Ang inagurasyon ni P-Noy

P-Noy

Bukas sabi nga nila ay isang bagong kabanata ng ating bansa dahil bukas ay ang inagurasyon at pormal na pag-upo ni P-Noy, ng presidenteng si Benigno C. Aquino III.

Kanya-kanyang opinyon, kanya-kanyang ispekulasyon at ekspektasyon ng sambayanang Pilipino. Marami siyang ipinangakong pagbabago na panghahawakan ng mga maralita, ang hamon sa kanyang kakayanang maipatupad ito at maging iba sa mga nagdaang Pangulo ay napakalaki.

Gaya ng dati, naroon ang mga kapanalig at ang pagbabantay naman ng mga nasa kabilang panig sa lahat ng kanyang mga desisyon at gagawin. Ang paghahalintulad sa track record ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory sa kalinisan sa korupsiyon ang isa sa pamantayang dapat niyang tularan.

Bubot pa siya sa aking pananaw at isa iyon sa kanyang kahinaan dahil napapaligiran siya ng mga trapong hanggang ngayon ay palipat-lipat lang ngĀ  panig. Hindi magandang isiping maiimpluwensiyahan siya ng mga ito pero di malayong mangyari.

We will give him the benefit of the doubt ‘
ika nga ng marami, panahon niya ito at sana ay maging matatag siyang pamunuan ng maayos at matuwid ang ating bansa.

Sa bagong pangulo ng Pilipinas, P-Noy nasa iyo ang bangka upang itimon ang ating bansa ngayon. Nawa ay maayos mo itong maisagawa. At para sa ating pangkaraniwang mamamayan naman, ang patuloy na pagbabantay at pagiging mulat sa lahat ng mga isyu lalo na ng katiwalian at kawalang hustisya.

Mabuhay ang Pilipino sa bagong kabanata!