Pahabol sa inagurasyon ni P-Noy

Sa tagal-tagal ng panahon ngayon ko lang natutukan ang isang inagurasyon ng bagong halal na pangulo ng Pilipinas. At paminsan-minsan pala masarap din sa pakiramdam na magpatianod ka na lang muna at wag munang maging kritiko.

Overwhelming ang dating lalo na sa mga nakikitang galak ng mga nagsidalo at lahat naman kahit pansamantala ay wala munang tumuligsa at ibinigay ang entablado para sa bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo. Pero siyempre gusto ko ding magpunto ng kaunti.

  • Magandang halimbawa ang pagiging una sa oras ng lahat ng nagsidalo, ito ay sa kabila ng katotohanang napakahirap gisingin ni P-Noy. Kahit me konting puna na dapat nauna si VP Binay, tama din naman na di siya nahuli, nauna nga lang sa schedule ang madami.
  • Masang-masa ang dating kung saan masigla ang atmosphere ng lahat. Hindi ganun kapormal makakarelate ang lahat.
  • Masarap pakinggan ang mga pangako, parang napakasimple pero sa katotohanan ay medyo suntok sa buwan. Sana nga ay mapangatawanan at maging isang tagasilbi sa mamamayan at hindi isang master ang ating pangulo.
  • Nakakatuwa ding malaman na napaka down to earth ng magkakapatid na Aquino at ateng ate sa pagsasabing babantayan at pagsasabihan ang kapatid kung sakaling malilihis ito.
  • At dahil sa napakasimpleng rendisyon ni Charise ng Lupang Hinirang, naging kapuri-puri ito at makabayan.
  • Ang pagpapaunlak ni P-Noy sa kasayahang inilaan sa kanya sa Quezon Circle ay isang malaking puntos din iyon sa kanya, na kahit pagod na sa maghapong aktibidad ay nagbigay pagpapahalaga pa din at nakikanta pa sa mga naroroon.
  • Mga bagay na ngayon lang nangyari at sana nga ay maisulong niya ang ating bayan at mapagkaisahan ang pagbabago di lang sa pamumuno niya kundi sa pagsisimula sa ating mga sarili.

Hindi ako nangangakong di magiging kritiko sa kanya pero sa ngayon ay nanamnamin ko muna ang bunga ng mga nangyari sa inagurasyon ni P-Noy.

Ang inagurasyon ni P-Noy

P-Noy

Bukas sabi nga nila ay isang bagong kabanata ng ating bansa dahil bukas ay ang inagurasyon at pormal na pag-upo ni P-Noy, ng presidenteng si Benigno C. Aquino III.

Kanya-kanyang opinyon, kanya-kanyang ispekulasyon at ekspektasyon ng sambayanang Pilipino. Marami siyang ipinangakong pagbabago na panghahawakan ng mga maralita, ang hamon sa kanyang kakayanang maipatupad ito at maging iba sa mga nagdaang Pangulo ay napakalaki.

Gaya ng dati, naroon ang mga kapanalig at ang pagbabantay naman ng mga nasa kabilang panig sa lahat ng kanyang mga desisyon at gagawin. Ang paghahalintulad sa track record ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory sa kalinisan sa korupsiyon ang isa sa pamantayang dapat niyang tularan.

Bubot pa siya sa aking pananaw at isa iyon sa kanyang kahinaan dahil napapaligiran siya ng mga trapong hanggang ngayon ay palipat-lipat lang ngĀ  panig. Hindi magandang isiping maiimpluwensiyahan siya ng mga ito pero di malayong mangyari.

We will give him the benefit of the doubt ‘
ika nga ng marami, panahon niya ito at sana ay maging matatag siyang pamunuan ng maayos at matuwid ang ating bansa.

Sa bagong pangulo ng Pilipinas, P-Noy nasa iyo ang bangka upang itimon ang ating bansa ngayon. Nawa ay maayos mo itong maisagawa. At para sa ating pangkaraniwang mamamayan naman, ang patuloy na pagbabantay at pagiging mulat sa lahat ng mga isyu lalo na ng katiwalian at kawalang hustisya.

Mabuhay ang Pilipino sa bagong kabanata!