Hubad na pagkatao

Kahalagahan


Hindi ko kasalanang maglakad sa gabi
At sipulan ng mga lalaki
Hindi ko kasalanang ako ay mahipuan
At sabihin mo lang na ika’y nagagandahan.

Hindi ko kasalanang malaki ang aking dibdib
At pag-isipan mong ako ay isang puta
Hindi ko kasalanang sa aking paglalakad
Ikaw ay nakatitig sa pagitan ng aking mga hita.

Hindi ko kasalanang madumi ang iyong isip
At pagnanasa mo ay iyong ipilit
Hindi ko kasalanang gawin mong libangan
At pagkababae ko ay hindi pahalagahan.

Hindi ko kasalanang ako ay maisilang
Sa isang patriyarkal na lipunan
Hindi ko rin kasalanang aking maranasan
Diskriminasyong hindi kagustuhan

Ngunit kasalanan ko ang manatiling tahimik
At kimkimin ang poot sa akin lang dibdib
Kasalanan ko ang payagan kang ako ay tapakan
At walang gawing kahit anuman

Ang aking katawan ay isang templo
Ngunit hindi nang kung sino-sino
Babae ako at isang mapagpasya
Babae ako…isang mahalaga.

————————

Kasalanan mo

 

Kasalanan mo ang hindi pagkibo
Habang ang marumi niyang kamay ay humahaplos
At hinahayaan siyang galugarin ang iyong katawan
Na siyang templo ng iyong pagkatao
At tahanan ng iyong dangal
Kapalit ng kaunting pabor na hindi mo naman hiningi
Kapalit ng iyong pilit na pagbali
Sa katwiran at katotohanang nakakasulasok
Kapalit ng iyong pagpikit.

Kasalanan mo ang hind pagtutol
Habang naririnig mo ang mga sipol
At tawanang sa iyo patungkol
Hindi iyan paghanga kundi ng pagnanasa
Matinding paghahangad sa pagitan ng iyong mga hita
Habang ang tingin sa sarili mo ay ganggabuhangin
Subalit tikom ang iyong mga labi
At kagat kagat, tumutulo ang mga luha
Ngunit patuloy na tahimik ang iyong dila.

Hindi iyan nararapat at hindi lalong tama
Hindi ka naririto upang magbigay lamang ng tuwa
Hindi ka isinilang upang lunukin ang kanilang pagdura
At pagdungis sa iyong banal na dangal
Hindi ka pangalawang klase lang sa lipunan
Ikaw ang tatag na nagluwal sa sangkatauhan
Nagbigay ng buhay mula sa mga dibdib mong mayaman
Kaya nararapat lang na di ka gawing kasangkapan
Ng “libido” nilang marungis, walang galang.

Huwag mong ipinid ang iyong pandinig
Sa panawagan ng pagputol sa pananahimik
Isa kang mabisang instrumento ng pagbabago
Isa kang sandigan ng kapwa mo kabaro
Tinatawagan ka ng ating panahon
Upang tumindig at siyang mamuno
Para bigyang tuldok ang sekswal na karahasan
Na iniluwal ng patriyarkal na lipunan
Nang pag-aakalang ito ang katotohanan.

Makikinig kami sa iyong pagsasalita
Pakikinggan ng mundo ang mariin mong pagtutol
Uunawain ng sangkatauhan ang iyong kalungkutan
Yayakapin ka at patuloy na ititindig
Humayo ka at iyong pakawalan
Ang lakas mong sinusupil, umigkas ka at lumaban
Liparin ang isang malayang lipunang hindi ka sisinuhin
Hindi na titingnang dibdib lang na lumalakad
Hindi na matatakot sa dilim ng gabi.

Hindi ka na matatakot.

———————–

#MeToo

Bakit may mga araw na ginigising ako ng isang bangungot
Ng isang panahon ng pagkabata, inosente, walang bahid
Habang hinahaplos ng isang prinsipal ang murang pagkababae
At pinagkukunwang pinupunasan ang kanyang mesa.

