Tara na sa Panagbenga!

Dahil sa napapanahon at nagpapaalala na ang mga followers ko sa FB page na Philippines Gateway, narito ang huling kaganapan ng inyong Dora “ang taong makati ang paa…tara libot na!”

Baguio Flower Festival 2019 o mas kilala bilang Panagbenga

Dahil alanganin na ang oras ng pagdating, nahiya na akong abalahin pa ang mga pamangkin ko para makituloy. Sabi ko sa Burnham Park na lang ako magpapalipas ng gabi. Pero hindi pala ganoon kadali iyon at narito ang ilang paalala kung nais niyong magpalipas ng gabi sa Burnham.

Una, ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga tent doon. Mahigpit kasi ang seguridad at naniniguro lang ang otoridad  na walang maaaring gawin sa loob ng tent ang mga bisita. Bawal ang manigarilyo sa pampublikong lugar, iilang lugar lang ang piling maaari niyong panigarilyuhan, P1000 ang multa o isang araw na community service. Kaya kung me mga bata kayong dala e doble paghahanda na lang.

Ikalawa, sobra ang lamig na kahit pa nagsapin na kayo sa lupa e ang hamog naman ang kalaban, mababasa talaga ang inyong higaan kundi ito nakasecure. Dalhin ang mga kakailanganin sa panahong ganito. Akala ko kasi dahil maraming tao e medyo mainit na ang klima doon.

Ikatlo, kundi talaga kayo sanay sa outdoor camping, wag niyo ng isipin pang magpalipas ng gabi o matulog sa park dito. Hindi kayo patutulugin ng klima at yung bawat kaluskos ay dinig na dinig mo pati halos ang hinga ng taong malapit sa iyo.

ikaapat, at siyempre lagi kang alerto sa iyong mga gamit, baka nga ikaw ay maidlip at masalisihan lalo na kung mag isa ka lang at walang makakasama o makapalitang magbantay sa mga gamit niyo.

Ikalima, wag kalimutan ang power bank, walang mapagcha charge an ng mga cellphones dito.

Ikaanim, ihanda ang sarili sa paggamit ng pampublikong palikuran. Bawat gamit ay may bayad depende sa gagawin (na likas naman talaga). Ikunsidera ang lamig ng panahon kaya madadalas ang pagwiwi dito. Maging mahinahon dahil laging mahaba ang pila.

Ikapito, wag akalaing magiging mahaba ang tulog niyo. Ika-3 pa lang ng madaling araw ay umiikot na ang otoridad gamit ang megaphone upang paalisin ang mga sasakyang nakaparada sa daraanan ng Grand Float parade. Gigisingin na kayo upang paghandain sa pupuwestuhan ninyo. Ipapaala ang pagkain ng almusal, baon ng maraming tubig lalo sa mga bata.

Pinili kong sa point of origin ako pumunta at maghintay dahil doon ay makikita mo na ang mga nakaparadang floats, mapipicturan one to sawa at pati ang partisipasyon ng mga kalahok. Madaling araw nga lang kaya madilim dilim pa ang kuha. Gumamit ng mga pandagdag na tulong sa inyong gadget para sa maayos na pagkuha ng mga larawan.

Narito ang ilang highlights ng Grand Floats Parade (big and small floats category)

Kuha ito ng di pa sumisikat ang araw.

This slideshow requires JavaScript.

Narito ang mga kuha ng kasalukuyan ng lumalakad ang parada

This slideshow requires JavaScript.

At siyempre ang street dance participants

This slideshow requires JavaScript.

Huling paalala, ang pagdalo sa ganitong kasayahan ay hindi biro. Kakailanganin talaga ang lakas ng katawan at haba ng pasensiya. Minsan na akong nakadalo sa Sinulog Festival ng Cebu at maikumpara ko lang. Sa Cebu, may mga ginagawa silang tuntungan ng mga manonood hanggang ikatlong patong. Ibig sabihin, ang mga manonood sa Sinulog ay nakaupo sa gilid ng daan na daraanan ng Parada. Hindi nakatayo at nagtutulakan kaya di mo mararamdaman ang ngalay at lahat ay kumportable.

Hindi ganito sa Panagbenga, lahat dito ay nakatayo at kanya kanyang hanap ng pwesto upang makita at makunan ang parada na kadalasang nagreresulta ng gitgitan, tulakan, init ng ulo at kadalasang dukutan at laslasan ng bag. Grabe ang sakit ng aking mga binti, hindi dahil sa pagtayo kundi sa pagpipigil na huwag madala ng mga nagtutulak sa likuran. Hindi ako pwedeng matumba dahil kawawa yung mga may edad na nasa aking harapan. Patang-pata ang aking mga paa pagkatapos ng panonood.

Kaya sa mga di pa nakakaranas manood ng Panagbenga, paghandaan ang lahat ng aking mga paalala.

Hanggang sa muling paggala ni Dora lakwatsera!

Advertisements