Isang Positibong Taon sa Lahat

Kay daming nangyari ngayong taon na ito…sa ating bansa…sa ating pamilya. Ito ang taong sabi nga ng boss ko ay napaka stressful sa akin at totoo naman.

Ang makulit kong ate ay pumanaw noong Hunyo 25, sinundan ng aking tiya ilang araw lang ang lumipas (Hunyo 29) sinagasaan kami ng bagyong Santy at nagpadilim sa aming mundo ng dalawang linggo, at di pa man nagtatagal ay ang lindol na tumama sa Cebu at Bohol at di naglipat linggo ay ang mapanalasang bagyong Yolanda naman ang bumayo sa ating mga kababayan sa Kabisayaan…sunod sunod talagang nag-iwan ng di birong pilat sa buhay ng marami…sa buhay naming mag-anak.

Ngayon ay naglipat taon na naman at ito ay gagawin nating taon ng positibong pananaw at patuloy na pasasalamat…simpleng salo-salo lamang pero magkakasama ang buong pamilya…okay na yun wala ng hahanapin pa.

Sana ay makita natin ang maraming magagandang bagay na dumarating sa ating buhay at iyon ang bilangin at hindi ang iilang kapangitan. Huwag tayong mamuhay sa sama ng loob at paghahanap ng kung anu-ano pa…lumingon lang tayo sa paligid at makikita nating higit tayong mapalad kaysa sa iba…hindi tayo ang nawalan ng di mabilang na kapamilya at mga kaibigan…nakatira tayo sa ating mga tahanan…may mga hanapbuhay at kumakain hindi lamang ng tatlong beses isang araw…hindi tayo ang mga kapuspalad na hindi malaman kung saan matutulog pagdating ng gabi at kung kelan muling malalamnan ang ating mga tiyan…alam ko iyon dahil ang malaking pruweba??? Heto at nakakapagbasa tayo ng blog ng iba.

Isang mapagpalang bagong taon po sa lahat…

DSCN1800

Heaven or Hell

Heaven or Hell

May nabasa akong talaga namang nakainspire sa akin ilang taon na rin ang nakakaraan.

Ito ay tungkol sa isang magkatulad na sitwasyon pero dahil sa magkaibang pananaw ay naging magkataliwas din ang kinalabasan.

May 2 kwarto na ipinasilip ang isang amo sa isang lalaki, ang una ay may napakaraming pagkain, maraming tao at ang kanilang kutsara ay may napakahabang hawakan. Iyong tipong hindi mo mapapakain ang sarili mo kung ito ang iyong gagamitin. Ang mga taong naroroon ay miserable at gutom na gutom sa kabila ng saganang pagkaing nakahatag.

Ang pangalawang kwarto ay may ganito ring senaryo, maraming pagkain, maraming ring tao at may mahahabang hawakan ang mga kutsara nila. Subali’t sa pagtataka ng lalaki, ang mga naroon ay masasaya, nag-aawitan at busog na busog. Hindi nakatiis ang lalaking inutusang sumilip at ito ay nagtanong sa kanyang amo.

“Bakit po ganoon, parehong pareho lang naman ang mga nasa 2 kwarto pero bakit ang isa ay mga miserable ang naroroon at gutom na gutom samantalang kabaligtaran naman ang nasa kabilang kwarto.”

“Simple lang, ang nasa unang kwarto ay sarili lang ang mga iniisip di gaya sa kabilang kwarto na nagbibigayan, kung iyong mapapansin sinusubuan nila ang isa’t isa kaya sila ay busog na busog at masasaya.”

Naalala ko na naman ng manakawan ako mga sampung taon na ang nakakaraan. Wala ako sa bahay at pinasok iyon. Kinuha ang aking TV at alkansiya. Siyempre pa at masakit ang loob ko, hindi sa mga nawala kundi sa katotohanang hindi pala ako ligtas sa loob ng aking pamamahay. Nagkalat ang gamit ko ngunit may nagpasaya sa akin. Nakita ko kasi ang lalagyan ng Pringles na ginawa kong alkansiya, iba pa ito sa mga lalagyan ko ng baryang iniipon. Naalala ko doon nakalagay ung mga papel na perang iniipon ko (di pa ko nagbukas ng savings account ko nun). Kaya laking tuwa ko ng masilip kong naroroon pa din ung malulutong na ilang libong perang inilagay ko.

Sabi ng inang ko sa lahat ng ninakawan ako pa ang natuwa. Sagot ko naman, ipinagpapasalamat kong di lahat naubos at yun ay isang positibo na sa akin. Ipinang paayos ko ng bahay ang perang iyon hehe.

Ito ang totoong paliwanag sa kung paanong magagawa nating langit o impyerno ang isang magkatulad na sitwasyon. Depende iyon sa ating pananaw sa buhay.

Ikaw, gusto mo bang maging miserable din ang buhay mo?