Noong di pa gaanong sikat ang pocketbook na tagalog at iilan pa lang ang me telebisyon, komiks ang libangan ng marami at sa me pambili at medyo ibang level ika nga ay ang Liwayway magazine naman. Nakamulatan ko ang Liwayway dahil ang Tiya ko ay mahilig dito noon, kaya tuwing bakasyong nasa kanila ako sa Nueva Ecija ay sandamukal ang Liwayway na pinagtitiyagaan kong basahin.
Noon pa man ay mahilig na ako sa pagkatha ng tula, yun ang pinaka outlet ko noon kasi di ganoon karami ang aking kaibigan (mahiyain pa kunwari kasi ako noon). Ang mga tula sa Liwayway ang isa sa bahaging gustong gusto kong binabasa, malalalim at me kabuluhan. Sabi ko sa sarili ko ay hindi ako titigil hanggang di ako nakakapagpublish ng tula dito. (munting obsesyong pinaghandaan ko hehe).
At hindi ako nabigo, edad 19 ako ng ang isa sa 2 yata o 3 tulang pinadala ko ay nalathala sa Liwayway. Ang presyo pa ng Liwayway noon ay P7 ngayon ay sampung doble na ang halaga nito. Grabe ang tuwa ko nun, parang nanalo ng mini-lotto. May trabaho na ko nun kaya kadami kong binili para lang ipamigay sa aking mga kasamahan. Bagama’t wala itong bayad di gaya ng maikling kwento ay di naging hadlang upang mapasaya nito ang aking kalooban.
At nais kong ibahagi sa inyong lahat ang tulang ito. Tinangka kong kunan sa camera ang sipi ngunit mukhang di mababasa ng maayos kaya isusulat ko na lang at isasama ang background nitong drawing.
SEMANA SANTA NI JUAN
Hayun at ipinako sa krus si Hesus
Ipinako rin si Juan sa kahirapan
Likha ng mga bagong Poncio Pilato
Na nagsisipangilin
Doon sa harap ng bumabahang alak
At sa masasaganang pagkain
Habang si Juan ay tukop ang tiyan
Na kahit di Mahal na Araw
Ay laging nag-aayuno dahil sa gutom
‘Pagkat ang minimum na sweldo’y
Kulang pa sa kanyang anak at asawa
Para sa pagkain sa maghapon.
II
Samantalang ang mga buwaya’y pasasa
Do’n sa pinagpawisan ng manggagawa
Makabagong Mesiyas na palaging hirap
At lagi na’y nakanganga
Sa kaunting baryang kinita.
Ang naghahangad ng pagbabago’y
Tuluyang nilamon ng buwitre ang laman
Na ang tanging nasabi’y
“Ama bakit mo ako pinabayaan?”