Pagpawi sa pagod na mata

Eye tirednessSa ilang taon kong pagkababad sa computer lalo ngayong working at home online job ako, grabe ang pagod na nararamdaman ko sa aking mata. Walang araw na hindi ako nakaharap sa computer kahit pa nga day off ko.

Hindi mapigilan dala na din ni “Nathan” (nathanda na hahaha) e aabutin nating lumabo ang mata. Napansin ko ang mabilis ang paglabo at ngayon ay nangangailangan ng magsalamim sa pagharap sa computer.

Hala, awat na sa mahabang palabok. Sa madaling salita inaabot kong parang laging inaantok at kung pwede nga lang ay nakapikit ang mata kong nakikipag-usap o kumakain para mapahinga ito. Sa wakas naisipan kong magresearch kung paano maiibsan ang labis na pagkapagod ng mata at narito ang aking natuklasan.

Paalala nga lang na marami sa mga ito ay di ko pa nasubukan ang bisa, isa pa lang actually ang sinubok ko at mukhang satisfied ako sa resulta. Ibabahagi ko lang itong iba para maging opsiyon ng me katulad na problema sa akin.

Tips kapag mayroong eyebags

  • KutsaraPaggamit ng kutsara – walang kagastos-gastos dahil sinisiguro kong lahat tayo ay me kutsara sa bahay. Maglagay ng 2 kutsara sa freezer (o itubog sa tubig na me yelo kung walang ref) at kapag natantiya na malamig na ay kunin ito at ilagay sa ilalim ng mata para sa dagliang pagkawala ng eyebags. Huwag ipi-freeze ang kutsara.
  • Kumuha ng bulak at ilubog sa tinimplang tsaa. Ilagay ito sa mata ng ilang sandali.
  • Kumuha ng bulak at ilubog sa malamig na gatas. Ilagay ito sa mata ng ilang sandali.

Tips sa pagkapawi ng pagod ng mata

  • Makakatulong ang madalas na paghuhugas ng mata gamit ang malamig na tubig. Batid kong marami pa din ang mayroong agam-agam na gawin ito dahil sa takot nating “mapasma” ngunit ito ay subok na. Isipin na lang natin na ang mga player nga matapos ang nakakapagod na laro ay diretsong naliligo di ba?
  • Kung me lavender oil kayo ay patakan ang tubig ng ilang patak saka itubog ang bulak at ilagay sa ibabaw ng talukap ng mata.

strawberry

  • Kung me strawberry kayo sa bahay ay ilagay ito sa ref at kapag malamig na ay ilagay sa ibabaw ng talukap ng mata. Mainam ito sa pagod na mata.
  • Sa 2 tasang pinakuluang tubig ay maglagay ng kaunting boric acid. Kapag lumamig na ay gamitin itong panghugas ng mata para sa dagliang ginhawa.

cucumber

  • Ngunit sa lahat ng nabanggit, ang tanging sinubukan ko pa lang (at katatapos ko lang gawin bago isulat ito) ay ang pipino. Parang icon na ito noon pa man, dalawang hiwa sa magkabilang mata habang nagbibeauty rest ang mga artista. Pero di ko akalaing mapabilib ako.

Lagi akong me pipino (cucumber) sa ref dahil ginagawa kong alternative sa almusal o kaya ay dinner kapag nagugutom ako. Nang mabasa ko uli ang tungkol dito ay naisipan ko ngang subukan. Kanina ay parang gusto ko ng pumikit dahil sa pagod ng mata, alanganing oras nga lang at madami pang kailangang gawin. Humiwa ako ng 2 piraso at habang nakaupo dito ay inilagay sa ibabaw ng mata. Tinakpan ko din ng mejo dark na panyo para marelax lalo at di masilaw sa ilaw. Ramdam ko ang pagsingaw ng malamig na bagay galing sa malamig na pipino. Mahigit sampung minuto siguro sa ganoong posisyon, nakikinig lang ako ng TV.

