuhay ang Pilipino sa bagong kabanata!

Ang Pulitikang Pinoy 2010

Wala nang isang buwan at huhusgahan na ng mamamayang Pilipino kung sino ang mamumuno ng anim na taon sa ating bansa. Dito muling mapapatunayan kung ano nga ba ang batayan ng masa sa paghalal ng magiging bagong lider natin. Anong pamantayan kaya ang mamamayani? Ang dating gawi ng popularidad sa kung sino ang mas maraming propaganda sa telebisyon, sa kung sino ang madalas marinig sa diyaryo, sino ang maraming ka-Twitter at kabarkada sa Facebook at kung sino ba ang madalas makitang mukha sa mga pambalot ng tinapa.

Sabagay kadalasang ang pagpili ng mga kandidato ay para ring sugal sa mga first timer, pero sa mga luma ng pulitiko nararapat na tayo ay bumatay na sa track record ng kanilang pamumuno. Sa totoo lang kundi talaga tayo magsusuri ngayon ay maaari tayong maligaw sa ating mga naririnig at napapanood. Marami sa mga pulitiko ngayon ang gumagamit ng estratehiyang demagohika, ito ay ang pag-atake sa emosyon ng mga botante sa usaping ano ba ang mas kakagatin, at kadalasan ay ang mga litanyang sila ay makamahirap o galing sa pagiging mahirap at sinasamahan ng pagpapaasa o pangangako ng pag-ahon sa kahirapan. Sila ay kakampi kahit alam nating ang mga batas na itinaguyod nila noon ay ang pagpapahirap sa masa halimbawa ay ang E-VAT. Pagsasabing sila ay marangal at maka-Diyos.

Paano nga ay may pamantayan tayong gusto sana nating taglayin ng mga lider at alam nila ito kaya sukdulang “magbalatkayo” sila upang makuha ang ating simpatiya ay kanilang gagawin.

Ilang puntos lang at hindi lahat ay daraanan ko ng puna.

Manny Villar – hindi ko ikakailang siya ang una kong bet sa pagkapangulo pero nitong mga huling araw ay nagdadalawang isip na ako. Nakakalula talaga ang gastos niya sa propaganda at alam nating maraming mga taong nasa likod ng malakng halagang ito kaya maraming “utang na loob” siyang babayaran kung sakali. Ang katotohanang ayaw nitong harapin sa senado ang isyu ng C-5 na siyang malaking mantsa sa kanyang pamumuno.

Pero marami sa mga senador sa line up niya ang gusto kong manalo gaya nina Satur Ocampo, Liza Maza, Col Querubin at ilang babae niya. Nakita ko ang paninindigan sa mga ito at kailangan natin sila sa pagbabantay sa senado at sa administrasyon.

Gibo Teodoro – bata at matalino iyan ang sinasabi niyang tatak pero talino din ang ibinenta ni PGMA at nasaan tayo ngayon? Magaling siyang magsalita at hinahangaan ko siya sa puntong iyon pero hindi ito laban ng mga public speaker e.

Erap –  naluto ang batok ko at sumakit ang singit namin sa haba ng nilakad mapababa lang siya sa pwesto noon e at ayoko ng maulit yun. Me tsansa na siya at sinira niya.

Noynoy Aquino – Tingin ko hilaw na hilaw pa siya e at ginamit na lang ang popularidad ng kanyang mga magulang. Ang Hacienda Luisita Massacre ang siyang pinakamantsa ng kanyang pangalan at ang di matapos-tapos na usapin ng repormang pangsakahan na di rin nasolusyunan maging ng pag-upo ng kanyang inang si Tita Cory (bagkus ay lalo pang sumahol dahil sa Land Use Convertion). Ang kagandahan lang ay walang matingkad na korupsiyong naiugnay sa kanila na pwede nating sugalan kung nais natin ng “malinis” na pulitika. Marami pa din siyang mga kahinaan lalo na sa kanyang mga kapartidong kilala ng mga trapo.

Halos di naglalalayo ang resulta ng mga survey, nakakaawa nga lang ang mga kulelat kasi tiyak na apektado ang kaisipan ng mga tao sa survey na ito. Sino ba sa atin ang gustong masayang ang boto dahil sa patalong kandidato at totoong ang mga survey ay mind-conditioning lang at maraming “dark horse” ang lumalabas kapag eleksiyon na.

Anu’t-anuman, sana ay wag nating sayangin ang pagkakataong maging bahagi tayo ng makasaysayang pagbabago sa ating bansa. Maaaring mas masahol pa ang ating abutin ngunit narito naman tayo lagi upang magbantay at magpahayag ng sentimyento. Kailangan nating sumugal at dapat ay maging matalino tayo sa pagtaya.