Hindi ako kumikibo, hindi makakibo
Pilit inuunawa ang mga nagaganap
Nakatingin sa kanyang mata at mukhang nakangisi
Habang may hinahagod sa loob ng kanyang pantalon.

Anim na taon, ano aking muwang
Bakit ang kamusmusan iyo nang pinagsamantalahan
Kapalit ng piso at apatnapung sentimo
Na pilit inilagay sa aking mga kamay.

Bakit mayroon akong hindi magagap
Paglabas ko ng iyong tanggapan
Isang hapong wala ng mga tao
Kundi tayong dalawa na lamang.

Bakit habang tinitingnan ko ang mga barya
May nararamdaman akong hindi tama
May naramdaman na akong pagkahiya
May lungkot na, may malisya.

Nagagalit ako bakit mo inagaw
Ang kainosentihan ng isang batang walang muwang
Bakit kailangang gawin mo iyon
Bakit kailangang buntunan mo ng pagnanasa.

Hinding hindi ko malilimutan
Nang mabalitaan kong ikaw ay pumanaw
Ilang taon lang ang nagdaan
Matapos ang iyong kahalayan.

Hindi ko malilimutang hindi ako nalungkot
Habang ang buong eskuwelahan ay nagluluksa
Bakit may saya sa aking puso
Nang mabalitaan ang iyong pagyao.

At may mga gabing dinadalaw pa din ako ng bangungot.

——————

Ang 3 tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 10

Advertisements

Ang misteryo ni “Nicole”

Si Nicole ang isa sa mga sensational na tao sa balita ng Pilipinas, Ang nakakahimbal na karanasan nito sa kamay ng 4 na sundalong amerikano noong hatinggabi ng Nobyembre 1, 2005 ay makikita nating nakatala na sa Wikipedia. Laman ng mga pahayagan at telebisyon. Ang katapangang ipinakita nito sa panahong ng paglilitis kasama ng kanyang abugadong si Atty. Evalyn Ursua ay hindi matatawaran. Isang napakalaking hamon ang paglantad ni Nicole ng kanyang sarili sa kasong ito. Sa isang kulturang iilang kababaihan pa lang ang me lakas ng loob na ilantad ang sarili sa isang “nakakahiyang” sitwasyon, ito ay isang uri ng katapangan.

vfa1Bagama’t napawalang-sala ang tatlo sa mga kasamahan ni Daniel Smith, siya ay hinatulan na mabilanggo ng habangbuhay. Ngunit hindi sa ating kulungan kundi sa pangagalaga pa din ng kanilang kampo. Ito raw ay nakasaad sa kasunduan ng Visiting Forces Agreement (VFA). Isang kasunduang lubhang bias para sa atin. Walang mababasa ang sinuman na papabor sa mga sundalong pilipino o maging sa mamamayang pilipino, ngunit patuloy na pinagwawagay wayan sa ating pagmumukha.

Ngayon ay ang pagtuklas sa misteryong nababalot ng pagbabago ng statement ni Nicole. Mahirap manghusga ng wala ka sa sitwasyon, ang tanging maaari lang gawin sa kabila ng napakaraming katanungang hindi na masasagot ng kanyang pananahimik ay ang mag-ispekula. Nangyari ang pagbabago ng statement na hindi ipinaalam sa noo’y kasalukuyan pang abogadong si Atty. Ursua, sa isang tanggapan na siya ring pinagkunan ng mga abogado ni Daniel Smith.

Consistent at credible ang mga salaysay ni Nicole noon, kaya siya pinanigan ng batas. Bakit ngayong me hatol na at marami ng nabuksang pag-asa sa mga katulad na karanasan ay saka pa nito sasabihing, “duda na siya kung ginahasa nga ba?”

Nakakalungkot at sabiin na nating nakakadismaya ang nangyaring ito, ngunit marami pang hiwaga sa likod ng lahat….Sana lang ay matuklasan pa natin.