Nang alisin ko ang pipino, medyo nagduda ako kasi malabo ang tingin ko. Kahit anong exercise ng mata ang gawin ko aba ayaw luminaw. Pero saglit lang pala yun. Nang magbalik ang linaw ng tingin ko ay refresh na refresh ang pakiramdam ko. Galing pala talaga!

Kaya sa lahat ng nabanggit ko , sa wonder pipino pa din ako J.

Subukan din ninyo.

Hanapbuhay para sa mga inang nasa bahay

workathomemomMarami sa mga inang naghahanapbuhay sa labas ng tahanan ay nakakaranas ng tinatawag na “guilt of a working mom.” Iyon bang nasa trabaho ka na pero ang isip mo ay nakatuon pa din sa iniwanang mga anak. Kung nakakakain ba ang mga ito sa ayos, nasa ligtas bang kalagayan at marami pang kaugnay na mga alalahanin lalo na kung maysakit ang anak na naiwan.

Kaugnay sa mga ganitong kalagayan, marami sa mga ina ang nangangarap na sila ay makapaghanapbuhay sa bahay, upang sa ganoon ay patuloy na masubaybayan ang mga anak at pamilya. Ngunit iilan lang ang nagkakapalad na matuklasan kung paano sila makakapaghanapbuhay ng nasa bahay lang.

Marami sa mga work at home mom (WAHM) ay nagiging produktibo sa pagtatrabaho sa bahay habang nakikita at nakakasama nila ang kanilang mga anak at alam nilang nasa ligtas na kapaligiran ang mga ito. Kapag sa bahay ka lang naghahanapbuhay ay nasusubaybayan mo ang iyong pamilya at nagagawa mo ang mga gawain na may kapayapaan ang isip.

Maraming magagandang bagay ang mararanasan ng mga inang sa bahay lang naghahanapbuhay:

  1. Hindi na kailangang gumising ng maaga para ayusin lang ang sarili pagpasok sa trabaho.
  2. Hindi na kailangang mahati ng malaki ang oras sa pag aasikaso sa sarili at mga anak.
  3. Hindi na kailangang makipagsiksikan sa mga bus, jeep o maging sa MRT para lang makarating sa lugar ng hanapbuhay.
  4. Walang gaanong pressure sa mahigpit na boss na lagi ng nasa likuran mo at nagmamasid.
  5. Ayon sa pag-aaral, napatunayang ang mga batang nakakasama ang magulang sa tahanan ay nagiging mas maayos ang kalagayang, emosyonal, sosyal, at maging sa akademya.

Ito naman ang mga dahilan kung bakit marami ang nagnanais na sila ay maging work at home mom:

  1. Nais nilang magkaroon ng mas malaking oras  at quality  time para sa kanilang mga anak.
  2. Nagsasawa na sila sa walang katapusang pagbibiyahe at pagsinghot ng todo-todong polusyon na hatid ng mga sasakyan at pabrika.
  3. Nababawasan ang pakiramdam ng guilt na kaugnay ng paghahanapbuhay malayo sa tahanan.
  4. Mas umiigting ang kanilang konsentrasyon at dedikasyon dahil sa pamilya.

Malaking bentahe talaga kapag may sariling computer at internet sa bahay, idagdag pa ang ilang teknikal na kaalaman at hilig sa mga gawaing kaugnay ng computer.

Tandaan na napakalaki ng posibilidad na makapaghanapbuhay sa loob ng tahanan basta wag lang tayong matatakot sa hamon ng bagong kaalaman. Wala namang hindi natututunan basta bukas lang tayo sa lahat ng pagbabago. At habang ikaw ay kumikita, nadadagdagan din ang ating kaalaman at lumalaki ang tiwala sa sariling kakayanan.

Para sa mga kaugnay na usapin basahin lamang ang mga sumusunod:

Advantage and Disadvantage of Homebased Jobs

Ano ang Magandang Paraan sa Pagkuha ng Bayad sa Employer

Finding Homebased Jobs through oDesk

Verification sa Paypal gamit ang oDesk card